Ebanghelyo sa Aking Buhay
Ang Aking Magkakaugnay na Patotoo
Ang awtor ay naninirahan sa Singapore.
Para sa akin, ang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang katotohanan ng Aklat ni Mormon ay magkaugnay. Kung totoo ang ebanghelyo, ibig sabihin totoo ang Aklat ni Mormon.
Itinuro ng mga missionary sa pamilya ko ang ebanghelyo sa aming tahanan sa Singapore. Hindi sumapi sa Simbahan ang tatay ko, pero sumapi ang nanay ko. Itinuro niya sa amin ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Kahit noong bata pa ako, ipinagmamalaki ko sa mga kaibigan ko na Latter-day Saint ako.
Nagtitiwala ako lagi sa mga turo ng nanay ko. Ngunit nang lumaki na ako, tinanong ako ng isang missionary kung ilang beses ko nang nabasa ang Aklat ni Mormon. Naitanong na ito sa akin dati, pero sa pagkakataong ito natanto ko na dahil hindi ko nabasa ang Aklat ni Mormon, hindi ko alam kung ito ay totoo.
Isang Hindi Maitatatwang Katotohanan
Hindi ko na maiiwasan ang hindi maitatatwang katotohanan: ang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang katotohanan ng Aklat ni Mormon ay talagang magkaugnay. Kung totoo ang ebanghelyo, ibig sabihin totoo ang Aklat ni Mormon. Dahil hindi ko alam kung totoo ang Aklat ni Mormon, may alinlangan na ako ngayon sa lahat ng pinaniwalaan ko. Litung-lito ang isip ko, at ang tanong na—“Totoo ba ang Aklat ni Mormon?”—ay nanatili sa puso ko.
Ang tumitibay kong kaugnayan sa Tagapagligtas na si Jesucristo ay naghikayat din sa akin na hanapin ang katotohanan. Ang araw na natanto kong hindi ko lubusang makikilala si Jesucristo kung hindi ko seryosong babasahin ang Aklat ni Mormon ang mismong araw na labis kong hinangad na malaman kung ito ay totoo.
Tinawag Bilang Guro
Ipinagdasal kong magabayan ako. Sa panahong ito, tinawag ako ng branch president na magturo ng Aklat ni Mormon sa Gospel Doctrine class. Tinanggap ko ang tungkulin dahil nadama ko na baka ito ang sagot ng Panginoon para ipaalam sa akin ang katotohanan ng Aklat ni Mormon at mas mapalapit ako sa Tagapagligtas.
Mahirap magturo. Matapos ang unang ilang Linggo, nalaman ko na hindi ako kailanman magiging epektibo hangga’t hindi ako naniniwala sa Aklat ni Mormon.
Nalahad ang mga Kuwento sa Bawat Kabanata
Sinimulan kong pag-aralan ang Aklat ni Mormon bawat linggo at hindi nagtagal ay nasiyahan na ako sa pagbabasa. Nalahad ang mga kuwento sa Aklat ni Mormon sa bawat kabanata at mas napalapit ako kay Jesucristo.
Nabasa ko ang tungkol sa pagsilang ni Cristo, na nakita ni Nephi sa isang pangitain:
“At namasdan ko ang lunsod ng Nazaret; at sa lunsod ng Nazaret ay namasdan ko ang isang birhen, at siya ay napakaganda at napakaputi. …
“At sinabi [ng anghel] sa akin: Masdan, ang birheng iyong nakikita ang ina ng Anak ng Diyos, ayon sa laman” (1 Nephi 11:13, 18).
Nabasa ko ang tungkol sa plano ng kaligayahan at nalaman ko na kailangang manampalataya kay Jesucristo para maligtas tayo. Itinuro ni Amulek:
“Alam ko na si Cristo ay paparito sa mga anak ng tao, upang akuin niya ang mga pagkakasala ng kanyang mga tao, at siya ay magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagsabi nito.
“… Sapagkat ayon sa dakilang plano ng Diyos na Walang Hanggan, kinakailangan na may isang pagbabayad-salang gawin, at kung hindi, ang buong sangkatauhan ay tiyak na hindi makaiiwas na masawi” (Alma 34:8–9).
Nabasa ko ang tungkol sa pagmiministeryo ni Jesucristo sa iba Niyang mga tupa sa sinaunang Amerika, at nalaman ko na Siya ang Diyos ng lahat ng bansa. Sinabi niya sa mga Nephita: “Kayo yaong aking sinabi: Mayroon akong ibang mga tupa na hindi sa kawang ito; sila ay dapat ko ring dalhin, at kanilang diringgin ang aking tinig; at magkakaroon ng isang kawan, at isang pastol” (3 Nephi 15:21).
Unti-Unti Akong Nagkaroon ng Patotoo
Habang binabasa ko ang Aklat ni Mormon, lumakas ang pananampalataya ko kay Jesucristo at mas naunawaan ko ang Kanyang plano (tingnan sa Alma 32:28).
Pinatototohanan ko na ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon. Inihayag sa akin ng Espiritu Santo na si Joseph Smith ay tunay na propetang nagpanumbalik ng Simbahan ng Diyos sa lupa at nagsalin ng Aklat ni Mormon mula sa mga laminang ginto. Ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo kay Jesucristo at sumusuporta sa Biblia. Parehong pinatototohanan ng mga ito na si Jesucristo ay tunay na Anak ng Diyos at na Siya ang Diyos ng lahat ng bansa, hindi lamang ng isa.