2011
Ang Templo ay Bahay ng Diyos
Hulyo 2011


Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary

Ang Templo ay Bahay ng Diyos

“Ang mga banal na ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga taong makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama sa walang hanggan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”).

Magagamit ninyo ang aralin at aktibidad na ito upang malaman ang iba pa tungkol sa tema ng Primary sa buwang ito.

Ano ang pakiramdam ninyo kapag nakikita ninyo ang kagandahan ng templo? Pumapasok ba sa inyong isipan ang mga salitang ito: “Templo’y ibig makita. Doon ay pupunta”?

Kung minsan kapag kinakanta ng mga bata ang awiting “Templo’y Ibig Makita,”1 hinahangad nilang makita ang templo balang araw, ngunit hindi nila nauunawaan kung bakit may mga templo, ano ang ginagawa sa loob ng templo, o ano ang dapat nilang gawin para makapasok sa loob. Alamin natin ang iba pa tungkol sa templo.

Bakit may mga templo?

Sabi ng Panginoon, “Magtayo ng bahay sa aking pangalan, para sa Kataas-taasan upang manahanan doon” (D at T 124:27). Ang Espiritu ng Panginoon ay nananahan sa Kanyang mga templo. Ang templo ay bahay ng Diyos. Ito ang lugar kung saan tayo gumagawa ng mga tipan (o mga pangako) sa ating Ama sa Langit. Kung tinutupad natin ang ating mga tipan, makakapiling natin Siyang muli.

Ano ang ginagawa sa loob ng templo?

Lahat ay kailangang mabinyagan upang makabalik sa Ama sa Langit. Marami sa mga anak ng Ama sa Langit ang namatay nang hindi nabibinyagan. Kapag 12 taong gulang na kayo, maaari na kayong binyagan sa templo para sa mga taong iyon para makamtan nila ang gayon ding mga pagpapala.

Sa templo tumatanggap din tayo ng endowment, o kaloob. Ang kaloob na ito ay pangako na kung sumusunod tayo sa mga utos, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan.

Sa templo maaaring ibuklod ang mag-asawa bilang pamilya para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Ibig sabihin kung mananatili silang karapat-dapat, mag-asawa sila magpakailanman at makakapiling ang kanilang mga anak bilang walang hanggang pamilya.

Lahat ng ginagawa sa templo ay sa pamamagitan ng priesthood, o awtoridad, ng Diyos.

Paano ako maghahanda para makapasok sa templo balang araw?

Para makapasok sa templo, dapat ay 12 taong gulang ka man lang. Dapat ay nabinyagan at nakumpirmahan ka. Dapat ay naniniwala ka sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Dapat ay naniniwala ka sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Dapat ay ipinamumuhay mo ang mga utos ng Ama sa Langit. Iinterbyuhin ka ng iyong bishop o branch president para matiyak na karapat-dapat kang makapasok sa templo, at tatanggap ka ng temple recommend na ipapakita sa templo. Ang pagkakaroon ng recommend ay nangangahulugan na namumuhay ka sa paraang nararapat para makapasok ka sa loob.

Kapag nanatili ka sa landas na maghahantong sa iyo sa templo, magiging handa kang pumunta roon upang “Espiritu’y daramhin, alay ko’y dalangin. Pagkat templo’y tahanan ng Diyos, kagandaha’t pag-ibig.”2

Mga Tala

  1. “Templo’y Ibig Makita,” Aklat ng mga Awit Pambata, 99.

  2. Templo’y Ibig Makita,” 99.

Larawan ng Bern Switzerland Temple na kuha ni Chris Wills; mga paglalarawan ni Adam Koford