2011
Kapuluan ng Pananampalataya: Isang Kuwento ng Kasigasigan
Hulyo 2011


Kapuluan ng Pananampalataya: Isang Kuwento ng Kasigasigan

Sa regular na pagdaragdag lamang sa kanilang pulo mananatiling nakalutang ang pamilya Coila.

Sina Nelson at Dora Coila ay nakatira sa isang pulo—hindi sa isang karaniwang pulo na yari sa matigas na bato na nakalitaw sa isang dagat o lawa—kundi sa isang napakaliit na pulo na sila mismo ang gumawa mula lamang sa mga nakalutang na tambo sa Lake Titicaca sa Peru.

Ang gumawa ng isang pulo at tirhan ito ay kailangan ng pananampalataya. Mga apat na talampakan lamang (1.2 m) ang taas ng magkakapatong na tambo na kinatatayuan ng kubo ng kanilang pamilya at ng isang dosena o mahigit pang kubo sa kanilang pulo sa ibabaw ng tubig na 50 degrees (10 °C) ang temperatura, at patuloy na nakaamba ang mga elemento na sirain ang kanilang tahanang pulo.

Ngunit para kina Nelson at Dora, ang kanilang pulo ay pisikal na sumasagisag sa pinagsisikapan nilang espirituwal na maitatag sa kanilang pamilya: isang pulo ng pananampalataya na magiging matibay laban sa mundo.

Natutuhan nila sa prosesong ito na ang pananampalatayang makapagtayo ay dapat sundan tuwina ng kasigasigang manatiling matibay.

Ang Dahilan ng Pananatiling Matibay

Para sa mga taong Uros, na nagtayo ng mga bahay at nanirahan sa kapuluang ito sa maraming henerasyon, ang tambong totora ay mahalagang bahagi ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Ang tambo, na tumutubo sa mabababaw na dako ng Lake Titicaca, ay magagamit na panggatong sa pagluluto. Makakain ang mga ugat nito. Ang bunot (husk) nito ay maipanggagamot. At, mangyari pa, halos lahat ay gawa sa tambo: ang kanilang mga tirahan, bangka, tore, ang kapuluan mismo, maging ang kanilang mga basurahan.

Ginawa ng mga Uros ang kapuluan sa pagpapatung-patong ng mga tambo. Ngunit kumpara sa ibang materyales sa pagtatayo, hindi nagtatagal ang mga tambong totora. Natutuyo sa araw ang mga ito sa panahon ng tagtuyot. Bumibilis ang pagkabulok nito sa halumigmig ng tag-ulan. At ang tambo na nakalubog sa tubig ay unti-unting nabubulok. Ang patuloy na pagguho ng pulo ng mga Coila ay nagpapahiwatig na dapat maglagay si Nelson ng panibagong patong ng mga tambo kada 10 hanggang 15 araw.

“Ang pagbubuo ng pulo ay simula pa lamang,” wika niya. “Kung titigil ako sa pagdaragdag ng mga tambo, unti-unting masisira ang pulo. Pero kapag mas marami ang ipinatong ko, mas titibay ang pulo.”

Ang Panganib ng Pagpapaliban

Ang pagdaragdag ng mga tambo ay hindi kumplikado o mahirap, pero trabaho ito. Madali itong ipagpaliban.

Gayunman, ang pagpapaliban ay nagpapatindi ng panganib na matapak ang isang kapamilya sa mahinang bahagi at mahulog siya sa malamig na tubig. Sobrang kabuwisitan iyan para sa matatanda, pero maaaring mamatay dito ang maliliit na bata tulad ng dalawang taong gulang na anak ng mga Coila na si Emerson.

Kaya nagdagdag ng mga tambo si Nelson ngayon, batid na ang kaligtasan ng bawat kapamilya ay nakasalalay rito bukas.

Ang aral tungkol sa kasigasigan ang nakagawa ng kaibhan sa buhay ng mga Coila.

Ang mga Epekto ng Kasigasigan

Ang kasigasigan ay pagpipilit na gawin ang isang bagay sa kabila ng oposisyon.1 Unang natutuhan ni Dora kung gaano kahalaga—at gaano kahirap—ang maging masigasig matapos siyang mabinyagan noong 1998.

Noong 17 taong gulang si Dora, nabinyagan sila ng kanyang nakababatang kapatid na si Alicia—na nakatulong sa paglago ng Simbahan sa kapuluan ng mga Uros. Gayunman, makalipas ang mga isang buwan, binawalan sila ng kanilang tatay na makiugnay pa sa Simbahan.

Ngunit may kakatwang nangyari sa mga bata. Bigla silang naging matitigas ang ulo at madalas makipagtalo. Natanto ng kanilang ama na noong nakikibahagi sila sa mga aktibidad ng Simbahan, bumait na sila.

“Dahil diyan nagbago ang isip niya,” sabi ni Dora. “Ginigising na niya kami nang maaga para siguruhing makarating kami ng simbahan sa oras.”

Ayon kay Dora, maliliit na bagay na regular nilang ginawa ni Alicia ang dahilan ng pagbabagong ginawa ng ebanghelyo sa buhay nila, tulad ng pagbabayad ng ikapu, pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath, at pagpapanibago ng kanilang mga tipan linggu-linggo sa pagtanggap ng sakramento.

Kalaunan, dahil nakita niya mismo ang mga pagbabagong dulot ng pananampalataya at kasigasigan,2 sumapi sa Simbahan ang tatay ni Dora kasama ang iba pang mga kapamilya.

Ang mga Gantimpala ng Kasigasigan

Ang pagpipilit na gawin ang tama—sa kabila ng oposisyon—ay iniutos sa pinagtipanang mga tao ng Panginoon. Gayunman, nangako ng mga dakilang pagpapala ang Panginoon sa mga masigasig manalangin,3 sumunod sa mga utos,4 makinig sa paghahayag,5 magsaliksik ng mga banal na kasulatan,6 at gumawa ng Kanyang gawain.7

Sa naranasan ng mga Coila sa pagpapatibay ng kanilang pulo ng pananampalataya kapwa literal at patalinghaga, nalaman nila na totoong ginagantimpalaan ang kasigasigan. “Kung minsan nanghihinawa tayo sa araw-araw na pagtatrabaho, pagluluto, at iba pa,” sabi ni Nelson. “Kapag nalilimutan natin ang Diyos, nagiging kumplikado ang mga bagay-bagay. Mas maraming problema, at nagkakagulo ang lahat.”

Huminto si Nelson para ituro ang bagong patong na mga tambong inilagay niya nang umagang iyon. “Kung magpapatuloy tayo,” wika niya, “kung regular tayong magdarasal, mag-aaral, mag-aayuno, at magpa-family home evening, mas titibay tayo.”

Mga larawang kuha ni Adam C. Olson

Si Nelson Coila (kaliwa) ay nagdaragdag ng bagong patong ng mga tambo ng totora sa Utama, ang nakalutang na pulong tinitirhan niya at ng kanyang pamilya (itaas) sa Lake Titicaca.

Para sa pamilya Coila—Nelson, Dora, at Emerson—at sa mga taong Uros na nakatira sa Lake Titicaca, ang tambong totora ay malaking tulong sa buhay. Ngunit tulad ng mga alituntunin ng ebanghelyo, dapat itong gamitin nang regular.