Isang Team ng Pamilya
Ang awtor ay naninirahan sa Alberta, Canada.
Mas madaling manalo kapag nagtutulungan ang lahat.
“Kung tayo’y tumutulong, masaya” (Aklat ng mga Awit Pambata, 108).
Bumuntong-hininga si Ammon nang lisanin nila ni Itay ang football game. “Nagtataka ako,” sabi niya. “Ang dami nating magagaling na manlalaro. Bakit hindi tayo makapuntos?”
Mahusay na manlalaro ng football si Itay. Baka may maitulong siya.
“Palagay ko kailangan ninyong matutong kumilos bilang isang team,” sabi ni Itay. “Gusto ninyong lahat na makapuntos, hindi ba?”
“Opo,” sabi ni Ammon. “Pero hindi puwedeng makapuntos tayong lahat. Iyan po ba ang ibig ninyong sabihin?”
Tumango si Itay. “Hindi ka makakapuntos mag-isa. Una ay kailangang makuha ng defender ang bola mula sa kabilang team, tama?”
Tumawa si Ammon. “Mahirap pong makapuntos kung wala sa iyo ang bola.”
“Tama,” sabi ni Itay. “Kung gayon ibinibigay ito ng defender sa tao na kayang makapuntos. Walang makakagawa nitong mag-isa.”
“Siguro nga po,” sabi ni Ammon.
Pagdating nila sa bahay, karga ni Inay ang sanggol habang nagluluto siya ng hapunan. “Kumusta ang laro?” tanong niya.
“Talo po kami ulit,” sabi ni Ammon. “Pero gagalingan namin sa susunod.”
“Ganyan nga,” sabi ni Inay.
“Gutom na gutom na ako!” sigaw ni Miguel nang magtakbuhan sila nina Samuel at Lucas papasok.
“Mga bata, puwede bang pakihanda na ninyo ang mesa at pakitabi ang mga laruan?” utos ni Inay.
Nagmaktol ang apat na bata.
“Hindi naman po ako ang naglaro ng mga laruan,” sabi ni Samuel.
“Ang tagal pong ligpitin niyan!” pagdaing ni Miguel.
Natawa si Itay. “Palagay ko pareho ang problema ng pamilya natin at ng team ni Ammon.”
“Ano po iyon?” tanong ni Samuel.
“Hindi tayo nagtutulungan,” sabi ni Ammon. “Gusto nating lahat na makakain. Pero hinahayaan natin ang lahat kay Inay.”
“Tama!” sabi ni Itay. “Paano tayo makakakilos bilang isang team?”
May naisip si Ammon. “Kami kaya ni Samuel ang maghanda ng mesa? Ang iba naman ang dadampot ng mga laruan.”
“Magandang ideya!” sabi ni Itay.
Hindi nagtagal at handa na ang hapunan. Humalukipkip si Ammon para manalangin. Masaya siya na nagtulungan ang kanyang pamilya bilang isang team. Inasam niyang magawa rin ito ng football team niya.