Pananampalatayang Tumugon sa Tawag
Mula sa isang mensahe sa regional stake conference broadcast noong Setyembre 12, 2010, sa Brigham Young University.
Lahat tayo ay dapat magkaroon ng pananalig na nag-aalab sa ating puso na ito ang gawain ng Diyos at hinihingi nito ang pinakamainam na maibibigay natin sa pagtatayo ng “(mga) wasak na lugar ng Sion.”
Noong 1849, dalawang taon pa lamang na nakarating ang mga Banal sa Salt Lake Valley, pinamunuan ni Elder Parley P. Pratt ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang ekspedisyon patungo sa timog. Habang papalapit sa timog ang ekspedisyon, lalong humirap ang daan. Nang marating ng kalalakihan ang 3,000 talampakan (914 m) mula sa gilid ng Great Basin hanggang sa tagpuan ng Virgin River at Santa Clara River (timog ng St. George, Utah, ngayon), lalong naging tuyo at mabuhangin, mabundok at baku-bako ang daan. Hindi ito nagustuhan ng mga manggagalugad. Sabi sa isang journal:
“Nagdaan kami … sa baku-bako, mabato, mabuhangin at halos di-mailarawang bayan, na pawang lubhang naguguluhan. …
“Natanghal ang lawak ng kapangitan ng lupain, na binubuo ng malalaking burol, [mapulang] disyerto, walang buhay at walang damong kapatagan, nakatiwarik na malalaking bato, tigang na lupa, … batong-buhangin … na nagkalat sa di-mawaring kalituhan—sa madaling salita, isang nasalantang bayan, … winasak at iginuho ng isang napakatinding pagyanig sa nagdaang panahon.”1
Ngunit gaano man kahirap tahakin ang lupain papuntang timog, ang wasak at guhong mga talampas at mabanging kagubatan ng bayan ng San Juan sa bandang silangan ay mukhang mas mapanganib. Alam ng mga pinuno ng Simbahan na ang paglinang sa mabato at liblib na lugar na iyon ay magiging mahirap, ngunit gusto pa rin nilang magtayo roon ng komunidad para sa Simbahan. Sa quarterly conference ng Parowan Stake noong 1879, 250 katao ang tumanggap ng tawag ni Pangulong John Taylor na iorganisa ang San Juan Mission. Sa 80 bagon at halos 1,000 baka at kabayo, sinimulan nilang maglakbay sa liblib at di-pamilyar na lugar na naliligiran ng mga bundok na balot sa niyebe at matutulis at naglalakihang bato.
Sa paghahanap ng pinakamaikling daan papuntang San Juan, nalampasan ng mga manggagalugad na iyon ang bawat sagabal ngunit di-nagtagal ay nakaharap nila ang pinakamalaki at nakakatakot na balakid sa lahat: ang di-maraanang golpo patungong Colorado River. Himalang nakakita ang pagal nilang mga manggagalugad ng makitid na siwang sa bangin—isang bitak na 2,000 talampakan (610 m) ang haba pababa sa mapulang mga talampas patungong Colorado River. Tila itong nag-iisa at napaka-mapanganib na “butas sa bato” ang tanging posibleng daanan papunta sa silangang bahagi.
Halos buong kahabaan nito, napakakitid ng siwang sa batong-buhangin para maraanan ng mga kabayo at ang ilang bahagi naman ay napakakitid para malusutan kahit ng tao. Sa taas nitong 75 talampakan (23 m) lang, tila imposible nang makadaan pa ang isang tupang bundok, at lalo na ang kargadong mga bagon. Ngunit walang balak umatras ang matatag na mga Banal, kaya sa tulong ng mga pampasabog at ilang kagamitan, at sa walang puknat nilang paggawa mula Disyembre 1879 hanggang Enero 1880, gumawa sila ng mapanganib at simpleng daanan sa gilid ng bangin.
Nang matapos ang daanan, sa gayong ayos, ang sumunod na gagawin ay palusutin ang unang 40 bagon sa “butas.” Ang iba pang mga bagon, na naghihintay sa Fifty-Mile Spring na limang milya (8 km) ang layo mula roon, ang susunod kalaunan.
