2011
Sa Buong Mundo
Hulyo 2011


Sa Buong Mundo

Dapat Maging Pinakamahusay na Henerasyon ang mga Young Adult, Sabi ni Elder Perry

“Nakita ko ang matinding espirituwal na lakas ng mga young adult ng Simbahang ito,” sabi ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Church Educational System fireside broadcast para sa mga young adult noong Marso 6, 2011. “Alam ko ang inyong kakayahan.”

Nagturo siya ng apat na bagay na tutulong sa mga young adult na maabot ang kanilang potensyal at matulungan ang iba na manampalatayang muli kay Cristo: araw-araw na panalangin, araw-araw na pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagkamarapat sa templo, at araw-araw na paglilingkod.

“Kayo ang henerasyong inilaan ng Panginoon para sa panahong ito. … Hinahamon ko kayo na maging ‘pinakamahusay na henerasyon,’” sabi ni Elder Perry.

Basahin, pakinggan, o panoorin ang mensahe sa iba’t ibang wika sa institute.lds.org. Mag-klik sa CES Firesides, pagkatapos ay pumili ng wika.

Ang Ebanghelyo ay Naghahatid ng Galak, Sabi ni Elder Cook sa mga Banal sa Asya

Mula Pebrero 12 hanggang 20, 2011, binisita ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga Banal sa Korea at Japan.

Itinuro niya sa mga miyembro sa Seoul, Korea, na dapat tayong magpasalamat sa mga bagay na mayroon tayo sa halip na magtuon sa mga bagay na wala tayo. Ipinaalala niya sa kanila na ang ebanghelyo ay naghahatid ng galak, ligaya, at kapayapaang hangad nating lahat.

Nakaharap din ni Elder Cook ang mga mamamahayag mula sa ilang pahayagan para sa interbyu.

Naglaan ng panahon si Elder Cook para turuan, payuhan, at sagutin ang mga tanong ng mga misyonero sa Korea Daejeon Mission at lumahok sa kumperensya sa pamumuno ng priesthood para sa Korea Daejeon Mission area.

Natapos ang pagbisita sa pakikilahok ni Elder Cook sa isang stake conference na ginanap sa Cheongju Korea Stake, ang unang pagbisita ng isang Apostol sa stake.

Nakilahok din si Elder Cook sa kumperensya sa pamumuno ng priesthood sa Kobe, Japan, at sa Okayama Japan Stake conference; kinausap niya ang mga kinatawan mula sa Meiji Shrine sa Tokyo, Japan; at bumisita siya sandali sa Vietnam.

Tinutulutan Tayo ng Batas na Maabot ang Ating Potensyal, Sabi ni Elder Christofferson

“Ipinagkaloob ng Diyos sa atin, na Kanyang mga anak, ang oportunidad at responsibilidad na bumuo ng mga batas at sistemang legal upang pamahalaan ang pagtutunguhan at kilos ng mga tao,” sabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol sa isang mensahe sa mga miyembro ng J. Reuben Clark Law Society noong Pebrero 4. Nagsalita siya tungkol sa papel na ginagampanan ng batas sa pagtutulot sa mga tao na maabot ang ganap na potensyal nila sa buhay na ito at sa kabilang buhay.

Ipinaalala ni Elder Christofferson sa mga nakikinig na “hindi natin matatamo ang lubos na katarungan nang wala si Jesucristo,” at “ang pinakamabuti nating magagawa para tulungan silang maabot ang kanilang potensyal ay akayin sila sa Tagapagligtas.” Pinatotohanan niya ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na itama ang mga mali at “punan ang ating kakulangan at bigyang-katwiran tayo sa batas na iyon na nagtutulot sa atin na maging mga tagapagmana ng buhay na walang hanggan kasama Niya.” Nagtapos siya sa pagpapatotoo na si Cristo ay buhay.

Sa fireside, ginawaran din si Elder Christofferson ng J. Reuben Clark Law Society Distinguished Service Award para sa mga kontribusyon niya sa larangan ng batas.

Binigyang-diin ni Sister Beck ang Papel na Ginagampanan ng Relief Society sa Plano ng Diyos

Kinausap ni Julie B. Beck, Relief Society general president, ang halos 10,000 kababaihan at lider ng Relief Society sa BYU-Idaho campus noong Pebrero 26, 2011, upang palakasin ang kanilang pananampalataya at hikayatin sila sa papel na ginagampanan nila sa Relief Society at sa plano ng kaligtasan.

Sa isang pangkalahatang sesyon at sa sesyon sa pagsasanay sa pamumuno, sinagot ni Sister Beck ang mga tanong ng kababaihan at mga lider ng priesthood mula sa mahigit 40 stake sa timog-silangang Idaho, USA.

Nagpatotoo si Sister Beck na kapag isinaisip at isinapuso ng mga kabilang sa gawain ng Relief Society ang mga layunin ng Panginoon at isinagawa ang Kanyang mga layunin dito sa lupa, sila ay pagpapalain, palalakasin, lilinisin, at pagagalingin.

“Tayo ay may organisasyon na itinatag ng Panginoon upang pagpalain ang Kanyang mga anak na babae,” wika niya. “Kilala ng Panginoon kung sino kayo dahil ito ay Kanyang gawain. Kayo ay Kanyang palalakasin at pauunlarin.”

Basahin ang iba pang itinuro ni Sister Beck at panoorin ang kasamang video sa news.lds.org. (Ang video at teksto ay makukuha lamang sa Ingles.)

Sa kanyang paglalakbay sa South Korea, ipinaalala ni Elder Quentin L. Cook sa mga Banal sa mga Huling Araw na ang ebanghelyo ay naghahatid ng galak at kapayapaang hangad natin. Ang karagdagang mga larawan ay makikita sa news.lds.org.

Larawang kuha ni geon woo jun