2011
Kung Paanong Iniibig Ko Kayo
Hulyo 2011


“Kung Paanong Iniibig Ko Kayo”

Pagmamahal at paglilingkod ang nagpapaiba sa atin bilang mga disipulo ni Cristo.

Barbara Thompson
President Dieter F. Uchtdorf

Nagkaroon akong minsan ng roommate na maganda ang kalooban, pero halos lahat ng ginawa ko ay tila kinaiinisan niya. Naisip ko, “Bakit kaya siya naiinis sa akin? Napakadali ko namang pakisamahan. Hindi ba?”

Dahil hindi niya ako mahal, ginamit kong dahilan iyon para hindi rin siya mahalin. Mabuti na lang, naalala ko ang ipinayo ng isang bishop sa sacrament meeting noong nasa kolehiyo ako. Tandang-tanda ko pa ang payo niya: “Kung hindi mo gaanong mahal ang isang tao, siguro hindi pa sapat ang paglilingkod mo sa taong iyon. Kapag pinaglilingkuran mo ang isang tao, mamahalin mo ang taong iyon.”

Matapos pag-isipan ang payo ng aking bishop, nagpasiya ako na kailangan kong paglingkuran ang roommate kong ito at subukan ang payo ng bishop. Humanap ako ng maliliit na paraan para matulungan ang roommate ko, magpakita ng kabaitan sa kanya, at maging mas sensitibo sa kanyang pangangailangan at gusto.

Pagkatapos ay halos agad na nangyari ang isang himala! Nalaman ko na talaga palang mahal ko siya. Isa siyang mabait at matalinong tao. Mapalad akong makasama siya sa apartment. Namangha ako sa pagbabago ng pagtingin ko sa kanya sa napakaikling panahon.

Pagmamahal at Paglilingkod sa Iba

Kapag sinuri natin ang Juan 13, malalaman natin ang ilan sa pinakamahahalagang aral na itinuro ng Tagapagligtas noong magministeryo Siya sa lupa, kabilang ang:

  1. Paglingkuran ang isa’t isa.

  2. Magmahalan.

Nang magtipon ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga Apostol para kumain sa araw ng Paskua, tahimik ang kapaligiran. Alam ng Tagapagligtas na malapit na Siyang dakpin at ipako sa krus. Tiyak ko na kahit hindi naunawaan ng mga Apostol ang kahalagahan ng mga kaganapan sa gabing iyon, hindi magtatagal at malalaman at mas lubos nilang mauunawaan ang misyon ng Tagapagligtas.

Matapos ang hapunan kumuha ng tuwalya si Jesus, nagbuhos ng tubig sa palanggana, at hinugasan ang mga paa ng bawat lalaking naroon. Ang paghuhugas ng mga paa ay ginawa nang may kapitagan at kapakumbabaan habang walang alinlangang dumanas ng kalungkutan ang Tagapagligtas sa mga magaganap, kabilang na ang nalalapit na pagkakanulo sa Kanya.

Batid na si Jesus ang Mesiyas at ipinangakong Tagapagligtas, gusto ni Pedro na siya ang maglingkod sa Panginoon sa halip na ang Panginoon ang maglingkod sa kanya. “Kung hindi kita huhugasan,” sabi ng Tagapagligtas, “ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin” (Juan 13:8). At agad pumayag si Pedro sa mapagmahal na paglilingkod ng Tagapagligtas.

Pagkatapos ay nagpaliwanag si Jesus:

“Tinatawag ninyo akong Guro, at Panginoon: at mabuti ang inyong sinasabi; sapagka’t ako nga.

“Kung ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa’t isa.

“Sapagka’t kayo’y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo” (Juan 13:13–15).

Gusto ni Jesus na matutuhan ng Labindalawa—at ng bawat isa sa atin—na ang pagpapakumbaba at paglilingkod ay magagandang katangiang dapat nating hangaring matamo. Itinuro niya na walang taong napakaimportante para maglingkod sa iba. Katunayan, isa sa mga bagay na nagpapadakila sa atin ang ating kahandaang maglingkod at mag-alay ng ating sarili. Sabi nga ng Tagapagligtas, “Datapuwa’t ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo” (Mateo 23:11; tingnan din sa Lucas 22:26).

Pagsunod sa Halimbawa ng Tagapagligtas

Ipinaaalala sa atin nito ang paglilingkod na ginawa matapos ang ilan sa mga pinsalang dulot ng kalikasan na naganap nitong nakalipas na mga buwan at taon. Nasaksihan natin ang mga bagyo, lindol, gutom at mga salot. Maraming kuwento tungkol sa mga tao, bagama’t sila mismo ay nagdurusa, na nag-alaga sa mga nasaktan, maysakit, o nangangailangan.

Matapos wasakin ng lindol sa Peru ang mga bahay ng libu-libong tao, iniwan ng isang bishop ang mga labing guho ng kanyang sariling bahay at nagmadaling inalam ang kalagayan ng mga miyembro ng kanyang ward at tinulungan at inaliw ang kanyang maliit na kawan.

Habang nagdadalamhati ang isang ina sa Haiti sa pagkamatay ng kanyang sariling mga kapamilya dahil sa lindol, tumulong pa siyang pawiin ang takot at palisin ang sama ng loob ng iba, pinalakas niya ang loob ng mga nakaligtas at tinulungan silang makahanap ng pagkain at kanlungan.

Nagmadaling tumulong ang mga young adult sa Chile sa pamamahagi ng pagkain at suplay sa mga yaong labis na naapektuhan ng lindol doon. Habang naglilingkod ang mga miyembrong ito, nakubli sa kanilang masasayang mukha at matulunging mga kamay ang katotohanan na nanganganib din sila.

Lahat ng taong ito at marami pang iba ay sumunod sa pagsamo ng Tagapagligtas na “gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo” (Juan 13:15). Mababasa rin natin sa Juan kabanata 13:

“Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa.

“Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa” (mga talata 34–35).

Napansin ba ninyo kung gaano kadalas magpahayag ang mga pinuno ng ating Simbahan—mula kay Pangulong Thomas S. Monson hanggang sa Labindalawang Apostol at mga lokal na panguluhan, bishopric, at guro—ng kanilang pagmamahal sa kanilang mga pinaglilingkuran? Ang pagmamahal na ito ay nagmumula sa pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas.

Ang paglilingkod sa iba ay pagpapakita ng pagmamahal sa kanila. Marahil ay iisa at magkapareho ang pagmamahal at paglilingkod. Tunay ngang ang mga ito ang nagpapaiba sa atin bilang mga disipulo ni Cristo.

Detalye mula sa Pabayaan Ninyong Magsilapit sa Akin ang Maliliit na Bata, ni Carl Heinrich Bloch, sa kagandahang-loob ng National Historic Museum at Frederiksborg sa Hillerød, Denmark

Hinuhugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Apostol, ni Del Parson © IRI