2011
Ang Sagot sa Talata Walo
Hulyo 2011


Paano Ko Nalaman

Ang Sagot sa Talata Walo

Nahanap ni Joseph Smith ang sagot sa Santiago 1:5. Nahanap ko ang sa akin pagkaraan ng ilan pang talata.

Alas-11:00 ng gabi, at nasa kuwarto na ako pagkatapos mamasyal kasama ang mga kaibigan ko sa hayskul. Alam kong mali ang mga desisyon ko nang gabing iyon. “Pero,” katwiran ko, “hindi rin naman iyon gaanong masama.”

Inis kong dinampot ang aking takdang-aralin. Pagod na pagod ako at gusto ko na lang matapos ito at matulog na. “Kailangan ko pang magbasa ng mga banal na kasulatan. Pero hindi na muna ako magbabasa ngayong gabi,” naisip ko.

Sinimulan kong isipin ang lahat ng dapat kong gawin. Magbasa ng mga banal na kasulatan, pumunta sa early-morning seminary, magsimba at dumalo sa Mutual, makakuha ng matataas na marka, sumali sa iba pang mga aktibidad, maghanapbuhay … Marami pang iba.

Hirap na hirap na ako sa bawat aspeto ng buhay ko, lalo na’t ako lang ang babaeng Banal sa mga Huling Araw sa aming paaralan. Paulit-ulit kong ipinaalala sa sarili ko na maaaring ako lang ang babaeng Banal sa mga Huling Araw na kilala ng mga kaibigan ko, kaya kinailangan kong maging mabuting halimbawa. Pero alam kong nakakagawa na ako ng mali.

“Sana wala rin akong iniintinding katulad ng mga kaibigan ko,” naisip ko. Sana rin hindi ako nakonsiyensya nang pumunta ako sa isang party o nagsalita ng masama, pero ang totoo ay nakonsiyensya ako talaga. Parang nanghina ako nang gumawa ako ng mga pasiya na alam kong mali. Pero sa kung anong dahilan, patuloy ko itong ginawa.

Halos hatinggabi na nang matapos ko ang aking takdang-aralin. Limang oras na lang at tutunog na ang alarma ng orasan ko. Gigising ako, pipiliting pumunta sa seminary, at susubukang makaraos sa isa pang araw sa paaralan.

Pagkatapos ay bigla kong naisip. Hindi ko kailangang sundin ang lahat ng patakaran. Puwede akong hindi magsimba at magpunta sa seminary at Mutual kung gusto ko. Hindi komo nagpunta ang pamilya ko, pupunta na rin ako.

Para akong nakalaya. Nakahiga na ako sa kama at halos tulog na nang matindi kong nadama na magbasa ng mga banal na kasulatan. “Hindi,” naisip ko. “Pagod na ako.”

Muli ko iyong nadama. Sa pagkakataong ito naisip ko, “Siguro huli na ito.”

Sa seminary sa taong iyon, pinag-aralan namin ang Bagong Tipan. Binuklat ko ang bahaging inipitan ko ng marker sa Santiago kabanata 1. Ito ang kabanatang nabasa ni Joseph Smith na nagtulak sa kanya na pumunta sa Sagradong Kakahuyan at ibuhos ang nilalaman ng kanyang puso sa Ama sa Langit. “Para namang sinadya,” naisip ko. Nagbasa na ako.

Pamilyar sa akin ang talata 5: “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo …” Pero ang talata 8 ang nagmulat sa mga mata ko nang gabing iyon. Sabi roon, “Ang taong may dalawang akala, ay walang tiyaga sa lahat ng kaniyang mga paglakad.” Natigilan ako. Pagkatapos ay binasa ko itong muli.

Ganoon ako. Sinasabi ko na isa akong Banal sa mga Huling Araw, pero iba ang nakikita sa mga kilos ko. At kung nagpatuloy ako, anumang landas ang piliin ko, hindi ako magiging matatag at sigurado at samakatwid ay hindi masaya.

Kinailangan kong malaman kung totoo ang ebanghelyo. Kinailangan kong malaman kung sulit ang pagbangon ko nang alas-5:00 n.u. araw-araw para mag-aral ng ebanghelyo. Kinailangan kong malaman na sinisikap kong mamuhay na mabuti nang abot-kaya ko, kahit kung minsan ay kinutya ako, dahil ito ang talagang labis na nagpapaligaya at nagpapagalak sa akin.

Halos ala-1:00 na ng umaga iyon, pero lumuhod ako sa tabi ng kama at ibinuhos ang nilalaman ng puso ko sa aking Ama sa Langit. Hiniling ko sa Kanya na tulungan akong malaman ang tama, na malaman kung aling landas ang tatahakin, na akayin ako at pawiin ang aking pagkalito.

Simple, malinaw, at payapang pumasok ito sa isip ko, “Alam mo na.” At alam ko na nga.

Tumindig ako, isinara ang ilaw, at natulog. Apat na oras pa at tumunog na ang alarma. Inaantok pa, pinahinto ko ito. Isang minuto kalaunan gising na ako at naghahanda para sa panibagong araw, pati na sa early-morning seminary.

Maraming taon na ang lumipas mula nang mangyari ang napakagandang karanasang iyon sa hatinggabi. Patuloy pa ring lumalago ang aking patotoo. Kung minsan mas malakas ito kaysa ibang pagkakataon. Ang kaibhan ay alam ko na at hindi ko na iyon nilingon kahit minsan.

Paglalarawan ni Taia Morley