Paglilingkod sa Simbahan
Tinawag ng Diyos
Natutuhan ko mismo ang ibig sabihin ng “tawagin ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya, at ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5).
Kalilipat lang naming mag-asawa sa isang bagong bayan at sabik kaming dumalo sa bagong ward namin. Lumabas na binabago pala noon ang hangganan ng mga ward, at hinati ang ward.
Matapos ang simba noong ikawalang Linggo namin, itinakda ng ward clerk na makausap namin ang bagong bishop noong Martes ng gabi. Matapos ang maikling pag-uusap, humingi ng pahintulot ang bishop sa asawa ko na tawagin ako bilang Primary president ng bagong ward. Pagkatapos ay tinawag niya ako sa tungkulin. Nabigla ako, pero naturuan ako na huwag tumanggi kapag tinawag, kaya pumayag akong gawin ang abot-kaya ko.
Binigyan ako ng bishop ng listahan ng mga pangalan at sinabi sa aking makipagkita sa kanya makalipas ang dalawang araw na may napili na para maging mga tagapayo at sekretarya. Natigilan ako. Pagdating namin sa bahay, nagkulong ako sa banyo at umiyak. Ibinuhos ko ang aking damdamin sa Ama sa Langit, sinabi ang mga alalahanin ko sa bago kong tungkulin. Wala akong kakilala sa bagong ward, at kailangan ko ang Kanyang tulong. Pagkatapos kong magdasal, napanatag ako.
Kinabukasan nagdasal ako at saka ko hinarap ang karaniwan kong mga gawaing-bahay. Nakapatong sa mesa ang listahan ng mga pangalang ibinigay sa akin ni bishop, at sinulyap-sulyapan ko ito tuwing madaraanan ko. Pagkatapos kong tingnan nang ilang beses ang listahan, dalawang pangalan ang namukod sa akin. Dinampot ko ang listahan at binasa ang mga pangalan. Nang bigkasin ko ang mga pangalan, nag-init ang pakiramdam ko. Noon ko lang nadama nang gayon kalakas ang Espiritu Santo.
Agad akong nanalangin sa Ama sa Langit, na tumutulo ang mga luha nang muli kong bigkasin ang mga pangalan. Wala akong alam tungkol sa sinuman sa mga babaeng ito, ngunit dama ko na sila ang magiging mga tagapayo ko.
Kinagabihan inisa-isa kong muli sa aking isipan ang mga pangalan sa listahan. Isang pangalan ang pumasok sa isipan ko tuwing gugunitain ko ito. Siya ang naging sekretarya ko.
Kinausap ko ang bishop kinabukasan at ibinigay sa kanya ang mga pangalan ng magiging mga tagapayo at sekretarya ko. Nagulat ako nang sabihin ng bishop na sila rin ang naisip niya na nababagay sa Primary. Pagdating ko sa simbahan kinalingguhan, nakatayo sa labas ng chapel ang unang tagapayo sa bishopric at itinuro sa akin ang mga tagapayo at sekretarya ko nang magdatingan sila. Habang pinagmamasdan ko ang kababaihang ito, nadama ko na kilala ko na sila. Muling pinagtibay sa akin ng Espiritu na ang kababaihang ito ay tinawag ng Diyos.
Alam ko na magkakasundo kami sa paglilingkod sa Panginoon—na siya ngang nangyari. Kahit hindi ko kilala ang kababaihang ito, angkop na angkop sila sa kanilang tungkulin. Alam ng Panginoon kung sino ang nais Niyang tawagin. Napakagandang karanasan sa akin ang matutuhan mismo ang ibig sabihin ng matawag ng Diyos sa pamamagitan ng propesiya.