2011
Pumunta sa Templo at Kamtin ang Inyong mga Pagpapala
Hulyo 2011


Mensahe sa Visiting Teaching

Pumunta sa Templo at Kamtin ang Inyong mga Pagpapala

Pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang binibisita ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang inyong kababaihan at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.

Pananampalataya • Pamilya • Kapanatagan

Mga kapatid, napakapalad natin. Ang Tagapagligtas ang namumuno sa Simbahang ito. Pinamumunuan tayo ng mga buhay na propeta. Mayroon tayong mga banal na kasulatan. At marami tayong banal na templo sa lahat ng dako ng mundo kung saan matatamo natin ang mga ordenansang kailangan para makabalik tayo sa ating Ama sa Langit.

Pumupunta tayo sa templo para muna sa ating sarili. “Ang pangunahing layunin ng templo,” paliwanag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, “ay ilaan ang kailangang mga ordenansa para sa ating kadakilaan sa kahariang selestiyal. Ang mga ordenansa sa templo ay ginagabayan tayo patungo sa ating Tagapagligtas at pinagpapala tayo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Mga templo ang pinakadakilang lugar ng pagkatuto na alam ng tao, na nagbibigay sa atin ng kaalaman at karunungan tungkol sa Paglikha ng mundo. Ang mga tagubilin sa endowment ay nagbibigay ng patnubay kung paano tayo dapat mamuhay rito sa mortalidad. … Ang ordenansa ay binubuo ng sunud-sunod na mga tagubilin kung paano tayo dapat mamuhay at ng mga tipang ginagawa natin para mamuhay nang matwid sa pamamagitan ng pagsunod sa ating Tagapagligtas.”1

Ngunit hindi riyan nagtatapos ang ating paglilingkod sa templo. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa pagpapabinyag para sa isang namayapa na, naipapaalala sa inyo ang mga tipang inyong ginawa. Napagtitibay na muli sa inyong isipan ang mga dakilang espirituwal na pagpapala na may kaugnayan sa bahay ng Panginoon. … Sa mga tipan at ordenansa nakasentro ang mga pagpapalang maaari ninyong makamit sa banal na templo.”2

Pumunta sa templo nang paulit-ulit. Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo ay magpapanatili sa atin sa landas tungo sa pinakadakila sa lahat ng pagpapala—ang buhay na walang hanggan.

Barbara Thompson, pangalawang tagapayo sa Relief Society general presidency.

Mula sa mga Banal na Kasulatan

Isaias 2:3; I Mga Taga Corinto 11:11; Apocalipsis 7:13–15; Doktrina at mga Tipan 109

Mula sa Ating Kasaysayan

Si Propetang Joseph ay madalas magsalita sa kababaihan ng Relief Society sa kanilang mga pulong. Noong itinatayo ang Nauvoo Temple, tinuruan ng Propeta ang kababaihan sa doktrina, at inihanda silang tumanggap ng iba pang kaalaman sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo. Noong 1842 sinabi niya kay Mercy Fielding Thompson na ang endowment ay “ilalabas ka … mula sa kadiliman tungo sa kagila-gilalas na kaliwanagan.”3

Tinatayang 6,000 Banal sa mga Huling Araw ang nakatanggap ng mga ordenansa sa templo bago nila nilisan ang Nauvoo. Sabi ni Pangulong Brigham Young (1801–77), “Gayon na lamang ang pananabik na ipinakita ng mga Banal na makatanggap ng mga ordenansa [ng templo], at gayon na lamang ang pananabik namin na mangasiwa sa kanila; kaya’t inilaan ko na ang aking sarili sa gawain ng Panginoon sa Templo sa gabi at araw. Karaniwan ay hindi [ako] natutulog nang higit pa sa apat na oras sa bawat araw, at umuuwi ako minsan lamang sa isang linggo.”4 Ang lakas at kapangyarihan ng mga tipan sa templo ay lalong nagpatatag sa mga Banal nang lisanin nila ang kanilang lungsod at templo at naglakbay sa di-pamilyar na lugar.

Mga Tala

  1. Robert D. Hales, “Mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Okt. 2009, 14.

  2. Boyd K. Packer, The Holy Temple (1980), 170, 171.

  3. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 486.

  4. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young(1997), 12.

Paglalarawan ni Athley Glori