Ang Bahaging para sa Atin
Ang Paborito Kong Banal na Kasulatan
Ang talatang ito ang lagi kong gabay at inspirasyon tuwing ako ay nagdududa, nalulungkot, o nahihirapan. Naging paborito ko ito mula nang itanong ko kung bakit kailangang magkaroon ng oposisyon. Bakit dapat magkaroon ng mga kumokontra? Bakit hindi na lang maging positibo, masaya, madali, at maganda ang buhay? Bakit dapat magkaroon ng masasama?
Nakatulong sa akin ang talatang ito para maunawaan ang buhay at mga kaguluhan nito. Nakatulong ito para mas mapahalagahan ko ang kahulugan ng buhay. Ipinaunawa nito sa akin ang layunin ng oposisyon at na dapat ko itong pasalamatan. Dahil kung wala ito, hindi natin malalaman ang tunay na diwa at ganda ng buhay. Kung walang oposisyon, hindi natin malalaman kung paano magmahal, maging masaya, o magtagumpay. Natutuhan kong mahalin ang buhay at tanggapin kung ano ito at magtiwala sa Panginoon dahil hindi mapag-aalinlanganan ang Kanyang karunungan.
Sheena P., Pilipinas
Paano Magkaroon ng Malinis na Isipan
Kahit pumapasok sa isip natin ang masasamang bagay, huwag nating papasukin ito at hayaang manatili pa. Ang pinakamainam na pagkakataon para malabanan natin ang tukso ay kapag nagsimula itong mabuo sa isipan; huwag itong itanim sa ating isipan, at hinding-hindi ito lalago. Kapag nasa ganitong sitwasyon ako, kinakanta ko ang paborito kong himno at sinisikap kong isapuso ang larawan ni Jesus hanggang sa makaya kong paglabanan ang tukso. Kung pursigido tayong labanan ang masasamang kaisipan, mawawala ito.
Jorge G., Venezuela