Inayos nila ang sarili sa paraang “may labindalawa o higit pang kalalakihang pipigil sa likod ng bagon” hawak ang mahahabang tali para dahan-dahan itong maibaba. Kinadenahan nila ang mga gulong, para dumausdos nang maayos ang bagon at hindi tuluy-tuloy na gumulong sa bangin ang mga ito.
Sa isa sa pinakadakilang mga sandali sa kasaysayan ng mga pioneer, isa-isang ibinaba ng pangkat ang mga bagon sa mapanganib na bangin. Nang marating nila ang ibaba ng bangin, kaagad nilang sinimulan ang pagtawid sa ilog gamit ang balsang sadyang ginawa nila para doon. Nagkataon na pamilya ni Joseph Stanford Smith ang nasa huling bagon na ibababa sa araw na iyon.
Tumulong si Stanford Smith sa pagbababa sa mga naunang bagon, ngunit mukhang nakalimutan ng pangkat na kakailanganin pa rin ng tulong ng pamilya Smith sa pagbaba. Sa matinding pag-aalala na tila nakalimutan na siya at ang kanyang pamilya, inilapit ni Stanford ang kanyang mga hayop, bagon, at pamilya sa gilid ng bangin. Ipinuwesto niya ang mga hayop sa harapan at ang pangatlong kabayo ay nakatali sa likod ng bagon sa ehe sa likuran. Tumigil doon sandali ang mga Smith at sinilip ang mapanganib na butas. Bumaling si Stanford sa asawang si Arabella, at sinabi, “Mukhang hindi natin kaya.”
Sagot niya, “Pero kailangan nating kayanin.”
Sabi niya, “Kung mayroon man lang sanang ilang lalaki na pipigil sa bagon, baka makaya natin.”
Sagot ng kanyang asawa, “Ako ang pipigil sa likod.”
Naglatag siya ng kubrekama sa lupa, at ipinagbilin ang sanggol na anak sa tatlong-taong-gulang na anak niyang si Roy, at limang-taong-gulang na si Ada. “Bantayan muna ninyo ang kapatid ninyo hanggang sa bumalik si papa,” wika niya. Pumuwesto si Belle Smith sa likuran ng bagon, mahigpit na nirendahan ang kabayong nakatali sa likuran ng karetela. Inakay na ni Stanford ang mga hayop pababa sa butas. Gumewang-gewang pababa ang bagon. Sa unang pag-alog tumumba ang kabayo sa likuran. Sinunggaban ni Sister Smith ang kabayo at ang bagon, at hinatak ang mga tali nang buong lakas at tapang. Natumba rin siya at nakaladkad kasama ng kabayo, isang matulis na bato ang sumugat nang malalim sa kanyang binti mula sakong hanggang balakang. Ang matapang na babaeng ito, punit ang damit at malalim ang sugat, ay nangunyapit sa mga taling iyon nang buong lakas at pananampalataya hanggang sa pampang ng ilog.
Nang marating ang ibaba at halos di-makapaniwala sa kanilang nagawa, agad inakyat ni Stanford ang 2,000 talampakan (607 m) pabalik sa ituktok ng talampas, sa takot sa kapakanan ng mga anak. Pagdating sa gilid ng bangin, nakita niya ang mga anak na walang katinag-tinag sa pinag-iwanan sa kanila. Karga ang sanggol, at sakbit ang dalawa pang anak na nakakunyapit sa kanya at sa isa’t isa, dinala niya sila pababa sa mabatong daan patungo sa kanilang nag-aalalang ina. Natanaw nila sa malayo ang limang lalaking papunta sa kanila na may dalang mga kadena at tali. Nang matanto ang kalagayan ng mga Smith, pumunta ang kalalakihang ito para tumulong. Sigaw ni Stanford, “Huwag na kayong tumuloy, mga kapatid. Nakababa na kami nang maayos. Si [Belle] lang ay sapat na [para makaraos sa paglalakbay na ito].”2
Pagdating ng Tawag
Ang ekspedisyong Butas-sa-Bato ay isa lamang sa maraming halimbawa ng kahanga-hangang determinasyon at katapatan ng mga Banal noong araw na tumugon sa tawag ng kanilang propeta nang dumating ito. Isa pang halimbawa ang paglikha at pagtawag sa Muddy Mission sa kasalukuyang Nevada. Tulad din ng mga naunang tinirhan ng mga pioneer, napakahirap ding mamuhay sa Muddy, at matindi ang kanilang pagninilay nang dumating ang mga tawag na manirahan doon.
