2020
Esther Cox—Louisiana, USA
Pebrero 2020


Mga Larawan ng Pananampalataya

Esther Cox

Louisiana, USA

Esther and her son, Matthew

Isang karaniwang araw lamang iyon ng pagbaha matapos maapektuhan ng malakas na pag-ulan ang katimugang Louisiana. Ngunit nang mahulog ang dalawang taong gulang na anak ni Esther Cox na si Matthew sa malakas na agos ng kalapit na kanal, iyon ang naging pinakamalungkot na araw sa kanyang buhay. Nang matagpuan si Matthew ng asawa ni Esther na si George, 15 minuto na siyang nakalubog sa tubig.

Leslie Nilsson, Litratista

Napuno ang silid-hintayan sa ospital ng mga miyembro ng Simbahan na sumuporta sa amin. Nang dumating ang bishop namin sa ospital at binasbasan niya si Matthew, ang natandaan ko lang ay ang mga salitang nagsasabi na si Matthew ay “gagaling”—ngunit hindi sa panahong gusto ko, kundi sa panahong itinakda ng Diyos. Nakaramdam ako ng kapanatagan. Nagdasal kami at naramdaman naming magiging maayos ang lahat. Anuman ang maging problema kay Matthew, nanalig kami na magiging maayos iyon.

Tinawag nila ang kalagayan ni Matthew na “near drowning with hypoxia,” na nangangahulugang nagkaroon ng pinsala sa utak dahil sa kakulangan ng oxygen. Iyon ang pinakamalungkot na araw sa buhay ko, ngunit ibinalik sa akin ng Ama sa Langit ang aking anak. Siya pa rin ang aking sanggol. 20 taon ko na siyang inaalagaan. May masasaya at malulungkot na araw kami, ngunit biyaya siya sa pamilya namin. Napakabait niya. At tinulungan ako ng Ama sa Langit na malampasan ang lahat ng ito.

Namatay ang aking asawa na si George limang taon na ang nakararaan dahil sa kanser sa atay. Dama ko na inihanda ako ng Ama sa Langit para sa kanyang pagpanaw. Ayoko na sanang sundan si Matthew dahil naisip ko na kakailanganin niya ang lahat ng aking atensyon, pero hindi gayon ang inisip ng Ama sa Langit, at ipinagkaloob Niya si Lilian sa akin. Lubos akong nagpapasalamat para sa kanya. Tinutulungan niya ako kay Matthew.

Hindi nakakapagsalita si Matthew, pero palagay ko ay naiintindihan niya ang lahat. Gustung-gusto niya sa labas ng bahay. Hinahayaan ko lang siyang gumapang-gapang. Iyon ang pinakagusto niyang gawin. Pakiramdam ko para siyang nakatali kapag nasa wheelchair. Gusto kong malaya siyang nakakagalaw.

Walang pagmamahal na katulad ng pagmamahal na nagmumula sa taong may espesyal na pangangailangan. Mahal na mahal namin ang isa’t isa. Mayroon kaming espesyal na samahan. Pinagpapala ako ng Diyos. Talagang pinagpapala Niya ako.

Esther with her two children

“Ayoko na sanang sundan si Matthew dahil naisip ko na kakailanganin niya ang lahat ng aking atensyon, pero hindi gayon ang inisip ng Ama sa Langit, at ipinagkaloob Niya si Lilian sa akin. Lubos akong nagpapasalamat para sa kanya. Tinutulungan niya ako kay Matthew.”

family eating

“Siya pa rin ang aking sanggol,” sabi ni Esther tungkol kay Matthew. “20 taon ko na siyang inaalagaan.”

family praying

“Anuman ang maging problema kay Matthew, nanalig kami na magiging maayos iyon. At ganoon nga ang nangyari,” sabi ni Esther. “Tinulungan ako ng Ama sa Langit na malampasan ang lahat ng ito.”

siblings

Gumagamit si Matthew ng isang espesyal na wheelchair habang nasa paaralan, na papasukan niya hanggang sa maging 22 taong gulang na siya.