2011
Vancouver British Columbia Temple
Hulyo 2011


Tampok na Templo

Vancouver British Columbia Temple

Noong Mayo 2, 2010, ang Vancouver British Columbia Temple ay naging ika-131 templong nailaan sa dispensasyong ito. Ang templo ay may sukat na 28,165 square feet (2,617 m2) at naglalaman ng isang bautismuhan, isang silid-selestiyal, dalawang silid para sa endowment, at dalawang silid-bukluran. Sa loob, ang tampok na mga kulay ay berde, bughaw, at ginintuan, bilang parangal sa karingalan ng kagubatan, dagat, at himpapawid ng Pacific Northwest. Ang Pacific dogwood, bulaklak ng lalawigan ng British Columbia, ay nakapinta at nakapalamuti sa buong gusali.

Noong gabi bago ang paglalaan, mahigit 1,200 kabataan ang nakibahagi sa pangkulturang pagtatanghal. Pinamagatang “A Beacon to the World,” itinampok sa pagtatanghal ang kasaysayan at ang mga mamamayan ng Canada. Sa simula ng pagdiriwang, pinalitan ni Pangulong Monson ang pambungad na himno ng pambansang awit ng Canada, at sinabing, “Narito kami upang makita ang kagandahan ng Canada na kasama ninyo.”

Sa panalangin ng paglalaan, sinabi ni Pangulong Monson: “Nawa’y malinis ang mga kamay at puso ng lahat ng papasok dito. Nawa’y mag-ibayo ang kanilang pananampalataya habang nagsasagawa sila rito para sa mga patay. Nawa’y lumisan sila na payapa ang damdamin, at pinupuri ang Inyong banal na pangalan.”1

Mula itaas: Isang sulyap sa bautismuhan, sa detalye ng dekorasyon at silid-selestiyal ng Vancouver British Columbia Temple.