Tiyak na itinanong ng ilan sa mga tinawag noong 1860s, “Sa dami ng lugar sa mundo, bakit sa Muddy pa?” Marami talagang dahilan. Una sa lahat, dahil sa Digmaang Sibil ng Amerika naging posible ang pagpapadala ng mga produkto sa pamamagitan ng Colorado River. Pangalawa, nang mahinto ang paggawa ng matagal nang pinagkukunan ng mga tela dahil sa digmaan, itinatag ang Cotton Mission sa di-kalayuang mga lungsod ng St. George at Washington. Ipinalagay na ang bulak para sa misyong iyon ay maitatanim sa rehiyon ng Muddy. Pangatlo, matinding nadama ng mga Banal sa mga Huling Araw ang obligasyon nilang makipagtulungan sa mga lipi ng mga Katutubong Amerikano sa rehiyon, sa pagtulong na mapakain at sa pag-asang maturuan sila.
Magkagayunman ay mapanglaw at tigang na kaparangan ang rehiyon. Tila halos wala itong maibigay kundi init at mabigat na trabaho. Nasa liblib ito at halos lahat ng bahagi ay mapanglaw, at ang ilog na nagbigay ng identidad sa misyon ay angkop na angkop sa pangalan nito.
Kung paano at sa anong klaseng pananampalataya at determinasyon nanirahan ang mga Banal sa Muddy, hahayaan kong magsalita ang isa sa mga nanirahan doon. Siya ang sagisag ng determinasyon at katatagan ng loob at mataas na moralidad kapwa sa mga kabataan at matatanda—sa pagkakataong ito lalo na sa mga kabataan. Isinulat ni Elizabeth Claridge McCune tungkol sa tawag sa kanyang ama na manirahan sa Muddy:
“Walang lugar sa mundo na napakaimportante sa akin sa edad kong labinlimang taon maliban sa minamahal kong [bayan ng] Nephi [sa Juab County ng Utah]. Tuwang-tuwa kami tuwing bibisita si Pangulong Brigham Young at kanyang mga kasama! …
“… Si Bro. Brigham, sina Bro. Kimball at Bro. Wells kasama ang [kanilang] buong pangkat ay umibis mula sa kanilang karwahe, at lumakad sa mabulaklak na daan … patungo sa aming tahanan, [kung saan] nakahanda at nakahain ang pagkain. …
“Dumalo kaming lahat sa pulong sa [Linggo] ng hapon, at inireserba ng mga batang babaeng nakaputi ang mga upuan sa harapan. Napakaganda ng mga sermon, at masaya kami hanggang sa sabihin ni Pangulong Young na may babasahin siyang ilang pangalan ng mga lalaking tinawag at pinili bilang mga misyonero na humayo at manirahan sa … rehiyon ng ‘Muddy.’ Halos huminto ang tibok ng puso ng mga naroon. Marami sa amin ang tinawag na manirahan sa bayan ng Dixie—ngunit iba sa Muddy, na milya-milya ang layo patimog! at mas malala! oh! oh! Wala na akong ibang pangalang narinig kundi ‘Samuel Claridge.’ Kasunod niyon ay humikbi na ako at umiyak, kahit mabasa ng luha ang [aking] bagong puting damit. Ang pangalan ng ama ng babaeng katabi ko ay tinawag din. Sabi ng kasama ko, ‘Bakit, ano ang iniiyakan mo? Hindi naman nakakaiyak. Alam kong hindi papayag ang tatay ko.’ ‘May kaibhan,’ sabi ko. ‘Alam kong papayag ang tatay ko na umalis at walang makahahadlang sa kanya, at dapat ko siyang itakwil bilang ama kung hindi siya hahayo kapag tinawag siya.’ Pagkatapos ay umiyak akong muli. …
“Dahil kalilipat lang namin sa isang bagong bahay at [talagang] komportable kaming manirahan doon, sinubukang hikayatin ng mga kaibigan namin si Itay na huwag ipagbili ang bahay niya at bukirin; at pumunta lamang sandali sa timog at bumalik din. Ngunit alam ni Itay na hindi ganito ang klase ng misyon na ibinigay sa kanya. ‘Ipagbibili ko ang lahat ng ari-arian ko,’ wika niya, ‘at dadalhin ko ang buong kabuhayan ko para makatulong sa pagtatayong muli ng isa pang wasak na lugar ng Sion.’”3
Pananampalataya sa Gawain
Ano ang lumikha noon at lumilikha ngayon ng katapatan at debosyon sa 15-taong-gulang na batang babaeng ito at sa pamilyang kanyang kinabibilangan? Ano ang nagtulak sa kanya na bumaling sa kanyang di-gaanong matatag na kaibigan at sabihing, “Alam kong papayag ang tatay ko at walang makahahadlang sa kanya”? Saan nanggaling ang katatagang iyon na nagtulak sa kanyang sabihin na, “At dapat ko siyang itakwil bilang ama kung hindi siya hahayo kapag tinawag siya?”
