2014
Sa Ibabaw ng mga Tubig
Oktubre 2014


Sa Ibabaw ng mga Tubig

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Matagal ko nang isinasamo sa Ama sa Langit na pawiin ang aking pagkabalisa at kawalang-pag-asa, ngunit kung wala ang mga pagsubok na ito, baka hindi ko marating ang “lupang pangako” na nais Niyang marating ko.

Jaredite barges being tossed in the sea.

Mga anim na buwan pagkatapos ng graduation ko sa kolehiyo, nagsimula na akong dumanas ng biglaang pagkataranta, pabalik-balik na pagkabalisa, at depresyon. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang mga nadarama kong ito, ngunit matindi at nakakapanghina ang mga ito.

Nahirapan akong manatiling nakatuon sa mga bagay. Sa trabaho, anumang bagong gawain ay nagpapabalisa sa akin kaya hindi ako mapakali. Natataranta ang aking isipan, at malakas ang pintig ng puso ko na para bang lulundag iyon palabas sa dibdib ko. Magpapatuloy ito nang ilang araw, at pagkauwi ko mula sa trabaho bawat araw, bumabagsak ako sa sopa. Bago ko mamalayan, lumipas na ang magdamag at simula na naman ng isa pang araw ng trabaho.

Ilang buwang nagtagal ang pakiramdam na ito, kahit nakakita na ako ng bagong trabaho at humingi na ng propesyonal na tulong.

Nagdarasal ako tuwing umaga papunta sa trabaho na bigyan ako ng lakas na matapos ang maghapon at makauwi sa aking asawa’t anak. Parang walang katapusan ang problema ko, at madalas ay gusto ko nang sumuko. Maraming araw akong humingi ng tulong sa Diyos habang puno ng luha ang aking mga mata. Nagdasal ako nang mas taimtim kaysa rati, na sumasamo sa Ama sa Langit na tulungan akong maunawaan ang pagsubok na ito at maalis ito sa akin.

Para akong nangangapa sa kadiliman at kawalang pag-asa kapag hindi ko nadarama ang Espiritu. Ngunit nang tulungan ako ng Espiritu na mapaglabanan ang kawalan ko ng pag-asa, nagkaroon ako ng tiwala na magpatuloy—kahit hanggang sa susunod lang na pagdarasal ko. Natuto akong lalong umasa sa aking Ama sa Langit hindi lamang sa pagdarasal sa oras ng pagkain o pagdarasal sa gabi na hindi pinagtuunang mabuti. Dahil dito, lalo akong napalapit sa Kanya.

Inanod ng mga Alon

Sa gitna ng aking pagkabalisa at kawalang-pag-asa, binasa kong muli ang kuwento tungkol sa pagtawid ng mga Jaredita sa “malawak na kailaliman” (Eter 2:25). Parang nakikinita ko ang kanilang pagkabalisa at pag-asam nang lumulan sila sa kanilang mga gabara. Maaaring mapanganib ang kanilang paglalakbay, ngunit alam nila na pupunta sila sa “lupaing pinili sa lahat ng ibang lupain” (Eter 2:15).

Tungkol sa kanilang paglalakbay, mababasa natin:

“At ito ay nangyari na, na pinapangyari ng Panginoong Diyos na magkaroon ng malakas na hangin na iihip sa ibabaw ng mga tubig, patungo sa lupang pangako; at sa gayon sila inanod ng mga alon ng dagat ng hangin.

“At ito ay nangyari na, na sila ay maraming ulit na nalibing sa kailaliman ng dagat, dahil sa mga malabundok na along humahampas sa kanila, at gayon din sa malakas at kakila-kilabot na bagyong ibinunga ng kalakasan ng hangin.

“… Kapag napalilibutan ito ng maraming tubig sila ay nagsusumamo sa Panginoon, at ibinabalik niya itong muli sa ibabaw ng mga tubig.

“At ito ay nangyari na, na ang hangin ay hindi tumigil sa pag-ihip patungo sa lupang pangako habang sila ay nasa mga tubig; at sa gayon sila itinaboy ng hangin” (Eter 6:5–8).

Ang mga talatang ito ay personal na nakaapekto sa akin. Pakiramdam ko ay nakasakay ako sa sarili kong gabara, at hinahampas ng mga hangin ng pagkabalisa at dinadaluyong ng mga alon ng depresyon at inililibing sa kailaliman ng kawalang-pag-asa. Kapag “napalilibutan” ako at nagsusumamo ako sa Panginoon, napapaibabaw ako sa tubig ngunit muli na naman akong napapailalim.

Muli kong binasa ang talata 8: “Ang hangin ay hindi tumigil sa pag-ihip patungo sa lupang pangako … at sa gayon sila itinaboy ng hangin” (idinagdag ang pagbibigay-diin). Pagkatapos ay naliwanagan ako. Ang mismong hanging nagdulot ng malalaking alon na pumaibabaw sa mga gabara ay nakatulong din sa mga Jaredita sa kanilang paglalakbay. Matagal ko nang isinasamo sa Ama sa Langit na payapain ang hangin at mga alon, ngunit kung wala ang mga ito, baka hindi ko marating ang “lupang pangako” na nais Niyang marating ko.

Binago ng mga talatang ito ang pananaw ko sa buhay. Dahil sa aking pagkabalisa at depresyon lalong nagdagan ang pagtitiwala ko sa Ama sa Langit. Kung wala ang hangin at alon, baka hindi ko kailanman nakilala ang Diyos na tulad ngayon—at baka hindi nakarating ang mga Jaredita sa lupang pangako.

Sa ngayon, ilang taon matapos maranasan ito, hindi na bumubugso sa akin ang mga hangin ng pagkabalisa at hindi na ako nalilibing ng mga alon ng depresyon. Ngunit kung sakali mang bumalik ang bagyo, mananawagan ako sa Panginoon at magpapasalamat, batid na hindi nadadala ng panatag na karagatan ang mga gabara tungo sa lupang pangako—maalon na karagatan ang nakagagawa nito.

Paglalarawan ni Jerry Harston