Nagsalita Sila sa Atin
Magsimulang Kumilos
Ang pamamahinga sa tagaytay ay tila isang ligtas na paraan para hindi magkamali, ngunit isang paraan din ito para hindi makasulong.
May kuwento tungkol sa isang grupo ng mga smoke jumper [bumberong nagpaparaida]. Inaapula ng matatapang na lalaki at babaeng ito ang mga sunog sa kagubatan sa pamamagitan ng pagpa-parachute sa lupa sa ibabaw ng sunog at pag-apula rito mula itaas paibaba, samantalang ang iba ay inaapula ito mula sa ibaba.
Sa isang partikular na malaking sunog sa kagubatan, nagpulong ang isang mahusay na grupo ng mga smoke jumper para matagubilinan bago sumakay sa kanilang eroplano. Sinabi ng dispatser—isang matalino at bihasang bumbero—sa mga smoke jumper na napakadelikado ng sitwasyon at hindi niya sila mabibigyan ng eksaktong gagawin. Bagkus, bilin ng dispatser, dapat siyang kontakin ng mga smoke jumper sa radyo kapag nakapag-parachute na sila sa tagaytay sa ibabaw ng sunog. At saka niya sila pagbibilinan kung saan daraan para masimulan ang pag-apula sa apoy.
Mabilis na sumakay ang mga smoke jumper sa kanilang eroplano, nag-parachute pababa sa tagaytay sa ibabaw ng naglalagablab na apoy, at nagtipon para kumilos. Habang tinitingnan nila ang sunog mula sa ibabaw, kita nila ang anim na posibleng daanan para masimulan ang kanilang gawain.
Para masunod ang kasunduan nila ng dispatser, inilabas ng pinuno ng grupo ang radyo, natunton ang tamang frequency, at tinawagan ang dispatser para itanong kung saan sila daraan. Ngunit maingay na tunog lamang ang narinig sa radyo; ni hindi nila marinig ang dispatser.
Sa pag-aakalang abala ang dispatser sa iba pang mga gawain, nagpasiyang maghintay nang 10 minuto ang mga smoke jumper at muli itong subukan. Ngunit sa ikalawang pagkakataon, gayon pa rin ang nangyari—walang signal at maingay na tunog at walang tagubilin.
Nag-usap-usap ang mga smoke jumper. May nakikita pa silang ilang daanan pababa ng bundok para makapunta sa magandang lugar at maapula nila ang apoy. Ngunit nag-alala sila na wala silang natanggap na anumang bilin mula sa kanilang dispatser. Nabahala sila na kung tatahakin nila ang landas na mukhang pinakamainam sa kanila, baka salungat pa ang gagawin nila sa gustong ipagawa ng dispatser at mapilitan silang bumalik.
Kaya nagpasiya silang maghintay sa tagaytay. Makalipas ang labinlimang minuto muli nilang sinubukang tawagan ang dispatser. Wala. Ibinaba nila ang kanilang mga backpack at nakahanap ng mauupuan. Ang tatlumpung minuto ay naging isang oras; ang isang oras ay naging dalawang oras. Regular nilang sinubukang kontakin ang dispatser. Ngunit tulad ng dati, maingay na tunog lang ang narinig nila.
Nagpasiyang mananghalian ang mga smoke jumper. Pagkatapos niyon, nang hindi pa rin nila makontak ang dispatser, humilig sila sa kanilang mga backpack at umidlip. Dismayado sila. Kung pinansin lang sana sila ng dispatser at sinabi kung saan sila daraan, masaya nilang susundan ang daang ito at sisimulan nilang apulain ang apoy. Ngunit tila binalewala sila ng dispatser, na malamang ay abala sa ibang bagay. At nagpasiya sila na hindi sila kikilos nang walang tagubilin ng dispatser. Tutal, nangako itong pagbibilinan sila bago sila mag-parachute pababa sa tagaytay.
Pitong oras matapos makarating ang mga smoke jumper sa taluktok ng tagaytay, isang pagod na crew chief mula sa grupo ng mga bumberong umaapula ng apoy sa bandang ibaba ng bundok ang umakyat at nakita ang mga smoke jumper. Gulat na gulat ito. Paglapit sa pinuno nila, nagtanong ito, “Ano ang ginagawa ninyo at nagpapahinga lang kayo rito? Kinailangan namin ang tulong ninyo. Muntik na naming hindi maapula ang apoy dahil walang tumulong sa amin. At sa buong panahong iyon ay nagpapahinga lang pala kayo rito sa tagaytay?”
