Magpatuloy Ka Lang sa Paglangoy
Mahilig lumangoy ang labindalawang-taong-gulang na si Monica Saili. Isa siya sa pinakamahuhusay na batang manlalangoy sa New Zealand. Para siyang taong-isda.
Iyong tungkol sa isda ay malamang na hindi totoo. Ngunit ang tanging isa pang dahilan kung bakit napakahusay niya ay dahil napakasipag niyang magsanay.
Dalawang oras siya sa swimming pool tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes nang alas-5:00 n.u. Tuwing Martes, Huwebes, at Sabado tumatakbo siya nang malayuan pagkagaling sa paaralan.
Ang pinakaayaw niyang estilo ng paglangoy ay ang butterfly stroke na isang kamay lang ang gamit, laging nakataas ang baba, at salit-salit ang kampay ng mga kamay kada 100 metro. “Talagang mangangalay ang mga balikat mo,” wika niya.
Pero natutuhan niya na kapag nahihirapan siya, hindi pinadadali ng pagsuko ang buhay. Kasipagan ang lalong nagpapalakas sa kanya.
Kasipagan at Mahihirap na Sandali
Lahat ng kasipagang iyon ay nakatulong. Nagsimula siyang magkamit ng mga medalya sa edad na 10. Sa edad na 11 kasama na siya sa 10 pinakamahuhusay sa bansa na kaedad niya pagdating sa butterfly stroke. Sa edad na 12 napili siya para sa swimming camp sa pagpapahusay kasama ng pambansang koponan at napiling lumangoy sa Oceania Games sa Samoa laban sa mga manlalangoy ng ibang mga bansa.
Sabi niya, “Laging sinasabi ng tatay ko, ‘Kaakibat ng tagumpay ang kasipagan. Hindi iyan dumarating sa iyo nang walang hirap.’”
Nalaman ni Monica na totoo iyon sa paglangoy, at nalaman niya na totoo rin iyon sa buhay nang biglang mamatay ang kanyang ama ilang buwan pagkaraan ng kanyang ika-11 kaarawan.
“Malapit na malapit ako sa tatay ko,” sabi ni Monica. “Siya ang naghikayat sa aking lumangoy. Sinamahan niya ako sa lahat ng praktis at paligsahan ko. Nang mamatay siya, pakiramdam ko wala na akong makakausap.”
Huwag Sumuko
Nahirapan siyang mawalan ng ama. Pero hindi sumusuko si Monica sa mahihirap na praktis, kaya nang mamatay ang kanyang ama, hindi rin niya isinuko ang kanyang pananampalataya sa Ama sa Langit.
“Ang tatay ko ang halimbawa ko,” wika niya. “Tinuruan niya ako kung paano ipamuhay ang ebanghelyo.”
Mula nang mamatay ang kanyang ama nagbabasa na ng mga banal na kasulatan si Monica bago matulog sa gabi, “para makagawian ko ito,” wika niya. Pinaninindigan niya sa paaralan ang kanyang mga pinaniniwalaan. “Maraming nagtatanong sa akin tungkol sa Simbahan,” wika niya. At naglilingkod siya bilang ward music director.
“Mapalad akong maging miyembro,” sabi ni Monica. “Napapanatag ako kapag lubha akong nababagabag.”
Mas Malakas sa Huli
Nangungulila pa rin si Monica sa kanyang ama. Ngunit sa tulong ng kanyang ina at pamilya, nagpatuloy siya sa buhay.
Naging abala siya sa pag-aaral ng piyano at biyolin, sa mga student council meeting, sa paglangoy, sa paggawa ng Pansariling Pag-unlad, at pagkumpas tuwing sacrament meeting.
Hindi pa niya alam kung hanggang saan siya dadalhin ng kanyang paglangoy o hanggang kailan niya ito gagawin. Ngunit kung ebanghelyo ang pag-uusapan, determinado siyang ipamuhay ito hanggang wakas.
“Kung minsan mahirap ang buhay,” sabi ni Monica. “Ngunit ang paggawa ng mahihirap na bagay ay mas magpapalakas sa atin.” Basta magpatuloy ka lang sa paglangoy.”