Nais Niyang Maging Maligaya Ako
Noong isugod ako sa ospital dahil bumigay na ang mga baga ko, akala ko ay katapusan ko na. Hindi pa handa ang kalooban ko o ang espirituwalidad ko para sa kamatayan, pero bumibigay na ang katawan ko. Mahirap para sa pamilya ko na makita ako sa gayong kalagayan, pero nanatili silang matatag, at pinagpala ako na makaligtas.
Hindi natapos doon ang mga problema ko sa kalusugan. Mula noon, kinailangan kong mamuhay nang isa na lang ang gumaganang baga at baluktot ang gulugod. Masakit at mahirap ang bawat araw. Minsan naisip ko na mas mabuti pang namatay na lang ako kaysa patuloy na maghirap. Nanghina ako, hindi lang sa pisikal, kundi maging sa pangkaisipan at sa espirituwal. Nawalan ako ng pag-asa at tiwala sa sarili. Sinimulan kong itulak palayo ang mga tao sa buhay ko na pilit pinalalakas ang loob ko. Pero hindi ako sinukuan ng aking pamilya. Minahal at inalagaan nila ako, at patuloy akong sinuportahan ng aking mga kaibigan. Gayunpaman, dama ko pa rin na hindi na magiging kasingganda ng pinangarap kong kinabukasan ang hinaharap ko.
Isang gabi, nakadama ako ng matinding kalungkutan. Nagpasiya ako na kailangan kong basahin ang aking patriarchal blessing. Napaluha ako nang mabasa ko ang unang ilang linya, “Pinagmamalasakitan at minamahal ka ng ating Ama sa Langit. Nais Niyang maging maligaya ka sa buhay na ito.”
Sa sandaling iyon, napagtanto ko na talagang naglaan ang Ama sa Langit ng magandang kinabukasan para sa akin at mga kahanga-hangang pagpapala na maaari kong asahan habang tinatahak ko ang landas na nais Niyang tahakin ko.
Alam ng ating Ama sa Langit na daranas tayong lahat ng paghihirap, kaya isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang magdusa para sa atin at aliwin tayo. Ganoon katindi ang pagmamahal Nila para sa atin. Nahihirapan man ako sa bawat araw ng buhay ko sa mundong ito, alam ko na palagi kong madarama ang pagmamahal Nila at matutupad ang lahat ng mga pangako Nila kung patuloy akong magtitiis at susunod sa Kanila.