At paano naman ang tatlong batang musmos na iyon na nakitang nawala ang kanilang mga magulang habang sakay ng isang bagon sa gilid ng banging patumbok sa Colorado River ngunit nagtiwala sa tagubilin sa kanila ng kanilang ina? Walang takot silang nakaupo roon, determinadong huwag umalis o umiyak sa kabila ng malaking takot.
Ano ang nakikita natin sa mga halimbawang ito ng matatapat na pioneer? Iyon ang nakita natin sa nagdaang mga dispensasyon ng panahon at walang dudang sa dispensasyon ding ito. Nakikita natin ang nakita natin nang lisanin ng mga Banal ang New York at Pennsylvania at Ohio at Missouri at ang pinakamamahal nilang Nauvoo patawid sa nagyeyelong ilog pati na ang templong di-magtatagal ay masusunog sa di-kalayuan. Iyon ang nakita natin nang ilibing ng mga tao ring ito ang marami nilang patay sa Winter Quarters, na sinundan ng pag-iwan sa mabababaw na libingan, na kung minsan ay sinliit ng kahon ng tinapay, sa Wyoming malapit sa Chimney Rock o sa isa sa marami nilang pagtawid sa Sweetwater River o sa maniyebeng pampang sa Martin’s Cove.
Ang nakita natin noon at ang nakikita natin ngayon sa mga pinagpalang Banal sa buong mundo ay pananampalataya sa Diyos, pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pananampalataya kay Propetang Joseph Smith, pananampalataya sa katotohanan ng gawaing ito at ng mensahe nito. Pananampalataya ang naghikayat sa isang batang lalaki na magpunta sa kakahuyan upang manalangin, at pananampalataya ang nagtindig sa kanya mula sa pagkakaluhod, naglagay sa kanya sa mga kamay ng Panginoon para sa Panunumbalik ng ebanghelyo, at sa huli ay sumuong sa pagiging martir wala pang dalawampu’t apat na taon pagkaraan.
Hindi kataka-takang pananampalataya ang una at nananaig na alituntunin ng ebanghelyo at ng ating gawain noon pa man at magpakailanman. Lubos nating pinananaligan na hindi lang dapat sumulong ang gawain kundi kaya rin nitong sumulong at susulong ito.
Hindi ko alam kung paano nagawang iwan ng mga ina at ama ang mga sanggol na iyon sa mabababaw na libingan sa kapatagan at pagkatapos, sa huling sulyap, ay manangis habang daan papunta sa Sion. Hindi ko alam kung paano nagawa ng isang babaeng tulad ni Belle Smith na iwan ang kanyang mga anak sa gilid ng talampas at ibaba ang kanyang bagon sa mapanganib na dalisdis. Hindi ko alam kung paano pa nagawang ipagbili ni Samuel Claridge ang lahat ng kanyang ari-arian at itatag ang Sion sa mapanglaw na Muddy Mission. Ang pangunahing lakas na nagtulak sa lahat ng kuwentong ito ay pananampalataya—sintigas ng bato, sindalisay ng metal na isinalang sa pugon, puno ng karanasan, pinalakas na pananampalataya na ito ang mismong Simbahan at kaharian ng Diyos at na kapag ikaw ay tinawag, humayo ka.
Isang Tawag na Manalig
Marami pa ring “[mga] wasak na lugar sa Sion” na itatayo, at ilan doon ay mas malapit pa kaysa Muddy o San Juan Mission. Ilan sa mga ito ay nasa ating sariling puso at sariling tahanan.
