Naglilingkod Ngayon para Maglingkod Kalaunan
“Maglingkod [na]ng Buong Puso sa Panginoon” (I Samuel 12:20).
“Uunahan kitang makarating sa simbahan!” sabi ni Mórmon, habang nakaturo sa tore ng simbahan na nakikita sa ibabaw ng mga puno ng palma. Pagkatapos ay tumakbo siya nang mabilis para maunahan ang nakababatang kapatid na si Morian.
Mga isang milya na ang nalakad ng mga batang ito at ng kanilang mga magulang mula sa bahay nila, pero nag-unahan pa rin sina Mórmon at Morian pagdating nila sa tarangkahang bakal sa labas ng kanilang ward meetinghouse. Tumigil sila para magpahinga sandali.
Bago nila napagdesisyunan kung sino ang nanalo, tinawag sila ng isang batang lalaki, “Gusto ba ninyong maglaro ng futebol?”
Gustung-gusto ni Mórmon ng futebol, pero lilinisin pa nila ng pamilya niya ang gusali ng ward para handa na ito para sa simba kinabukasan.
Umiling si Mórmon. “Hindi pwede ngayon—siguro mamaya na lang!” sagot niya.
Di-nagtagal masipag nang nagtatrabaho sina Mórmon at Morian. Inilipat ni Mórmon at ng tatay niya ang mga silya at winalis nila ang sahig habang naglalampaso naman ng sahig si Morian at ang nanay niya.
Maya-maya ay magkasamang nilinis ng magkapatid ang mga salamin sa banyo. “Dati ayokong maglinis ng simbahan, pero ang saya pala,” sabi ni Morian. “Eh, ikaw, Mórmon? Iyon din ba ang dahilan kaya sumama ka sa halip na maglaro ng futebol?”
Naisip ni Mórmon ang tatay niya. Siya ang bishop ng ward nila, pero tumutulong pa rin siya sa paglilinis ng meetinghouse.
“Narito ako dahil gusto kong tularan si Itay,” sabi ni Mórmon.
Pagkatapos ay naisip niya ang mga missionary sa kanyang ward. Abala sila sa pagkatok sa mga pintuan at pagbabahagi ng Aklat ni Mormon sa iba. Aanyayahan nila ang mga tao na magsimba sa gusaling nililinis ng mga batang ito.
“Narito ako kasi balang-araw ay gusto ko ring magmisyon,” naisip ni Mórmon. “Matutulungan ko ang mga missionary kapag inihanda ko ang simbahan.”
Naisip ni Mórmon ang bukas, na gigising silang magkapatid nang alas-6:00 n.u., maglalakad papunta sa simbahan suot ang kanilang puting polo at kurbata, at maghahanda ng mga upuan at himnaryo sa silid ng Primary.
“Narito ako kasi gusto kong gawin ang tungkulin ko sa Simbahan,” naisip niya.
Naisip ni Mórmon na malapit na siyang maging deacon. Magpapasa siya ng sakramento at gagawa ng marami pang ibang bagay para makapaglingkod.
“Narito ako kasi sa susunod na taon ay tatanggap ako ng priesthood, at gusto kong gawin ang lahat ng magagawa ko ngayon para makapaghanda.”
May nagawa na si Mórmon upang makapaghanda para sa priesthood: natanggap na niya ang kanyang Faith in God Award. Natututuhan na niyang ipamuhay ang ebanghelyo at maglingkod sa iba.
Sa huli ay tiningnan niya ang repleksyon ng kanyang kapatid sa salamin at ngumiti.
“Narito ako kasi mahal ko ang Panginoon,” sabi niya, “at dahil ang paglilingkod ko ngayon ay ihahanda akong maglingkod kalaunan.”