2014
Ang Puso ni Lizochka
Oktubre 2014


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Ang Puso ni Lizochka

Ang awtor ay naninirahan ngayon sa Belgium.

Mother holding a baby.

Paglalarawan ni Annie Henrie

Kaming mag-asawa ay sumapi sa Simbahan sa Russia noong 1995 at nabuklod nang sumunod na taon sa Stockholm Sweden Temple. Nabuklod din sa amin ang dalawang bata pang anak naming babae. Pagkaraan ng dalawang taon nabiyayaan kami ng isa pang anak na babae, si Lizochka. Maganda ang takbo ng buhay namin. Lahat kami ay masaya. Ngunit dalawang araw matapos siyang isilang, nahirapan nang kumain ang aming munting anak. Sa loob ng isang buwan dalawang-katlo lang ng isang libra (300 g) ang nadagdag sa timbang niya.

Sinabihan kami ng mga tauhan sa children’s medical center na pasusuhin siya nang mas madalas. Nakita ko na gusto niyang sumuso pero hindi niya kaya. Sa huli, dinala siya ng asawa ko sa ospital ng lungsod. Agad kaming binigyan ng doktor ng resulta ng pagsusuri—isinilang siya na may depekto sa puso. Hindi gumagana ang isang balbula ng kanyang puso, at mahina ang pagdaloy ng dugo sa kanyang mga baga kaya siya nahihirapang huminga o sumuso.

Kailangan siyang operahan, pero sa Russia ang pinakabatang maaaring operahan ay dalawang taong gulang. Isang buwan pa lang noon ang anak namin. Nagreseta ng gamot ang doktor para sa kanya at sinabing pagdating ng tamang panahon, kapag mas malaki na siya, isasagawa nila ang operasyon.

Pagkaraan ng isang buwan, lumala nang husto ang karamdaman ni Lizochka, at isinugod namin siya sa ospital. Hawak ko siya habang nagbibiyahe kami. Tumingin siya sa akin na parang humihingi ng tulong. Kung hindi ako miyembro ng Simbahan, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Ngunit nagtiwala kaming mag-asawa sa Panginoon at matibay ang paniniwala namin na magiging maayos ang lahat. Sinikap ko siyang panatagin, sa pagsasabing, “Huwag kang matakot sa anuman, anak ko. Mahal tayo ng Diyos. Tutulungan Niya tayo, at magiging maayos ang lahat.”

Sa wakas ay nakarating kami sa ospital. Yakap siya, tumakbo ako papunta sa admitting division. Pumipikit na ang mga mata ni Lizochka. Halos hindi na siya humihinga. Halos hindi makapagsalitang sinabi ko sa isang doktor ang lagay ng aking anak, at dinala siya ng mga tauhan ng ospital sa intensive care unit. Sabi ng doktor, nagsisimula nang mamaga ang kanyang mga baga, at ikinabit nila sa kanya ang isang artificial-respiration machine.

Kinabukasan kinausap namin ang direktor ng cardio surgery division. Sabi niya, “Nakagawa na ako ng gayong mga operasyon pero sa mga batang mas matanda sa kanya. Ilang taon na ba siya ngayon?”

“Dalawang buwan po,” sabi namin sa kanya.

“Masyado na siyang nahihirapan. Napakaliit niya, at nagdulot pa ng kumplikasyon ang pamamaga ng kanyang mga baga, pero huwag na tayong magpaliban pa. Hindi ko pa nagawa ang gayong operasyon sa maliit na bata. Sisikapin kong gawin ang lahat ng makakaya ko. Kailangan ninyong bumili ng artificial double valve, pero napakamahal nito—mga $2,100. Ooperahan ko siya sa loob ng apat na araw.”

Ano ang gagawin namin? Wala kaming gayon kalaking pera ni ang sinumang kakilala namin. Gayunman, nalaman ng iba ang aming sitwasyon, at sa pagiging bukas-palad nila at sa awa ng Panginoon ay nakatipon kami ng pondo. Binili ng asawa ko ang balbulang kailangan para iligtas ang buhay ng aming anak.

Hindi lamang lahat ng miyembro ng aming branch ang nanalangin at nag-ayuno para sa aming munting anak kundi maging ang mga missionary at maraming Banal sa mga Huling Araw sa buong lungsod. Nadama namin ang kanilang suporta. Habang nakaupo sa pasilyo sa araw ng operasyon, nadama namin ang presensya ng Espiritu Santo at ang panalangin ng mga miyembro. Alam namin na malapit sila sa amin! At kasama namin ang Diyos, na gumagabay sa mga doktor. Hindi Niya kami iiwan, at magiging maayos ang lahat.

Nang lumabas ang doktor pagkatapos ng operasyon, medyo nagugulumihanang sinabi niya sa amin, “Naging maayos ang lahat. Nailagay namin ang balbula. Hindi ko alam kung paano, pero nagtagumpay ito.” Ngunit alam namin kung paano ito nagtagumpay. Tinulungan siya ng Ama sa Langit.

Tatlong araw pang nanatili sa ospital si Lizochka habang napapawi na ang pamamaga ng kanyang puso at mga baga. Hiniwa ang kanyang dibdib at tinakpan lamang ito ng isang manipis na lamad (membrane), at makalipas ang ilang araw ay muli nila siyang inoperahan para tahiin ang kanyang dibdib at mga organ. Halos wala ni isa sa mga doktor ang umasa na mabubuhay pa siya. Ngunit nanalig kami sa Ama sa Langit at sa Kanyang kapangyarihan, at naniwala kami na kung loloobin Niya, gagaling siya.

Ang Diyos lamang ang makapagbabalik kay Lizochka sa amin. Sa bawat araw, bumuti ang kanyang lagay. Isang buwan pa siyang nanatili sa ospital, at ngayo’y nakauwi na siya sa amin.

Ang Diyos ay Diyos ng mga himala. Naririnig niya ang ating mga dalangin, at sa mga panahon ng ating paghihirap, tinutulungan Niya tayo. Ang mga pagsubok ay nagpapalakas sa ating pananampalataya at tinuturuan tayong maniwala, umasa, at magmahal.