Paggunita sa mga Dakilang Tao
Mary Fielding Smith
Si Mary Fielding Smith, isang tapat na babaeng Banal sa mga Huling Araw, ay naiwang mag-isa sa pag-aalaga sa mga musmos na anak habang nakakulong ang kanyang asawa sa Liberty Jail noong taglamig ng 1838–39. Pinasok ng mga mandurumog ang bahay niya, at muntik nang mapatay ang kanyang anak na lalaki dahil dito. Bilang maybahay ni Hyrum Smith, nabiyuda si Mary nang paslangin ang kanyang asawa sa Carthage Jail noong Hunyo 27, 1844. Nagtiis sila ni Emma Smith ng maraming pagsubok na kasama ng kanilang mga asawang sina Hyrum at Joseph Smith. Ngayon, si Mary ay hinahangaan bilang isa sa mga pinakamatatag na pioneer ng Simbahan noong araw.
Nagpakasal si Mary kay Hyrum Smith noong Disyembre 24, 1837. Ang unang asawa ni Hyrum na si Jerusha ay namatay sa panganganak, at inalagaan ni Mary ang maliliit na anak ni Hyrum na parang sarili niyang mga anak. Nagkaroon din ng dalawang anak sina Hyrum at Mary, kabilang na si Joseph F. Smith, na kalaunan ay naging ikaanim na Pangulo ng Simbahan.
Nang lisanin ng mga Banal ang Nauvoo para magtungo sa Salt Lake Valley matapos paslangin sina Joseph at Hyrum, nagpasiya si Mary na sumama sa paglalakbay. Sila ng kanyang pamilya ay isinama sa isang pangkat ng mga maglalakbay, at sinabihan siya ng kapitan nito na magiging pabigat lang siya sa iba at hindi siya dapat magtangkang sumama sa mahirap na paglalakbay. Sumagot si Mary, “Uunahan kitang makarating sa lambak at hindi rin ako hihingi ng tulong sa iyo.”1 Naging mahirap nga ang paglalakbay, ngunit nakarating sila ng kanyang pamilya sa Salt Lake noong Setyembre 23, 1848, mas maaga ng isang araw sa kapitan na nagduda sa kanya.
Si Mary Fielding Smith ay nanatiling tapat hanggang kamatayan. Nagbayad siya ng kanyang ikapu, kahit sa kanyang kahirapan. Nang may nagkamaling magmungkahi sa kanya na huwag na siyang magbigay ng ikasampung bahagi ng ani niyang patatas sa taong iyon, sinabi niya, “Mahiya ka sa sarili mo. Pagkakaitan mo ba ako ng pagpapala? … Nagbabayad ako ng ikapu, hindi lamang dahil ito’y batas ng Diyos, kundi dahil umaasa akong may pagpapala sa paggawa nito.”2 Nagsimula siya ng isang sakahan sa Salt Lake Valley at itinuro sa kanyang mga anak ang ebanghelyo. Sabi ni Pangulong Joseph F. Smith kalaunan, “Tinuruan niya ako ng karangalan, at kalinisan, at katotohanan, at katapatan, sa kaharian ng Diyos, at hindi lamang niya ako tinuruan sa pamamagitan ng tuntunin kundi sa pamamagitan ng halimbawa.”3