2011
Ang Pagtatrabaho ay Isang Walang Hanggang Alituntunin
Hulyo 2011


Ang Ating Paniniwala

Ang ating Ama sa Langit at si Jesucristo ay nagtrabaho upang likhain ang langit at lupa. Nilikha nila ang araw, buwan, at mga bituin. Tinipon nila ang mga dagat at pinalitaw ang tuyong lupa at pinasibol ang mga halaman. Pagkatapos ay nilikha nila ang bawat buhay na nilalang sa dagat at sa lupa. (Tingnan sa Genesis 1; Moises 2.) Makikita natin sa kanilang halimbawa na mahalaga ang pagtatrabaho sa langit at sa lupa. (Tingnan din sa Juan 5:17; 9:4.)

Nang likhain ng Diyos ang lalaki at babae sa Kanyang sariling larawan, inilagay Niya sila sa Halamanan ng Eden (tingnan sa Genesis 1:26–27; 2:8). Kalaunan, nang paalisin sila sa halamanan, sinabi ng Panginoon kay Adan, “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay” (Genesis 3:19). Mula noon, nagtrabaho na sina Adan at Eva para matustusan ang mga pangangailangan nila at ng kanilang mga anak (tingnan sa Moises 5:1).

Simula noong panahon nina Adan at Eva, ang pagtatrabaho ay naging paraan na ng pamumuhay nating lahat sa mundo. Nagtatrabaho tayo para sa pisikal, espirituwal, at emosyonal na kapakanan natin at ng ating pamilya. Ang mga magulang ay nagpupunyaging magbuo ng mga tahanan kung saan itinuturo ang alituntunin ng pagtatrabaho. Ang pag-aatas sa mga anak ng mga gawaing akma sa kanilang mga kakayahan at pagpuri sa kanilang mga tagumpay ay makakatulong para magkaroon sila ng magagandang karanasan sa pagtatrabaho. Dahil dito, magkakaroon sila ng magandang sistema sa pagtatrabaho, magandang pag-uugali, at mga pangunahing kasanayan.

Dapat din nating balansehin nang wasto ang pagtatrabaho at pahinga. Anim na araw sa isang linggo, pagpapalain tayo kapag hinaluan natin ang trabaho ng mga aktibidad na nagpapasigla sa atin. Gayunman, tuwing Linggo, pinangakuan tayo ng Panginoon ng mga espesyal na pagpapala kapag sinunod natin ang Kanyang utos na huwag magtrabaho at panatilihing banal ang araw ng Sabbath (tingnan sa Exodo 20:9–11; D at T 59:9–19).

Ang pagtatrabaho ay bahagi ng plano ng ating Ama sa Langit para sa atin sa langit at sa lupa. Kung tayo ay matwid, babalik tayo para manahan sa piling Niya. Doon ay patuloy tayong magkakaroon ng mga pagkakataong magtrabaho sa pagtulong nating itayo ang kaharian ng Diyos (tingnan sa Moises 1:39).

Responsibilidad nating alagaan ang ating sarili at ating pamilya.

  1. Ang mga magulang ay may sagradong tungkuling alagaan ang kanilang mga anak (tingnan sa D at T 83).

  2. Ang mga anak ay pagpapalain kapag inalagaan nila ang tumatanda nilang mga magulang (tingnan sa I Kay Timoteo 5:3–4, 8).

  3. Dapat nating tulungan ang ating mga kamag-anak hanggang maaari.

Dumarating sa atin ang mga pagpapala kapag tayo ay nagtrabaho.

  1. Pinatatatag natin ang ating pagkatao at pinahuhusay ang mga kasanayan natin sa trabaho.

  2. Nagagalak tayo sa plano ng Diyos para sa atin sa mundo.

  3. Nagiging mas handa at umaasa tayo sa sarili kapag nag-imbak tayo ng tatlong-buwang suplay ng pagkain, tubig, at iba pang mga pangangailangan.

Kapag nagtulungan tayo at naghati-hati sa trabaho, kahit pinakamabigat na gawain ay gumagaan.

Mga paglalarawan nina John Luke, Welden C. Andersen, Jerry Garns, Craig Dimond, Robert Casey, at Howard Collett © IRI