2011
Naghahanap ang Simbahan ng mga Kasaysayan ng mga Makabagong Pioneer
Hulyo 2011


Naghahanap ang Simbahan ng mga Kasaysayan ng mga Makabagong Pioneer

Kapag iniisip ng mga miyembro ng Simbahan ang mga pioneer, ang karaniwan nilang iniisip ay yaong mga naglakbay patungong kanluraning Estados Unidos na sakay ng bangka o naglakad noong ika-19 na siglo.

Maaaring hindi alam ng marami na sila ay mga pioneer sa ngayon.

Kasalukuyang naghahanap ang Church History Department ng mga kasaysayan ng mga makabagong pioneer. Bagama’t tinatanggap ng departamento ang lahat ng isinumiteng personal na kasaysayan, mas interesado ito sa mga kasaysayan ng mga nabinyagan, mga taong nakatira sa isang lugar na pinagtatayuan o pinagtayuan na ng isang bagong templo, mga misyonerong naglilingkod sa bagong mission, at mga taong ipinamumuhay ang ebanghelyo kahit wala silang kasamang iba pang mga Banal sa mga Huling Araw.

“Ang mga personal na kasaysayan ng iba ay makakatulong sa mga dumanas ng kanilang naranasan o tumira sa lugar na kanilang tinirhan o nabuhay sa kanilang panahon,” sabi ni Brad Westwood, manager of acquisitions sa Church History Department.

Ang mga personal na kasaysayan ay maaaring buong kasaysayan ng buhay o baha-bahagi nito, tulad ng mga alaala sa misyon, mga personal na karanasan bilang magulang, o iba pang mga partikular na kuwento tungkol sa isang mahalagang kaganapan, sabi ni Brother Westwood.

“Naniniwala tayo na lahat ng anak ng Diyos ay pantay-pantay sa Kanyang paningin,” sabi ni Brother Westwood. “Lahat tayo ay may mahalagang kuwentong isasalaysay—dumaranas tayong lahat ng pagsubok sa mundong ito, at alam natin na nakakatulong ang kasaysayan sa pagkakaroon ng patotoo.”

Isandaang taon mula ngayon, sabi ni Brother Westwood, maaaring mabasa ng isang taong walang sariling talaan ng kasaysayan ng kanyang pamilya ang sa inyo at sabihing, “Ganito pala kapag nabinyagan ka.”

Kapag nalaman ng mga tao ang tungkol sa kanilang mga kamag-anak o iba pang mga pioneer—kabilang na ang mga paghihirap na dinanas nila, at mga aral na natutuhan nila, at karunungang natamo nila—makakakita sila ng payo at tulong para sa sarili nilang buhay.

Kapag isinumite ang isang kasaysayan sa aklatan, ikinakatalogo ito at matitingnan at mababasa ng mga bumibisita. Ang mga manuskrito o aklat ay nakalagak sa Church History Library na kontrolado ang temperatura, na nangangalaga sa preserbasyon nito.

Narito ang payo ni Brother Westwood sa mga nag-iisip magpadala ng kanilang mga personal na kasaysayan sa Church History Library:

Magsulat para mabasa ng publiko. Bagama’t magandang pagkunan ng kasaysayan ang mga diary at journal, kadalasan ay tungkol ito sa mga kaganapan sa araw-araw at sa personal na kuru-kurong hindi laging angkop na mabasa ng publiko. Kung minsan ay ipinapahamak nito ang pribadong buhay ng isang tao. Kung may impormasyon sa mga kasaysayan na makakasira sa reputasyon ng isang tao, tatanggapin ang mga ito ngunit hindi mababasa ng publiko.

Isulat sa mga yugto at kabanata ang inyong mga kuwento. Kadalasan, ang pagsisikap na magsimula sa mga unang alaala noong bata pa kayo at pagsaklaw sa lahat ng bagay hanggang sa kasalukuyan ay napakahirap gawin. Magsimula sa paisa-isang kuwento. Halimbawa, magsimula sa pagsulat lamang tungkol sa inyong misyon. Kapag natapos ito, isulat naman ang iba pang yugto ng inyong buhay.

