2011
Mi Vida, Mi Historia
Hulyo 2011


Mi Vida, Mi Historia

Mga kuwento ng pananampalataya at inspirasyon mula sa mga Banal sa mga Huling Araw na Latino-Amerikano.

Ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mga pahinang ito ay nagbahagi ng kanilang mga kuwento ng matibay na pananalig at paniniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo sa eksibit sa Church History Museum kamakailan. Sa kabuuan kinakatawan nila ang milyun-milyong mga Banal na Latino-Amerikano.

Dalawampu’t apat na kuwento ang nakadispley sa Church History Museum sa Salt Lake City, Utah, hanggang Hunyo 2011. Ang multimedia exhibit ay mapapanood pa rin online sa lds.org/churchhistory/museum/exhibits/mividamihistoria.

Carmen Echeverría Wood

Si Carmen ay isinilang sa isang relihiyosong pamilya sa Guatemala City, Guatemala. Noong siyam na taong gulang siya, tinuruan ng mga misyonerang Banal sa mga Huling Araw ng ebanghelyo ang kanyang pamilya. Masaya siya sa pagdalo sa Primary at binanggit ang bagong kaligayahang nadarama ng kanyang pamilya. Pagkaraan ng isang taon nabinyagan ang pamilya. Sabi niya, “Napakasaya namin noon.” Naaalala niya ang pagdalaw ni Pangulong David O. McKay (1873–1970) sa Guatemala noong 1954 at pagtuturo sa mga bata ng alituntunin ng ikapu. Sa edad na 17 natawag siyang maglingkod sa Central American Mission at nagpasalamat na maibahagi “ang pag-asa sa mas magandang buhay at pagiging magkakasama magpakailanman.”

Miriam Puerta Amato

Si Miriam ay tubong Brazil. Nang gusto na niyang magmisyon, nagpasa siya ng aplikasyon. Pagkaraan ng pitong linggo, kasama ang kanyang pamilyang nagtipon sa tahanan, binasa niya ang sulat na tinatawag siya sa Utah Salt Lake City Temple Square Mission. Sabi niya, “Nang basahin ko ang sulat, nakakatuwa na naghiyawan ang pamilya ko tulad ng ginagawa nila kapag nakakapuntos sa laro ang football team ng Brazil. Masaya rin ako, at alam ko na ang Panginoon ang nagpapadala sa akin.”

Nelson Mousqués

Hindi pa natatagalan matapos isilang si Nelson sa Asunción, Paraguay, nakilala ng kanyang mga magulang ang mga misyonero. “Isang araw nasa balkonahe ng bahay si Itay at nakita niya sina Elder Higbee at Elder Johnson pero hindi niya alam na mga misyonero sila,” paggunita ni Brother Mousqués. “Sinabi niya sa kapatid kong babae na maglabas ng dalawang upuan dahil, aniya, ‘Babaguhin ng mga binatang iyon ang buhay natin.’ Nang pumalakpak ang mga elder sa pinto, binuksan niya ito at sinabing, ‘Pasok kayo. Matagal na namin kayong hinihintay.’ Ang aking ama at ang buong pamilya ay sumapi sa Simbahan.”

Robin Mendoza

Si Robin ay lumaki sa Ecuador sa kahirapan, ngunit gusto niyang mapaganda ang buhay niya. Minsan, habang nagtatrabaho sa isang plantasyon nang 12 oras bawat araw, nagdasal siya na mapatnubayan, at kumidlat habang nagdarasal siya. Nadama ni Robin na mensahe ito ng Diyos na may pangako ang buhay. “Alam ko na ang nadama ko ay mula sa Diyos,” paggunita ni Robin. Nalaman niya na sa pamamagitan ng pananampalataya, mababago niya ang kanyang buhay. Sa edad na 16 umalis siya para magtrabaho sa Guayaquil, kung saan siya nabinyagan. Ang patuloy na pagtanggap ng inspirasyon ay nagpahantong sa kanya sa Brigham Young University, kung saan natupad ang ambisyon niyang makapag-aral.

