Mensahe sa Visiting Teaching
Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Tinapay ng Kabuhayan
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa buhay at misyon ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.
Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay na buhay na bumabang galing sa langit: kung ang sinoman ay kumain ng tinapay na ito, siya’y mabubuhay magpakailan man” (Juan 6:51). “Itinuro ni Jesus sa atin, na Kanyang mga disipulo, na dapat tayong umasa sa Diyos bawat araw para sa ating kakainin—sa tulong at ikabubuhay—na kailangan natin sa araw na iyon,” sabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Ang paanyaya ng Panginoon … ay nagpapakita ng isang mapagmahal na Diyos, na nakakaalam maging sa kaliit-liitang pangangailangan ng Kanyang mga anak sa araw-araw at nasasabik na isa-isa silang tulungan. Sinabi Niya na makahihingi tayo nang may pananampalataya sa Katauhang iyon ‘na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya’ (Santiago 1:5).”1 Kapag naunawaan natin na ibibigay ni Jesucristo ang ating mga pangangailangan, babaling tayo sa Kanya para sa ating espirituwal na ikabubuhay.
Inaanyayahan tayo ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol “na makiisa sa pambihirang karanasan ng mga pinakaunang disipulo ni Cristo na nagnais din ng tinapay ng kabuhayan—mga taong hindi nangagsiuwi kundi lumapit sa Kanya, nanatili sa Kanyang piling, at naunawaan na wala na silang ibang malalapitan para maligtas at matubos.”2
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Tinuturuan ni Jesucristo ang isang grupo ng mahigit 4,000 katao. Pagkaraan ng tatlong araw, sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo: “Nahahabag ako sa karamihan, sapagka’t … sila’y … walang mangakain:
“At kung sila’y pauwiin kong nangagugutom sa kanilang mga tahanan, ay magsisipanglupaypay sila sa daan. …
“At nagsisagot sa kaniya ang kaniyang mga alagad, Paanong mabubusog ninoman ang mga taong ito ng tinapay dito sa isang ilang na dako?
“At tinanong sila [ni Jesus], Ilang tinapay mayroon kayo? At sinabi nila, Pito.”
Pagkatapos ay “kinuha [ni Cristo] ang pitong tinapay, at pagkapagpasalamat, ay pinagputolputol niya, at ibinigay sa kaniyang mga alagad, upang ihain sa kanila; …
“At mayroon silang ilang maliliit na isda: at nang [mabasbasan] ang mga ito, ay ipinagutos niya na ihain din naman ang mga ito sa kanila.
“At sila’y nagsikain, at nangabusog: at kanilang pinulot ang lumabis sa mga pinagputolputol, na pitong bakol na puno.” (Tingnan sa Marcos 8:1–9.)