2020
Ipagdiwang ang Panunumbalik
Pebrero 2020


Ipagdiwang ang Panunumbalik

Mga ideya para sa mga aktibidad na madaling gawin ng mga pamilya at ng iba pang mga grupo

family activities

Larawan ng mga batang nagdodrowing at ng mga tao sa isang handaan mula sa Getty Images

Dalawang daang taon na ang nakararaan, nagpunta sa kakahuyan ang isang 14 na taong gulang na batang lalaki na may mga nais itanong. Ang mga sagot na natanggap niya ay nagbigay-daan para sa Pagpapanumbalik ng Simbahan ng Panginoon. Bilang paggunita, maaaring iangkop ang mga sumusunod na ideya para magamit ng mga pamilya, grupo ng kabataan, ward, o branch.

Musikal na Pagtatanghal na may Pagsasalaysay

Maghanap ng mga awitin at banal na kasulatan na maaari mong gamitin para maisalaysay ang kuwento ng Panunumbalik. Maaari itong manggaling sa Joseph Smith—Kasaysayan, iba pang mga banal na kasulatan, at mga himno tungkol sa Panunumbalik mula sa himnaryo at sa Aklat ng mga Awit Pambata. Anyayahan ang mga tao na tumulong sa pagbasa ng mga bahagi at magtanghal ng musika. Kung maaari, ipabasa ang mga bahagi ni Joseph Smith sa isang 14 na taong gulang na batang lalaki.

Pagtatanghal ng Sining

Anyayahan ang mga tao na gumawa ng likhang-sining tungkol sa Panunumbalik. Maaaring kabilang dito ang mga ipinintang larawan, paglalarawan, eskultura, retrato, at marami pang iba. Sabihin sa kanila na pumili ng isang pangyayari o tema mula sa Panunumbalik para sa kanilang likhang-sining. Magtakda ng oras at lugar para maitanghal ang lahat ng ito at anyayahan ang iba na pumunta at tingnan ang mga ito.

Aktibidad sa Sagradong Kakahuyan

Maghanap ng isang tahimik na lugar na malayo sa mga gambala, tulad ng ginawa ni Joseph. Maaari kayong pumunta sa lugar na may magandang kalikasan kung may malapit sa tahanan ninyo. Basahin ang salaysay ni Joseph Smith tungkol sa pagpunta niya sa Sagradong Kakayuhan upang manalangin. Anyayahan ang mga kalahok na ibahagi kung paano sila nagkaroon ng patotoo tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo o magbahagi ng mga karanasan kung kailan sinagot ng Ama sa Langit ang kanilang mga panalangin.

Espesyal na Fireside

Hilingan ang isang tao na maghanda ng isang pagtatanghal tungkol sa Panunumbalik. Ang tagapagsalita ay maaaring isang lider ng Simbahan, isang mahusay na guro, o isang tao na may sapat na kaalaman sa kasaysayan ng Simbahan. Anyayahan ang inyong mga kaibigan o kapitbahay na matuto tungkol sa Panunumbalik at kung ano ang kahulugan nito para sa atin ngayon.

Kapangyarihan ng Banal na Kasulatan

Tipunin ang lahat at pagdalahin ng kanilang personal na kopya ng mga banal na kasulatan. Pinag-aralan ni Joseph Smith ang mga banal na kasulatan, na naniniwalang makakahanap siya ng mga sagot. Basahin ang Santiago 1:5 nang sabay-sabay. Sinabi ni Joseph na ang mga salitang ito ay pumasok “nang may malakas na kapangyarihan sa bawat himaymay ng [kanyang] puso” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:12). Anyayahan ang mga kalahok na magbahagi ng mga talata sa banal na kasulatan na nagkaroon ng malaking epekto sa kanila o sumagot sa kanilang mga tanong.

Parada

Mag-organisa ng isang simpleng parada ng iba’t ibang tao o grupo na kumakatawan sa iba’t ibang pangyayari, mga inihayag na katotohanan, o mga pagpapala ng Panunumbalik. Kung maaari, anyayahan ang bawat tao o grupo na ibahagi ang kahalagahan ng pangyayari, katotohanan, o pagpapala na kinakatawan nila. Marahil ay maaari kayong magkaroon ng isang parada para lang sa mga bata.

Panonood ng Video

Magtipon para panoorin ang maikling video na “Ask of God: Joseph Smith’s First Vision,” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Talakayin kung ano ang matututuhan ninyo tungkol sa panalangin mula sa halimbawa ni Joseph. Ibahagi kung ano ang nadarama ninyo kapag nakikipag-ugnayan kayo sa Ama sa Langit.

Larawan ng batang nagbabasa ng mga banal na kasulatan na kuha ni Stacey Johnson

Larawan ng mag-ama na nakatingin sa isang tablet na kuha ni Korene Knight