Ipinaliwanag ng pinuno ng mga smoke jumper ang kalagayan nila sa crew chief. Pinangakuan silang tatagubilinan ng dispatser. Hindi sila tumigil sa pagsisikap na makuha ang mga tagubiling iyon. Ngunit binalewala sila ng dispatser, at hindi sinagot ang mga tawag nila. Totoo, may nakita silang ilang daraanan pababa sa sunog. Ngunit natakot sila na baka mali ang madaanan nila. Kaya nagpasiya silang maghintay hanggang sa matanggap nila ang ipinangakong tagubilin ng dispatser.
Kinuha ng crew chief ang maliit na radyong ginagamit ng mga smoke jumper. Pagkatapos ay naglakad siya ng mga 50 yarda (45 m) pababa sa isa sa mga landas papunta sa sunog. Tumigil ito at sinubukan ang radyo. Malakas at malinaw na narinig ang boses ng dispatser. Pagkatapos ay nagbalik ang crew chief sa taluktok ng tagaytay at naglakad ng mga 50 yarda pababa sa isa pang landas. Tumigil siya at tinawagan ang dispatser. Muling narinig kaagad ang boses ng dispatser.
Bumalik ang crew chief sa mga smoke jumper at initsa ang radyo sa pinuno, at sinabing, “Wala kayong signal diyan. Ang dapat lang ninyong gawin ay lumakad pababa sa isa sa mga daanan, at madali sanang naitama ng dispatser ang daan ninyo at nakarating sana kayo sa mismong lugar kung saan namin kayo kailangan. Sa halip ay nagpahinga kayo rito, at nawalan kayo ng silbi sa amin.”
Kadalasan sa ating pangangailangan sa espirituwal na gabay at patnubay, matutukso tayong gawin ang mismong ginawa ng mga smoke jumper. Matatagpuan natin ang ating sarili sa di-kilalang teritoryo. Nakikita natin ang ilang landas na maaari nating tahakin, at hindi natin tiyak kung alin ang tatahakin. Pinangakuan tayo ng inspirasyon at tulong mula sa ating Ama sa Langit. Ngunit hindi ito laging dumarating kaagad. Nadidismaya tayo at nagpapasiyang umupo na lang at maghintay hanggang dumating ang ipinangakong patnubay. Hintay tayo nang hintay, na nagtataka kung bakit hindi tayo tinutulungan ng banal na Dispatser sa ating landas.
Dahil dito, binabalewala natin ang isang mahalagang alituntunin ng paghahayag. Umaasa ang ating Ama sa Langit na gagamitin natin ang ating sariling talino, kakayahan, at karanasan para balangkasin ang unang landas na ating tatahakin. Sa pagtahak natin sa landas na pinili natin, nasa mas mabuting kalagayan tayong tumanggap ng pagtatama ng landas na gusto Niya para sa atin. Ngunit kung magpapahinga lang tayo sa tagaytay at hihilig sa ating mga backpack hanggang sa pagbilinan Niya tayo, nanganganib tayong matagpuan ang ating sarili sa lugar na walang espirituwal na inspirasyon.
Itinuro sa atin ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Inaasahan na gagamitin natin ang liwanag at kaalamang taglay na natin upang ayusin ang ating buhay. Huwag na nating hintaying ituro pa sa paghahayag ang dapat nating gawin, sapagkat sinabihan na tayong gawin ito sa mga banal na kasulatan; ni huwag na nating asahang palitan pa sa paghahayag ang espirituwal o temporal na talinong natanggap na natin—para lamang ito palawakin. Dapat tayong mamuhay sa karaniwan at regular na paraan, sa pagtupad sa mga pang-araw-araw na tungkulin at patakaran at regulasyong namamahala sa buhay.
“Ang mga patakaran at regulasyon at utos ay mahahalagang proteksyon. Kung kailangan natin ng inihayag na tagubilin upang ituwid ang ating landas, maghihintay ito hanggang kailanganin natin ito.”1
Pinatototohanan ko na ang pinakamainam at pinakamalinaw na patnubay ay dumarating sa ating buhay hindi kapag naghintay lamang tayong tulungan at gabayan ng ating Ama sa Langit kundi kapag sabik at buong sipag tayong nakilahok sa gawain. Kayo na naghihintay sa patnubay ng Panginoon sa inyong buhay—na nangangailangan ng tulong sa mahahalagang desisyon o tanong—narito ang hamon ko sa inyo: Mapanalangin at maingat na gamitin ang sarili ninyong talino at kakayahan sa pagpili ng landas na tila tama sa inyo. Pagkatapos ay maging sabik na tahakin ang landas na iyan (tingnan sa D at T 58:26–28). Pagdating ng oras na itatama ang inyong landas, naririyan Siya para tulungan kayo at gabayan.