Hindi Takot sa Tubig
Si Joseph ng Apu Inti Island, Lake Titicaca, Peru
Ang pitong-taong-gulang na si Joseph ay lumaki sa lugar na naliligiran ng tubig. Ibig kong sabihin ay lumaki siyang may tubig sa paligid niya—ang malamig na tubig ng Lake Titicaca sa Peru. Iyan ang nangyayari kapag nakatira ka sa maliit na pulong gawa sa nakalutang na mga tambo.
Si Joseph at kanyang pamilya ay kabilang sa mga taong Uros, mga taong nagsipagtayo at tumira sa nakalutang na mga pulo sa Lake Titicaca nang daan-daang taon. Nangingisda sila sa lawa. Naliligo sila sa lawa. Nagsasagwan sila patawid ng lawa para makalipat-lipat sa mga pulo.
Maaari ninyong isipin na dahil sanay sa tubig si Joseph, hindi na siya kakabahan kapag tumayo na siya sa bautismuhan pagkaraan ng ilang buwan para mabinyagan. Pero nadarama niya ang nadarama ng maraming bata.
“Sabik na ako,” wika niya. “Pero takot akong lumubog sa tubig.”
Dahil may tubig sa buong paligid nila, tinuruan ang mga batang Uros na mag-ingat sa tubig. Kaya nang sabihin ni Joseph sa kanyang mga magulang ang kanyang mga pangamba, pinag-usapan ng pamilya ang binyag sa kanilang family home evening, at pinraktis ni Joseph at ng kanyang ama ang gagawin.
“Ang tatay ko ang magbibinyag sa akin,” sabi ni Joseph. “Tinulungan niya akong huwag matakot.”
Ngayon ay masigasig na naghahanda si Joseph para sa kanyang binyag. Sinisikap niya na lalong makinig sa oras ng Primary at matutuhan ang Mga Saligan ng Pananampalataya. Alam niya na makakatulong iyon sa kanya ngayon at sa hinaharap.
“Magmimisyon ako,” wika niya. “Tulad ng sabi ni Nephi, hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon” (tingnan sa1 Nephi 3:7).