Pagtatanggol sa Aking Thesis—at sa Aklat ni Mormon
Scott Macdonald, California, USA
Noong nag-aaral pa ako sa unibersidad, ang honors program na inenrolan ko ay pinagagawa ng thesis ang mga estudyante. Ang thesis ng bawat estudyante ay kailangang pangasiwaan at aprubahan ng dalawang propesor.
Para sa thesis ko pinili kong saliksikin at suriin ang digmaan sa Aklat ni Mormon. Kinausap ko ang isang propesor tungkol sa aking ideya, at pumayag siyang maging isa sa mga superbisor ko. Iminungkahi rin niya ang isa pang propesor bilang pangalawang superbisor.
Kinausap ko ang pangalawang propesor at ipinaliwanag sa kanya ang thesis ko. Pagkabanggit ko sa Aklat ni Mormon, nag-iba ang kilos niya at sinimulan niyang batikusin ang Simbahan. Tahimik akong nakinig hanggang makatapos siya at saka ko ipinaliwanag sandali na palagay ko ay hindi niya naunawaan ang ating mga paniniwala. Parang hindi siya nakumbinsi, pero nagulat ako nang pumayag siyang pangasiwaan ang thesis ko.
Matapos ang halos isang taong pagsasaliksik at pagsulat, pinaaprubahan ko ang aking thesis sa faculty. Sa taong iyon natanggap ako sa kursong abogasya, at kailangan kong matapos ang proyektong ito para makatapos at makapagpatuloy.
Sa loob ng isang linggo nakatanggap ako ng e-mail mula sa propesor na bumatikos sa Simbahan. Pinapunta niya ako sa kanyang opisina.
Pagdating ko, ipinasara niya sa akin ang pinto at pinaupo ako. Halos agad niyang sinimulan ang pagbatikos—hindi sa thesis ko kundi sa Aklat ni Mormon. Sinikap kong magpakahinahon, at pinatotohanan ko ang Aklat ni Mormon.
Atubiling tinanong ko ang propesor kung aaprubahan pa rin niya ang thesis ko. Hindi raw.
Umuwi akong lumung-lumo at hindi ko alam ang gagawin. Kung hindi sang-ayon ang taong ito, mawawala ang pagkakataon kong makatapos sa honors program at makapag-aral ng abogasya. Ipinagdasal ko na maging maayos ang lahat kahit paano.
Nang ipaliwanag ko ang aking sitwasyon sa propesor na nangangasiwa sa thesis ko, pinayuhan niya akong bisitahin ang propesor kinabukasan at bigyan siya ng isa pang pagkakataong aprubahan ang thesis ko.
Kinaumagahan naghintay ako sa labas ng opisina ng propesor. Kinakabahan ako, na hindi tiyak kung ano ang magiging reaksyon niya kapag nakita akong muli. Pagdating niya, tahimik niyang binuksan ang pintuan ng kanyang opisina, at pinapasok ako. Walang sali-salitang kumuha siya ng bolpen at pinirmahan ang thesis ko, sa pormal na pag-apruba sa thesis ko. Hindi niya ipinaliwanag kung bakit nagbago ang isip niya pero nginitian niya ako nang magpaalam ako.
Nagpapasalamat ako na nagkaroon ako ng pagkakataong magpatotoo sa taong ito. Alam ko na kung paninindigan natin ang ating pinaniniwalaan, palalakasin at pagpapalain tayo ng Ama sa Langit.