Ursula Binder Brock

Naaalala ni Sister Brock na pinagnilayan niya ang kahulugan ng buhay noong siya ay limang taong gulang lamang. Noong tinedyer siya sa Venezuela, itinuro ng mga misyonero sa kanya at sa pamilya niya ang ebanghelyo, at nabinyagan sila. Puspos ng pananampalataya, tinawag siyang maging branch Primary president sa edad na 16. Ngayon, matapos ang mahabang paglilingkod, naunawaan na niya na para sa kanya, “ang pananampalataya ay pinipili.” Paliwanag niya, “Pinili kong bigyan ng puwang ang Tagapagligtas sa buhay ko. Nalaman ko na ang Pagbabayad-sala ang pinakadakila at di-makasariling pagpapakita ng pagmamahal sa lahat ng tao. Ang aking Tagapagligtas at Manunubos, ang Tagapagbigay ng kapayapaan, ang naging pinakamatalik kong kaibigan—na laging nariyan para sa akin.”

Lincoln Peters

Si Lincoln ay tumira sa piling ng kanyang pamilya sa Santiago, Chile, hanggang sa pumanaw ang kanyang ina noong siya ay 10 taong gulang. Pagkaraan niyon, tumira siya sa kanyang tiya at tiyo. Noong si Lincoln ay 18, nagpunta sina Elder Barton at Elder Bentley sa bahay ng kanyang tiya at tiyo. Agad tinanggap ng tiya at lola ni Lincoln ang ebanghelyo, ngunit iniwasan ni Lincoln ang mga misyonero. Isang Linggo ng umaga, pumasok ang dati’y mahinahon niyang lola sa kanyang silid, hinila ang kubrekama, at sinabi sa kanya na sasama siyang magsimba sa kanila. Gulat sa kakaibang kilos ng kanyang lola at dahil sa paggalang dito, nagbangon siya at nagsimba. Sa araw na iyon may nadama siyang bago at makapangyarihan sa kanyang kaluluwa na nagpabago sa kanyang buhay. Hindi nagtagal naging isa siya sa mga unang nabinyagan sa Simbahan sa Chile.

Luis at Karla Hernández

Mga tinedyer pa sina Luis at Karla nang magkakilala sila sa Honduras. Nagsimula silang magdeyt at ikinasal kalaunan. Hanga si Luis, na hindi miyembro ng Simbahan, sa mga magulang ni Karla, na “may respeto at pagmamahal sa isa’t isa, kaya ko ginustong malaman ang mga pinahahalagahan nila.” Hindi nagtagal at nabinyagan si Luis, at nabuklod sila ni Karla sa Guatemala City Guatemala Temple. Sa edad nilang mahigit 30, nagkaroon sila ng problema sa kanilang relasyon, at umalis si Karla sa bahay, na iniisip kung pagkakamali ang maaga nilang pag-aasawa. Nag-ayuno at nanalangin si Luis at hiniling sa Diyos na “pauwiin si Karla, at ginawa Niya iyon. Ginawa Niya iyon.” Mas matibay pa ang pagsasama nila ngayon kaysa noon.

Noemí Guzman de Abrea

Si Noemí ay isinilang sa Argentina, kung saan sumapi sa Simbahan ang kanyang pamilya. Nandayuhan sila sa Estados Unidos noong tinedyer siya. Kahit gustung-gusto niya ang pagiging Amerikana, masayang-masaya siyang maranasan ang kultura ng Argentina. “Sa Latin America, napakagiliw ng mga tao. Agad ka nilang isasama; kakaibiganin; at pakikisamahan. Gustung-gusto nilang kasama ang pamilya at mga kaibigan, kumain ng masasarap na pagkain. Napakasaya niyon, at ang maranasan ang bahaging iyon ng kultura ay isang bagay na hindi ko ipagpapalit sa anuman.”

Omar Canals

Sa Uruguay noong 1948, ipinahiram ng nanay ni Omar ang payong niya sa dalawang misyonerang Banal sa mga Huling Araw. Dahil dito, nakausap niya ang mga misyonera, at ang ate ni Omar ay nabinyagan kalaunan. Isinilang noong 1948, si Omar ang unang sanggol na binasbasan sa Uruguay Mission, na nagbukas noong 1947. Si Omar at ang kanyang mga magulang ay nabinyagan noong siya ay walong taong gulang. Ilang taon matapos pakasalan ni Omar ang kanyang kasintahan, nandayuhan sila sa Estados Unidos. Matagal nang brodkaster, kinuha ng Simbahan si Omar noong 1973 at naging Spanish interpreter siya sa pangkalahatang kumperensya.

Mga larawang kuha nina Mark J. Davis, Craig Dimond, Kent Miles, at Craig J. Law