Sa Maliliit na Paraan
Akala ko maayos ang buhay ko. Nagmisyon ako, nakatapos sa kolehiyo, nagkaroon ng trabaho, at sa huli ay lumipat sa isang apartment para magsarili. Nagsimba ako tuwing Linggo at nagpunta sa mga aktibidad kung minsan. Marami akong kaibigan, walang asawa at mayroon, at bigla akong nagkaroon ng mas maraming oras para magbasa, na paborito kong gawin noong bata pa ako. Subalit maging sa lahat ng aktibidad na ito, parang may kulang pa rin.
Sa Alma kabanata 37, mababasa natin ang payo ni Alma sa kanyang anak na si Helaman. Sa mga talata 41–42, nagsalita si Alma tungkol sa pamilya ni Lehi at sa Liahona. Ipinaliwanag niya na hindi kikilos ang Liahona kapag “sila ay … mga tamad, at nakalimot na pairalin ang kanilang pananampalataya at pagiging masigasig” at na “hindi sila sumulong sa kanilang paglalakbay; kaya nga, sila ay namalagi sa ilang, o hindi nakapaglakbay sa isang tuwid na daan.” Nalaman ko sa pagbabasa ng mga talatang ito na hindi ako sumusulong. Hindi ako sumasampalataya o masigasig sa anumang bagay sa buhay ko. Tumigil ako sa pagsisikap na matamo ang isang mithiin. Naghintay na lang ako na may mangyari.
Walang isang partikular na sandali na gumawa ako ng listahan at nagsulat ng lahat ng kailangan kong baguhin. Bagkus, unti-unting nangyari ang mga pagbabagong iyon. Una, nagsimula akong gumising nang maaga at mag-jogging o mag-ehersisyo nang kaunti. Sumunod, naghanap ako ng kurso sa paaralan na makakatulong sa akin na umasenso sa trabaho o makahanap ng iba. Nakakita ako ng kurso at gumugol ng panahon sa paghahanda sa mga test para makapag-aplay. Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at panalangin ay naging mas mahalaga sa akin, at sinikap kong mag-ukol ng oras araw-araw sa pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo at paghahangad na madama ang Espiritu. Lalo akong nagsikap na makibahagi sa ward namin—kahit nangahulugan ito ng pagsasakripisyo ng ilang oras ko.
Mula nang simulan ko ang maliliit na pagbabagong ito, mas sumaya ako. Nadarama ko na sumusulong ako at binibigyan ako ng Ama sa Langit ng bagong mga hamon. Kaya ko nang harapin ang mga hamong iyon nang may pag-asa sa halip na may takot at panghihina ng loob. Nalaman ko na kapag huminto tayo sa paggawa o pagsampalataya at pagtahak sa isang direksyon, hindi tayo matutulungan ng Ama sa Langit na sumulong at hindi natin mararating ang ating patutunguhan. Labis akong nagpapasalamat sa maliliit na pagbabago sa aking buhay na nakatulong sa akin na makita ang hinaharap.