2011
Dalawang Lungsod at ang Magiliw na Awa
Hulyo 2011


Dalawang Lungsod at ang Magiliw na Awa

Tiffany Taylor Bowles, Illinois, USA

Tulad ng Nauvoo, Illinois, ang lungsod ng Natchez, Mississippi, USA, ay nasa mataas na lugar na tanaw ang Mississippi River. Ang mga naunang Banal sa mga Huling Araw na nagmula sa Inglatera kadalasan ay nagdaan sa Natchez patawid ng ilog mula New Orleans papuntang Nauvoo. Katunayan, noong 1844 sinunog ng isang grupo ng masasamang tao ang isang bangkang nakadaong sa Natchez na may sakay na ilang Banal sa mga Huling Araw.

Pagdating ko sa Natchez para magtrabaho sa U.S. National Park Service, nag-alinlangan ako at natakot. Iniwan ko ang lahat ng maginhawa at pamilyar sa akin sa Utah, at nang tumira ako rito sa bago at tila kakaibang lungsod, nakadama ako ng lungkot at lumbay.

Sa unang araw ko sa training, inilibot ako ng superbisor sa mansiyong itinayo noong panahon ng Giyera Sibil na nasa parke at ipinakita kung paano ko dapat ilibot ang mga bisita. Matapos naming libutin ang unang palapag, nahihirapan na akong tandaan ang lahat ng detalye. Mula sa mga kasangkapang yari sa French rococo hanggang sa English porcelain china, ang nagagayakang mansiyon ay nagpakita ng kaunlaran sa Timog—at lubha akong namangha. Sa pagkatanto na kailangan pa naming makita ang ikalawang palapag ng mansiyon, nakadama ako ng lungkot at naalala ko ang bahay namin.

Pag-akyat namin sa maringal na hagdan, napansin ko ang oil painting ng isang bayan. Noon ko lang nakita iyon, subalit may isang bagay roon na pamilyar sa akin. Natuon ang mga mata ko sa ipinintang malaking gusali na nasa mataas na lugar ng bayan, at nakilala ko ang pagkurba ng ilog sa palibot ng lungsod. Iyon nga kaya ang naiisip ko?

Itinanong ko kung Nauvoo nga ang nakalarawan sa painting. Ang aking superbisor, na nagulat sa tanong ko, ay sumagot na iyon nga. Di-nagtagal ay nalaman ko na ang painting ay nabili ng isa sa mga huling may-ari ng mansiyon dahil inaakalang ito ay ipininta sa kalagitnaan ng ika-19 na siglo at ang larawan ng ilog ay umakma nang husto sa kapatagan ng Natchez.

Ang mga Banal na dumaan sa Natchez sa gitna ng pang-uusig ay maaaring nakadama ng ginhawa at pasasalamat nang makarating sila sa wakas sa Nauvoo. Napanatag din ako nang makita ko ang painting ng Nauvoo sa mansiyon sa Natchez. Nakatulong sa akin ang pagkakita ko sa painting na malaman na batid ng Ama sa Langit ang aking sitwasyon at bibiyayaan ako ng lakas na makayanan ang aking pangungulila, takot, at pag-aalinlangan. Alam ko na ang painting ng Nauvoo ay magiliw na awa ng Panginoon.

Pag-akyat namin sa maringal na hagdan, napansin ko ang oil painting ng isang bayan. Ang tanawin nga kayang iyon ang naiisip ko?