2014
Narinig Ko ang mga Bata
Oktubre 2014


Narinig Ko ang mga Bata

Joy Cromar, California, USA

illustration of child praying by his bed

Ang clinical depression ay isang bagay na ayaw na ayaw kong maranasang muli. Ngunit matapos akong makawala rito nang 12 taon, nagbalik ito.

Natakot ako at nabalisa. Nagtanong ako sa Ama sa Langit at ipinagdasal ko na magkaroon ako ng lakas na malagpasan ang pagsubok na ito. Nagsumamo rin ako sa Kanya na huwag umabot nang limang taon ang aking depresyon, tulad noong huli.

Kaming mag-asawa ay may tatlong anak, dalawang lalaki at isang babae, na nagbigay sa amin ng 13 apo. Batid ang pighating dinaranas ko, sinabihan ng anak kong babae ang pamilya na magdaos ng isang araw ng pag-aayuno at panalangin. Lahat ng apo, edad 1 hanggang 10, ay gustong ipagdasal si Lola, at ang tatlong nabinyagan na ay gustong mag-ayuno. Lubhang nakapapanatag ang malaman na ang aking asawa, mga anak, at mga apo ay mag-aayuno at magdarasal para sa akin.

Kinabukasan pagkagising ko mula sa pag-idlip, medyo gumaan na ang pakiramdam ko. Kinabukasan mas gumaan pa ito. Sa ikalimang araw lubusan nang naglaho ang aking depresyon. Nang gabing iyon, habang pinag-iisipan ko kung paano nangyari ang himalang ito, isang tinig ang umantig sa aking kaluluwa at sinabi nito sa akin, “Narinig ko ang mga bata.” Narinig sila ng Ama sa Langit sa kanilang kawalang-malay at sinagot ang kanilang mga dalangin na may pagpapakumbaba, pananampalataya, at pagmamahal.

Itinuro ng Tagapagligtas:

“Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.

“Sinoman ngang magpakababa na gaya ng maliit na batang ito, ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit” (Mateo 18:3–4).

Sumulat ako sa aking mga apo at pinasalamatan ko sila sa pag-aayuno at pagdarasal para sa akin. Sinabi ko sa kanila kung gaano ko sila kamahal. Sinabi ko sa kanila na narinig at sinagot ng Ama sa Langit ang kanilang mga dalangin.

Habang lumalaki ang aking mga apo sa ebanghelyo, sana’y maalala nila ang panahon na sinabi ng Ama sa Langit sa lola nila na, “Narinig ko ang mga bata.” At sana’y mapalakas ng karanasang iyon ang kanilang patotoo at matulungan silang manatiling matatag sa ebanghelyo.

Lahat ng apo, edad 1 hanggang 10, ay gustong ipagdasal si Lola, at ang tatlong nabinyagan na ay gustong mag-ayuno.