2011
Sa Taong Ito, Damo Iyan—Bunutin Mo
Hulyo 2011


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Sa Taong Ito, Damo Iyan—Bunutin Mo

Habang lumalaki ako sa Lehi, Utah, USA, may malaking halamanan ang pamilya ko na sapat ang lawak kaya pinagsalit-salit namin ang pagtatanim ng mais at patatas bawat taon. Isang araw inutusan ako ng tatay ko na bunutan ng damo ang mga mais habang siya naman sa mga patatas. Habang binubunutan ko ng damo ang isang hilera ng mais na anim na pulgada (15 cm) ang taas, nakita ko ang nag-iisang tanim na patatas na mas malago at mas maganda kaysa anumang tanim na patatas sa panig ng halamanan na kinaroroonan ni Itay. Tinawag ko siya at tinanong, “Ano po ang gagawin ko rito?”

Halos hindi nag-angat ng ulo si Itay. “Bunutin mo.”

Dahil inakala kong hindi niya naunawaan na patatas ang itinuro ko, tumutol ako, “Pero Itay, hindi po ito damo. Patatas po ito.” Muli, sumagot siya nang hindi tumitingin, “Hindi sa taong ito. Sa taong ito, damo iyan. Bunutin mo.” Kaya’t binunot ko iyon.

Mula noon madalas ko nang pag-isipang mabuti ang katalinuhan ng mga salita ng aking ama. Napagtanto ko na ang pagsunod ay hindi lang paggawa ng tamang pasiya kundi paggawa ng tamang pasiya sa tamang panahon. Kapag iniisip ko ang lahat ng bagay na ipagagawa sa akin ng Ama sa Langit sa buhay na ito, ang paggawa nito sa tamang panahon ay singhalaga rin ng paggawa ng lahat ng ito. Halimbawa, ang pagmimisyon, pagdedeyt, pag-aasawa, pagkakaroon ng mga anak, pag-aaral, at pagsisimulang maghanapbuhay ay mga tamang pasiya. Subalit kapag ginagawa ng mga tao ang mabubuting bagay na ito sa maling pagkakasunud-sunod, kadalasan ay kapahamakan ang kinahihinatnan nito.

Itinuro ni Haring Benjamin na dapat ay ating “tiyakin na ang lahat ng bagay … ay gagawin sa karunungan at kaayusan” (Mosias 4:27).Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kabilang din sa pananampalataya ang tiwala sa tiyempo ng Panginoon, sapagkat sinabi Niya, ‘Lahat ng bagay ay kinakailangang mangyari sa kanilang panahon’ (D at T 64:32).”1

Naniniwala ako na nililinlang tayo ni Satanas sa pagkumbinsi sa atin na gawin ang mga tamang bagay sa maling pagkakasunud-sunod: pagtatalik bago pakasal, pagdedeyt bago sumapit sa edad na 16, pagkakaroon ng anak bago mag-asawa, at kung anu-ano pa. Ang mga pinakadakilang utos ng Diyos, kapag ipinagpalit o nilapastangan, ay nagiging mga halamang tumubo nang wala sa panahon—mga damo. Kapag natutukso akong pangatwiranan ang paggawa ng tama sa maling panahon, nagpapasalamat ako sa mahalagang aral na itinuro ng aking ama: “Hindi sa taong ito. Sa taong ito, damo iyan. Bunutin mo.”

Tala

  1. Neal A. Maxwell, “Lest Ye Be Wearied and Faint in Your Minds,” Ensign, Mayo 1991, 90.

Larawang kuha ng © Digital Vision