2011
Ang Espiritu Santo dapat ang palagi nating kasama, pero hindi ko alam kung lagi kong nadarama ang Espiritu. May mali ba sa akin?
Hulyo 2011


Ang Espiritu Santo dapat ang palagi nating kasama, pero hindi ko alam kung lagi kong nadarama ang Espiritu. May mali ba sa akin?

Kung karapat-dapat ka pero hindi mo nadarama ang Espiritu sa tuwina, ibig sabihin siguro nito ay nag-aaral ka pang kilalanin at sundin ang patnubay ng Mang-aaliw. Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kahit sikapin nating maging tapat at masunurin, talagang may mga panahong hindi natin kaagad makikilala sa buhay natin ang patnubay, katiyakan, at kapayapaang hatid ng Espiritu” (“Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Espiritu,” Liahona, Mayo 2006, 29).

Kung hindi ninyo alam kung nasa inyo ang Espiritu Santo, tumigil at makinig sandali. Maaaring madama ninyo ang impluwensya ng Espiritu sa isang tahimik at payapang katiyakan. Subukang kilalanin ang marahan at banayad na tinig kapag gumagawa kayo ng mga bagay na nag-aanyaya sa Espiritu, tulad ng pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, o pagdalo sa sacrament meeting. Sa pagtalima ninyo sa mga panghihikayat at pagsasanay na makinig sa Espiritu, lalakas ang kakayahan ninyong madama ang tahimik at hindi halos napapansing damdaming iyon.

Dapat kayong mamuhay nang marapat upang mapasainyo ang Espiritu (tingnan sa Mosias 2:36). Kung hindi ninyo nadarama ang impluwensya ng Espiritu sa inyong buhay, maaaring ito ay isang babala na kailangan ninyong magsisi at muling pag-isipan ang inyong mga prayoridad. Maaanyayahan ninyo ang Espiritu sa inyong buhay sa pamamagitan ng taos na pagsisisi, pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at iba pang nakasisiglang gawain.