Gumamit ng mahahalagang sanggunian. Kung may liham kayo, kopyahin ito o ilagay sa isang aklat. Kung may retrato kayo, isama ito. Kung gumamit kayo ng impormasyon mula sa isang aklat, itala ito. Maaaring gumamit ng mga scrapbook sa personal na kasaysayan. Gayunman, ang mga gumagawa ng mga scrapbook ay karaniwang hindi nagbibigay ng detalye o nagsusulat tungkol sa mga kaganapang nakalarawan sa mga retrato, sabi ni Brother Westwood. Iminumungkahi niya na bigyan ng ilang minuto ang pagsusulat tungkol sa kaganapan sa mga retratong inilagay sa scrapbook.

Konsultahin at interbyuhin ang iba. “Karaniwan ay iniisip natin ang ating personal na kasaysayan sa sarili nating pananaw, ngunit kapag nakakuha tayo ng mas maraming impormasyon, mas magiging makabuluhan ito,” sabi ni Brother Westwood. Ang pag-iinterbyu sa ibang tao ay nagdudulot ng bagong pananaw at makakatulong para mapaganda ninyo ang inyong kasaysayan.

Magsulat tungkol sa mga espirituwal na karanasan, mahahalagang sandali, at pangunahing bagay, tao at kaganapan. “Gusto ng mga tao ang isang kuwentong maganda ang pagkasalaysay,” sabi ni Brother Westwood. Magsulat ng mga karanasang may simula, gitna, at wakas. “Huwag sumulat ng 60 pahina tungkol sa inyong buhay bago kayo nag-dalawang taong gulang. Malamang na hindi ninyo isulat ito, at hindi ito babasahin ng mga tao.”

Magsulat tungkol sa mga bagay na gustung-gusto ninyo. Iminungkahi ni Brother Westwood na sa halip na isulat nang sunud-sunod ang mga pangyayari sa inyong buhay, maaari ninyo itong isulat ayon sa tema o paksang kinawiwilihan ninyo.

Ang pinakamahalaga, hindi dapat magsumite ang mga miyembro ng kasaysayang personal o pampamilya sa Simbahan nang hindi muna ito ipinababasa sa mga kapamilya, dahil dapat itong magpalakas sa pamilyang pinagmulan nito.

Naniniwala si Brother Westwood na ang mga naglalaan ng oras para itala ang personal nilang kasaysayan, na tapat na isinusulat ang masasama at mabubuting panahon ng kanilang buhay, ay makikita ang kamay ng Panginoon sa kanilang buhay at mag-iiwan ng pamana at mga alaalang magpapalakas sa kanilang pamilya at iba pang mga miyembro ng Simbahan.

Kung kayo ay isang makabagong pioneer at gusto ninyong ibahagi ang inyong mga karanasan, isumite ang inyong kasaysayan sa Church History Department.

Maaari ninyong ipadala sa koreo ang inyong kasaysayan sa: Church History Library, 15 East North Temple Street, Salt Lake City, UT 84150-1600, USA, Attention: Acquisitions.

Ang personal na paghahatid nito ay maaaring gawin mula alas-9:00 n.u. hanggang alas-5:00 n.h., Lunes hanggang Biyernes.

Maaari din niyong i-email ang inyong kasaysayan sa ChurchHistoryAcquisitions@ldschurch.org o tumawag sa Church History Acquisition call center sa 1-801-240-5696.

Ang isang maikling pelikula tungkol sa buhay ni Joseph Millett, na makukuha sa Ingles sa news.lds.org, ay kuwentong nagpapalakas ng pananampalataya na mapapanood ngayon dahil naingatan ito sa mga personal na kasaysayan.

Larawan sa screen mula sa video ni Joseph Millett

Ang mga personal na kasaysayan ay makakatulong sa iba na mapalakas ang kanilang pananampalataya.

© 2006 David Stoker