2011
Gagabay sa Iyong Pag-uwi
Hulyo 2011


Gagabay sa Iyong Pag-uwi

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2010.

President Henry B. Eyring

Nais ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang bawat espiritung anak Niya na makabalik na muli sa Kanya. Isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo, upang ligtas tayong makapaglakbay. Naglagay Siya ng mga gabay at tagasagip upang tulungan ang Kanyang mga anak sa daan. Ang mga magulang, kapatid, lolo’t lola, tiya, at tiyo ay malalakas na gabay at tagasagip.

Ang mga lider din sa Primary ay tumutulong sa paggabay sa mga bata. Isang babae, noong bata-bata pa, ang nasa Primary general board na tumulong sa paglikha ng sawikain ng CTR. Nagturo siya sa Primary ng kanyang ward hanggang sa halos 90 taong gulang na siya. Dama ng maliliit na bata ang pagmamahal niya sa kanila. At higit sa lahat, dahil sa kanyang halimbawa natutuhan nilang madama at makilala ang Espiritu Santo.

Isang hapon, inihatid ng asawa ko ang aming panganay na anak sa bahay ng isang babaeng tinuturuan siyang magbasa. Ako ang susundo sa kanya pag-uwi ko mula sa trabaho.

Natapos nang maaga ang aralin niya kaysa inaasahan namin. Tiwala siya na alam niya ang daan pauwi. Kaya naglakad na siya. Matapos siyang makapaglakad nang halos kalahating milya (0.8 km), gumagabi na. Malayung-malayo pa siya sa bahay.

Nanlabo ang mga ilaw ng mga kotseng nagdaraan dahil sa kanyang mga luha. Naisip niya na kailangan niya ng tulong. Kaya’t nilisan niya ang kalsada at naghanap ng lugar na luluhuran.

Sa mga palumpong, naririnig niya ang mga boses na papalapit sa kanya. Dalawang kabataan ang nakarinig sa kanyang pag-iyak. Sabi nila, “May maitutulong ba kami sa iyo?” Sinabi niya sa kanila na naligaw siya at gusto na niyang umuwi. Nagtanong sila kung alam niya ang numero ng telepono o address sa bahay nila. Hindi niya alam. Isinama siya nila sa kalapit na lugar kung saan sila nakatira. Nahanap nila ang pangalan ng pamilya namin sa direktoryo ng telepono.

Nang matanggap ko ang tawag, dali-dali akong nagpunta para tumulong, at nagpasalamat na may mabubuting taong inilagay sa kanyang daan pauwi. At lagi akong nagpasasalamat na naturuan siyang manalangin nang may pananampalataya na darating ang tulong kapag siya ay naligaw.

Pinatototohanan ko na kayo at bawat anak ng Diyos ay mahal ng Panginoon. Kapag sinunod ninyo ang inspiradong tagubilin dito sa totoong Simbahan ni Jesucristo, kayo ay makararating nang ligtas sa ating tahanan sa piling ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas.

Mga paglalarawan ni Jennifer Tolman; larawang kuha ni Robert Casey