Bakit tayo kailangang lubos na malubog sa tubig kapag tayo ay binibinyagan?
Maaaring nakadalo na kayo sa isang binyag kung saan ang taong binibinyagan ay kailangang binyagan nang dalawang beses dahil hindi siya lubos na nalubog sa tubig sa unang pagkakataon. Dahil ang binyag ay isang nakapagliligtas na ordenansa, mahalagang isagawa ito nang tumpak at tama.
Ang binyag ay isang simbolikong ordenansa. Ito ay “sumasagisag sa pagkamatay, libing, at pagkabuhay na mag-uli, at magagawa lamang sa pamamagitan ng paglulubog” (Bible Dictionary, “Baptism”). Ang paglubog sa tubig ay kumakatawan sa pagkamatay at libing ni Jesucristo, ngunit kumakatawan din ito sa pagkamatay ng ating likas na pagkatao (tingnan sa Mga Taga Roma 6:3–6). Ang pag-ahon mula sa tubig ay simbolo ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo at kumakatawan sa pagsilang na muli ng Kanyang pinagtipanang mga disipulo. Ang dalawang saksing nakatayo sa tabi ng bautismuhan ay nakamasid upang matiyak na ang taong binibinyagan ay lubos na nailubog, na simbolo ng pagiging lubos na isinilang na muli.
Kapag tayo ay bininyagan, sinusunod natin ang huwarang ipinakita ng Tagapagligtas, na bininyagan sa pamamagitan ng lubos na paglulubog sa ilog Jordan (tingnan sa Mateo 3:13–17). Nais ng Ama sa Langit na bawat isa sa Kanyang mga anak ay malinis mula sa kanilang mga kasalanan upang muli nila Siyang makapiling. Ang mabinyagan sa pamamagitan ng paglulubog, na tulad ni Cristo, ay mahalagang bahagi ng Kanyang banal na plano.