2011
Ang Simbahan sa Iba’t Ibang Dako
Hulyo 2011


Ang Simbahan sa Iba’t Ibang Dako

Pinag-iibayo ng mga Makinang Panahi ang Pag-asa sa Sarili

Dahil sa donasyong 50 makinang panahi ng Simbahan sa Ministry of Social Welfare ng Fiji noong 2010 at sa parating pang 50 donasyon, nag-iibayo ang pag-asa sa sarili at pagkakaroon ng pagkakataong makapagtrabaho para sa kababaihang nakatira sa mga baryo ng Fiji.

Dahil sa mga donasyon ng mga miyembro ng Simbahan sa humanitarian fund, natutugunan ng Simbahan ang mga pangangailangan sa buong mundo sa pamamagitan ng mga proyektong katulad ng mga donasyong makina. Ang mga kinatawan ng Simbahan ay nakikipagtulungan nang husto sa mga pinuno ng baryo at gobyerno para maunawaan ang mga sitwasyon sa lugar at isaalang-alang ang mga naisin ng mga mamamayan sa komunidad.

“Ginagawa namin ito at ang mga proyektong tulad nito dahil kami ay mga alagad ni Jesucristo,” sabi ni Elder Taniela B. Wakolo, Area Seventy, sa isang interbyu ng Fiji Times. “Ang aming pananampalataya ay umaakay sa amin na … gumawa ng mabuti sa mundo.”

Tumanggap ng Parangal ang Isang Miyembrong Hapon

Noong Nobyembre 9, 2010, apat na buwan bago ang mapangwasak na lindol sa Japan, tumanggap si Yoji Sugiyama, miyembro ng Fujisawa Japan Stake, ng isang intermediate class ng Order of the Sacred Treasure para sa natatanging paglilingkod niya sa kanyang bansa.

Bilang miyembro ng Foreign Ministry sa loob ng maraming taon, malaki ang bahagi ni Brother Sugiyama sa pag-aayos ng mga kasunduan at naglingkod siya bilang diplomat para sa Japan.

Kinikilala ni Brother Sugiyama na ang Panginoon ang naglalaan sa ating lahat ng mga pagkakataong gumawa ng mabuti sa sarili nating nasasakupan. Sabi niya, “Kung minsan binibigyan tayo ng Panginoon ng mga problema upang masumpungan natin ang ating mga pangangailangan. Kung wala ang mga pangangailangang iyon at ang pagkakataong makahanap ng magagandang solusyon, hindi uunlad ang mga tao at wala silang maidudulot na kaligayahan sa mundong ito.”

Naglaan ng Malinis na Tubig ang Latter-day Saint Charities

Halos isang bilyong katao sa mundo ang walang malinis na tubig, na madalas humantong sa mga sakit na nakukuha sa tubig tulad ng kolera, pagtatae, at tipus. Ngunit simula noong 2002, pitong milyong katao ang natulungan ng Simbahan sa mahigit 5,000 komunidad na magkaroon ng mga mapagkukunan ng malinis na tubig. Mapapanood sa videong Water Is Happiness, na makukuha sa Ingles sa news.lds.org, ang kuwento tungkol sa paglalaan ng LDS Charities ng malinis na tubig sa isang baryo sa Sierra Leone.