Mula sa Misyon
Ang Basura ng Isang Tao ay Kayamanan ng Iba
Ang isang aklat na may mga ginintuang letra sa pabalat ay naging kayamanan sa taong naghahanap ng katotohanan.
Araw ng tag-init iyon sa aking misyon. Nilakad namin ng kompanyon ko ang lahat ng kalye ng St. Petersburg, Russia, sa pag-asang makahanap ng mga bagong investigator. Nang gabing iyon nakilala namin ang isang matandang lalaki malapit sa bahay namin at sinimulan namin siyang kausapin. Bagama’t hindi siya nagpahayag ng interes sa ebanghelyo, kapwa namin naisip na bigyan siya ng Aklat ni Mormon. Sa loob ng aklat isinulat namin ang magagandang hangarin namin para sa kanya, ang aming patotoo, at numero kung saan kami makokontak.
Kalaunan nang gabi ring iyon, lingid sa aming kaalaman, isang binatang nagngangalang Ilya ang nasa labas kasama ang kanyang kapatid. Habang naglalakad sa kahabaan ng medyo naiilawang underground street, nakita ni Ilya ang kislap ng ginintuang letra sa pabalat ng isang aklat sa lupa. Nang yumukod siya para tingnan nang malapitan ang aklat, nabasa niya ang ginintuang mga letrang nakalimbag sa aklat—Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo. Pinulot niya ito at iniuwi.
Kinabukasan pinagnilayan namin ng kompanyon ko kung paano kami makakahanap ng mga bagong investigator. Pumasok ang mga ideya sa isipan ko: “Ginagawa namin ang lahat para makahanap ng mga bagong pagkakataon. Nasaan ang mga resulta? Siguro may kailangan kaming baguhin sa ginagawa namin.”
Ilang sandali pa at tumunog ang telepono. Sinagot ko ito. Tanong ng tinig sa kabilang linya, “Elder ba ito? Nakita ko ang nawawala ninyong aklat sa subway crossing. Gustong ko itong ibalik sa inyo.”
Agad akong sumulyap sa istanteng kinalalagyan ng mga banal na kasulatan ko. “Palagay ko hindi ko naiwala ang mga banal na kasulatan ko sa subway,” sagot ko. “Hindi ko naiwala ang aking Aklat ni Mormon, pero sa inyo na lang iyan at basahin ninyo.”
Sinabi ng binata na siya raw si Ilya at ipinaliwanag na lumaki siya sa Orsk, Russia, at nagpunta sa St. Petersburg para magtrabaho.
“Gusto kong malaman pa ang tungkol sa aklat na ito at sa inyong simbahan,” wika niya. “Maaari ba tayong magkausap?”
Napatalon ako sa tuwa. Hindi karaniwang tumatawag ang mga potensyal na investigator para makipagkita at matuto pa tungkol sa Simbahan.
“Siyempre, puwede, Ilya!” masaya kong tugon.
Nang makausap namin si Ilya, nakinig siyang mabuti at nagtatanong. Natuwa kami dahil handang-handang siyang tanggapin ang ebanghelyo.
Minsan habang nagtuturo, binuklat ko ang kopya ni Ilya ng Aklat ni Mormon. Nang buklatin ko ang mga unang pahina, nasulyapan ko ang pamilyar na sulat-kamay—ang akin! Natanto ko na ito ang aklat na ibinigay namin sa matandang lalaki noong isang araw. Malinaw na itinapon ng lalaki ang aklat, na nakita naman kaagad ni Ilya. Laking pasasalamat naming magkompanyon dahil ipinasiya naming iwan ang aklat sa matandang lalaki, kahit sa sandaling iyon ay hindi namin maintindihan kung bakit.
Hindi nagtagal nagpasiya si Ilya na sumapi sa Simbahan. Masigasig niyang sinimulang ibahagi ang mensahe ng ebanghelyo sa kanyang mga kamag-anak at kaibigan.
Nalaman ko na alam ng Ama sa Langit kung kailan handa ang isang tao na tanggapin ang Kanyang salita. Ang hinihingi lang Niya sa atin, bilang mga misyonero at miyembro ng Kanyang Simbahan, ay sundin ang Kanyang mga utos at sumang-ayon sa Kanyang kalooban sa paghahangad nating ibahagi ang ebanghelyo. Sa sitwasyong ito alam ng Diyos na bagama’t binalewala ng orihinal na tumanggap ang kahalagahan ng aming Aklat ni Mormon, hindi naman ito babalewalain ni Ilya (tingnan sa 1 Nephi 19:7).