2011
Pagtutulungan sa India
Hulyo 2011


Pagtutulungan sa India

Nang salantain ng matitinding unos at bagyo ang katimugang India noong Oktubre 2009, agad nagsikilos ang mga kabataan at young adult mula sa Hyderabad at Bangalore India District para tumulong na ibsan ang pagdurusa ng mga naapektuhan ng pagbaha.

Ayon kay President Prasada Gudey ng Hyderabad India District, “Napakaganda ng ginawa ng aming mga kabataang lalaki sa paghahatid ng pagkain at tubig sa mga nangangailangan. Naibigay na ang mga suplay at nakarating na sa lalawigan, ngunit hindi ito naipadala ng pamahalaan sa libu-libong biktima sa mahigit 200 refugee camp. Namukod-tangi ang ating mga miyembro na may suot na vest na Mormon Helping Hands sa kanilang mahusay na pamamahagi ng pagkain at tubig sa lahat.”

Sinabi ng ilan sa mga kabataang lalaki at young adult na naglingkod na napakasaya at nakalulugod ang maglingkod.

Ibaba: Animnapung miyembro ng Simbahan ang nagpunta sa mga refugee camp sa hilagang Karnataka State. Nagdala sila ng mga kumot, trapal at mga panglinis sa katawan na ipinakete ng mga miyembro ng Simbahan. Bulalas ng isang binata, “Talagang masayang tumulong sa flood relief project na ito. Noon pa man ay gusto ko nang tumulong at maglingkod sa iba. Nagpapasalamat akong makapaglingkod. Napaluha ako nang makita ko ang mga taong nawalan ng lahat ng ari-arian nila dahil sa baha. Malaking pagpapala sa akin na matulungan ang mga kababayan ko.”

Itaas: “Nang sabihin ko sa mga kaibigan ko sa kolehiyo ang tungkol sa proyektong pangserbisyo, tuwang-tuwa sila para sa akin. Ipinaliwanag ko ang ginagawa natin at ibinahagi ko sa kanila ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Maganda ang pakiramdam ko habang tinutulungan ko ang mga tao sa proyekto. Pinupuri ko ang organisasyon ng Simbahan sa pagbibigay sa amin ng pagkakataong maglingkod.” —Deepak Sharma

Kanan: “Tuwang-tuwa akong magkaroon ng pagkakataong mapaglingkuran ang aking kapwa. Magandang karanasan iyon sa akin, at marami akong natutuhan sa paggawa nito, at kasabay niyon ay masaya kaming makasama ang aming mga kaibigan sa pagpapakete ng mga pagkain at suplay na kailangan. Nadama ko ang pagmamahal ng Tagapagligtas at ang kapayapaan nang maglingkod ako sa iba.” —Venus Armstrong

“Napakasaya ko na makatulong sa proyektong ito. Nakakatuwang malaman na tumutulong akong paglingkuran ang mga taong lubhang nangangailangan. Ipinagdasal ko na pagpalain ang mga tao.” —Vishali Nakka

Kanan: “Ang sarap ng pakiramdam na makapaglingkod sa flood relief project. Tumulong akong magpintura at mamahagi ng mga pagkain. Malaking pagpapala sa akin ang makasama sa iba pang mga kapatid sa priesthood at makatulong at makapaglingkod sa mga taong lubhang nangangailangan.” —Avinash Thomas

Mga larawang kuha nina Charles at Carol Kewish; larawan ni Joseph Smith na ipininta ni Dan Weggeland, sa kagandahang-loob ng Church History Museum