Kaya ipinaaabot ko ang tawag na pag-alabin nating lahat ang pananalig sa ating puso na ito ang gawain ng Diyos at na hinihingi nito ang pinakamainam na maibibigay natin sa gawain. Nakikiusap ako sa inyo na pangalagaan ninyo ang inyong sariling pisikal at espirituwal na lakas upang magkaroon kayo ng matibay na pananampalatayang masasandigan pagdating ng mahihirap na atas o hamon o iba’t ibang pangangailangan. Manalangin pa, mag-aral pa, huwag pansinin ang ingay at ihinto ang pagdaing, magalak sa kalikasan, humiling ng personal na paghahayag, saliksikin ang inyong kalooban, at magsumamo sa kalangitan para sa patotoo na gumabay sa mga ninuno nating pioneer. Sa gayon, kapag kailangan pa ninyo ng mas malalim na pang-unawa at mas matatag na kaalamang harapin ang buhay at gampanan ang inyong tungkulin, matitiyak ninyo na may makakapa kayong pananampalataya.
Kapag may sarili kayong pananampalataya, handa kayong pagpalain ang inyong pamilya. Ang kaisa-isang pinakamalaking pahiwatig ng pagkaaktibo at paglilingkod, ng debosyon at katapatan sa Simbahang ito ay matibay na pagkakabuklod pa rin ng pamilya. Nasasabi ko iyan dahil alam na alam ko na bahagi ng karingalan ng Simbahang ito ang bawat miyembro. Kung minsan ang miyembrong iyon ay bagong binyag; kung minsan ang miyembrong iyon ay nag-iisang Banal sa mga Huling Araw sa pamilya. May isang tao sa kung saan na kinailangang magkaroon ng pananampalataya sa kanyang puso at magsimula ng bagong henerasyong nananalig sa ebanghelyo. Ngunit ang totoo ay mas napapalakas at napapangalagaan at nagtatagal ang pananampalataya kapag buong pamilya ang nagpapatibay nito. Kaya matapos kayo manindigang mag-isa kung kailangan, masigasig na sikaping hindi naninindigang mag-isa ang iba sa inyong pamilya. Patatagin ang inyong pamilya at tiyaking malakas ang pananampalatayang naroon.
Kapag naisagawa iyan, mapaglilingkuran natin ang Simbahan sa malapit o malayong lugar kung tawagin tayo. Sa gayon ay mahahanap natin ang nawawalang tupa—miyembro man o hindi, buhay man o patay. Magagawa lamang ito nang matalino at mabuti kapag ang natitirang 99 na tupa, kabilang na ang sarili nating maliit na kawan, ay ligtas na nalulukuban habang tayo ay naghahanap. Kung minahal at tinuruan natin ang mga kasambahay, mauunawaan din nila ang eksaktong naunawaan ni Elizabeth Claridge: pagdating ng tawag, makatitiyak kayo na ang inyong ama at ina, ang inyong mga kapatid ay hahayo.
May gawaing gagawin. Hindi natin masasabi na bawat isa sa ating kapwa ay malalim ang pananampalataya, na bawat isa ay matatag ang pamilya, na bawat isa sa malayo at sa malapit ay narinig na ang mensahe ng ebanghelyo at naging isang Banal sa mga Huling Araw na nananalig, nagtuturo, at nagpupunta sa templo. Pasama nang pasama ang daigdig, at ang mga panahong darating ay susubukin ang pinakamabuti sa atin. Ngunit ang mga puwersa ng kabutihan ay laging mananaig kapag ang mga taong tulad nina Stanford at Arabella Smith, mga taong tulad ni Samuel Claridge at ng kanyang matatag na anak na si Elizabeth ay pananaigin ito.
Kailangan tayong sumampalataya sa gawaing ito—sumampalataya sa lahat ng ipinagagawa sa lahat ng nananalig, sumampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa ating Ama sa Langit. Kailangan nating iakma ang ating kalooban sa Kanilang kalooban at pagkatapos ay gawing sintigas ng bato at tunay na sintatag ng mga pioneer ang kaloobang iyon. Kung gagawin natin iyan, alam ko na tayo ay magiging ligtas at panatag sa di-mapigilang pagsulong ng Simbahan at kaharian ng Diyos sa mundo.