2014
Mahal Ka Niya
Oktubre 2014


Mahal Ka Niya

Alice Victoria Weston Sherwood, Arkansas, USA

Nakaupo ako sa sulok ng silid-selestiyal sa tabi ng organo nang ilaan ang Memphis Tennessee Temple. Naroon si Pangulong James E. Faust (1920–2007), miyembro ng Unang Panguluhan mula 1995 hanggang 2007, para ilaan ang templo. Nakaupo siya at ang ilan pang mga lider sa likuran ng mikropono. Nangakapila ang lokal na koro ng Simbahan at nakatayo sa likuran nila.

Miyembro ng koro ang isang kabataang babaeng binibisita ko. Sa buong pulong, ipinagdasal kong matanggap niya ang ipinunta niya roon. Ipinagtapat niya sa akin na nagpunta siya sa paglalaan ng templo nang araw na iyon para malaman ang katayuan niya sa Panginoon. Nakagawa siya ng mabibigat na kasalanan noon, at kahit nakapagsisi na siya, hindi pa rin maganda ang pakiramdam niya sa kanyang sarili at maging sa pagkanta sa koro.

Minasdan ko si Pangulong Faust, na nadarama na, bilang kinatawan ng Panginoon sa Unang Panguluhan, dapat ay may magawa siya. Pero paano ko sasabihin sa kanya, at ano ang magagawa niya? Pagkatapos ng pulong, lalabas siya ng silid tulad ng pagpasok niya rito, at walang magpapakilala sa kanila, walang makikipagkamay, at walang pagpapalitan ng mga salita. Naunawaan ko na abala siya at may pupuntahan pang iba, pero nagdasal pa rin ako.

Si Pangulong Faust naman, na malalim ang iniisip, ay tumingin sa akin sandali—na salubong ang mga kilay. Nang matapos ang pulong, nagliwanag ang kanyang masayang mukha.

Tumingin siyang muli sa akin at pagkatapos ay biglang tumayo, pumihit, at iniunat ang kanyang mga bisig hanggang sa maaabot nito. Itinuro niya ang kaibigan ko. Pagkatapos ay sinabi niya nang mariin at malakas, “Mahal ka ng Panginoon!”

Ang ipinakita ni Pangulong Faust ay maliit at simpleng bagay subalit napakabisa para isipin na nagmula iyon sa Espiritu Santo na sinasabi sa kanya ang hindi ko masabi. Napagpala ng maikling pananalitang iyon ang kaibigan ko at patuloy nitong pinalalakas ang aking pananampalataya na alam ng Panginoon ang mga detalye ng ating buhay at “na sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).