Ituloy Mo Lang ang Pagtakbo, Josie!
Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.
“Ating takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin” (Sa Mga Hebreo 12:1).
Napahikab si Josie habang bumabagal ang kanyang pagtakbo. Ngayon na ang malaking paligsahan sa takbuhan! Ilang buwan na niyang hinihintay ang araw na ito. Pero sa halip na masabik habang naghahanda, pagod ang naramdaman ni Josie.
“Kumusta na?” tanong ng kanyang ate na si Christine. Umupo sila ni Josie sa damuhan para maiunat nila ang kanilang mga binti.
“Talagang pagod ako ngayon,” sabi ni Josie, habang inaabot ang mga daliri niya sa paa.
Nagkasakit siya at hindi nakapasok sa paaralan nang ilang araw. Kaya nagpuyat siya kagabi para matapos ang mga takdang-aralin niya.
“Sana hindi matalo ang grupo natin dahil sa akin,” sabi ni Josie.
“Basta gawin mo lang ang lahat ng makakaya mo,” sabi ni Christine. “Mukhang mag-uumpisa na tayo!”
Tumakbo ang mga batang babae papunta sa mga kagrupo nila. Habang nakapila sila kasama ng iba pang mananakbo, pumikit si Josie at huminga nang malalim. Alam niya na umaasa ang grupo niya na tatakbo siya nang mabilis, tulad nang karaniwan niyang ginagawa. Nakasalalay sa bilis ng pagtakbo ng limang pinakamabibilis na mananakbo sa grupo nila kung makakapasok sila sa huling bahagi ng paligsahan. Hindi pa siya nakakapuwesto nang maayos nang paputukin ang baril upang simulan ang paligsahan. Bang! Tumakbo nang mabilis ang mga mananakbo mula sa panimulang linya.
Iginalaw ni Josie ang kanyang mga braso at nilakihan niya ang kanyang mga hakbang. Alam niya na kailangang mauna na siya sa simula pa lang kung gusto niyang maunang makatapos. Noong simula ay nakakasabay si Josie sa ibang nangungunang mananakbo. Sinubukan niyang tumakbo nang mas mabilis, pero hindi niya nagawa.
Hiningal si Josie. Hindi na niya kayang pabilisin pa ang kanyang mga binti. Nalampasan na siya ng mga mananakbo sa likuran niya. Karaniwang si Josie ang lumalampas sa iba! Siguro dapat sumuko na lang ako, naisip niya.
Tumungo si Josie nang marinig niya na nalampasan siya ng isa pang mananakbo. “Ituloy mo lang ang pagtakbo, Josie!” sabi ng mananakbo na lumampas sa kanya. Tumingala si Josie. Pagkatapos ay ngumiti siya. Isa iyon sa mga kagrupo niya.
“Kaya mo iyan!” sabi ng isa pang kagrupo niya na lumampas sa kanya. Habang isa-isang lumalampas sa kanya ang mga kagrupo ni Josie, hinikayat nila siya na magpatuloy sa pagtakbo.
Biglang nagkaroon ng determinasyon si Josie. Siguro hindi siya kabilang sa limang pinakamabibilis na mananakbo, pero kaya pa rin niyang makarating sa dulo. Nagpokus siya sa mga hakbang niya at hindi siya tumigil hanggang sa makarating siya sa dulo.
“Pasensya na kung hindi ako … nakatulong para … makapasok tayo sa susunod na bahagi ng paligsahan,” sabi niya habang hingal na hingal.
“Nakapasok pa rin ang grupo natin!” Sabi ng tagasanay ni Josie habang tumatakbo papalapit sa mga batang babae. Tuwang-tuwa ang buong grupo, at niyakap nang mahigpit ni Christine si Josie.
Noong gabing iyon habang nakaluhod si Josie para magdasal, inisip niya kung paano siya natulungan ng mga kagrupo niya. Noong gusto na niyang sumuko, lumakas ang loob niya na magpatuloy sa pagtakbo dahil sa mga sinabi nila.
Tiningnan ni Josie ang larawan ni Jesus na nakasabit sa itaas ng kanyang kama. Ganoon din ang ginagawa ni Jesus para sa atin, naisip niya. Napangiti siya habang iniisip na pinapalakas ng Tagapagligtas ang kanyang loob. “Ituloy mo lang ang pagtakbo, Josie! Narito ako para tulungan ka.”
Pinasalamatan ni Josie ang Ama sa Langit para sa tulong Niya sa pagtakbo sa karera ng buhay. Pakiramdam niya ay kaya niyang gawin ang lahat ng bagay dahil pinapalakas ni Jesus ang kanyang loob! ●