2014
Ang Panalangin Ko sa North Sea
Oktubre 2014


Ang Panalangin Ko sa North Sea

Olaf Thorlief Jensen, Utah, USA

drawing for LDS Voices

Mga paglalarawan ni Bradley H. Clark

Noong 17 taong gulang ako, nakatira kami sa isang isla sa katimugang Norway na tinatawag na Andabeløy. Nabinyagan ang aking ama sa Simbahan sa Andabeløy, at nabinyagan ako sa karagatan doon.

Mangingisda ako noong panahong iyon at mahusay sa pagpapaandar ng bangka. Ako ang pinamahala ng aking ama sa aming maritime taxi service na ginagamit ng mga residente sa lugar.

Isang araw noong 1941 tinawagan kami ng doktor sa Flekkefjord, sa hilaga. Isang babaeng dalawang oras ang layo ng tirahan kung sasakay ng barko ang kailangang magamot kaagad. Itinanong ni Dr. Hoffman kung maihahatid ko siya roon, ngunit nag-alala ang mga magulang ko dahil may malakas na bagyo sa North Sea. Nagpasiya kaming manalangin, at itinanong namin sa Ama sa Langit kung ano ang gagawin. Natanggap namin ang sagot na dapat akong tumuloy.

Nang kalagin ko ang tali ni Tryg, ang 31-talampakan (10 m) kong bangkang pangisda, palaot sa dagat, masama ang panahon at malalaki ang mga alon. Matapos sunduin ang doktor, pumalaot ako patungo sa makipot na look papunta sa dagat. Maglalakbay kami patungo sa isang komunidad sa hilaga lang ng Lista, na nasa mabatong baybayin sa timog ng Norway—bantog sa maunos na panahon at mga barkong lumulubog.

Naglayag ako sa gitna ng bagyo hanggang sa makarating kami sa isang mabatong look [inlet], mga 40 talampakan (12 m) sa kabilang panig, na papunta sa aming destinasyon. Ang mga alon, na napakatataas kaya hindi ko makontrol ang bangka pagdaan ko sa makipot na look, ay rumaragasa papasok sa look at humahampas sa mga bato.

“Ano ang dapat nating gawin? tanong ng doktor sa gitna ng malakas na hangin.

“Magdasal po tayo,” sagot ko.

Huminto ako at nagdasal, na humihingi ng patnubay sa Ama sa Langit. Nang masabi ko na ang amen, malinaw na dumating sa akin ang sagot. Bigla kong naalala ang ikinuwento sa akin ng isang matandang mangingisda. Nangingisda siya sa lugar ding ito sa gitna ng malakas na bagyo at hindi siya makarating sa pampang. Habang naghihintay na humupa ang bagyo, napansin niya ang paraan ng pagdating ng mga alon. Pagkaraan ng tatlong malalaking alon, kasunod dito ang maikling sandali ng katiwasayan—sapat para makapasok siya sa makipot na look.

Maraming beses na akong nakapangisda sa lugar na ito pero hindi ko kailanman napansin ang dating ng mga alon. Gayunpaman, dinala ko ang bangka sa harapan ng makipot na look, kung saan kami naghintay at minasdan namin ang pagdating ng tatlong malalaking alon. Tama nga, biglang naging matiwasay pagkatapos niyon. Isinulong ko ang bangka sa payapang tubig malapit sa daungan at inihatid si Dr. Hoffman nang ligtas sa pampang. Nagmamadaling pinuntahan niya ang babaeng maysakit habang naghihintay ako sa bangka, na nagpapasalamat na sinagot ng Ama sa Langit ang dalangin ko.

Pagbalik ng doktor makalipas ang mga isang oras, sinabi niya, “Nailigtas natin ang buhay niya!”

Nakahinga nang maluwag sa balita at bumubuting panahon, pinaandar ko ang bangka pauwi nang walang anumang masamang nangyari.

Pinatototohanan ko na kapag kailangan natin ng tulong, dapat tayong magdasal. Alam kong sasagot ang Ama sa Langit.

Napakataas ng mga alon kaya hindi ko makontrol ang bangka pagdaan ko sa makipot na look.