2011
Ang Tanging Maibibigay Ko
Hulyo 2011


Mga Kabataan

Ang Tanging Maibibigay Ko

Nag-alala ako kung paano ko babayaran ang mga bagay na gusto kong gawin sa tag-init: mga klase, workshop, summer camp, at marami pang iba. Parang gusto ko nang maiyak. Pagkatapos ay naalala ko ang lahat ng bagay na naituro sa akin tungkol sa pagtitiwala at pananampalataya sa Panginoon. Nagpasiya akong ipaubaya sa Panginoon ang sitwasyon at magtiwala na kung ito ang Kanyang kalooban, maglalaan Siya ng paraan.

Di-nagtagal matapos iyon, may nakitang tseke si Inay mula sa trabaho ko noong unang mga buwan ng taong iyon na hindi pa naipapalit, at kinabukasan din ay may natanggap akong kaunting perang premyo sa koreo dahil pumangalawa ako sa isang kompetisyon. Malaking patotoo ito sa akin na buhay nga ang Diyos, na mahal Niya ako at pinagmamalasakitan at paglalaanan.

Puspos ako ng pasasalamat at pagmamahal sa aking Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Parang sasabog ang puso ko sa tuwa! Sabik akong ipakita ang malaking pasasalamat ko, na purihin ang Diyos nang abot-kaya ko, at ibahagi ang damdaming iyon. Nagawa na ito ng iba sa pagkatha ng awitin, pagsulat ng tula, o pagpipinta, ngunit hindi ko kayang gawin ang alinman sa mga iyon. Natanto ko na ang tanging maibibigay ko na sasapat na papuri ay ang buhay ko—ang maging “uliran ng mga nagsisisampalataya” (I Kay Timoteo 4:12), ang ibigay ang buhay ko kay Cristo. Iyan lang ang Kanyang hinihiling, at iyan ang tanging maibibigay ko.