May Ibang Plano ang Panginoon para sa Amin
Noon, umaalis ako sa bahay nang alas-8 ng umaga at hatinggabi na ako nakakauwi matapos ang maghapong pagtatrabaho at pagdalo sa klase sa gabi. Sa kakaunting oras na magkasama kami ng asawa kong si Daniel, nagtatalo kami. Hindi maganda ang mga nangyayari. Malapit na kaming maghiwalay.
Isang Linggo ng gabi pagkatapos ng isang pagtatalo, sinabi ni Daniel, “Dapat siguro magkaroon tayo ng mas malalim na ugnayan sa Diyos.” Kinabukasan, habang binabantayan ni Daniel ang aming anak, kumatok ang mga missionary sa pinto namin.
Noong nagsisimula pa lamang magbisita sa amin ang mga missionary, hindi ako sang-ayon sa lahat ng bagay na itinuturo nila. Pero pagkatapos ng ilang talakayan, may naramdaman kami. Hindi namin alam kung ano iyon, pero inilarawan namin ito bilang “mahiwagang” pakiramdam ng kapayapaan at pagkakaisa. Nagtatagal ito kahit umalis na ang mga missionary. Napagtanto namin na kailangan namin iyong maramdaman nang mas madalas sa aming tahanan.
Dahil nabigyang-inspirasyon ng mensahe ng mga missionary tungkol sa kahalagahan ng pamilya, bumuti ang pagsasama namin ni Daniel. Gusto ko sanang ipagpatuloy ang aking pag-aaral para tumaas ang posisyon ko sa trabaho. Pero nagpasiya kaming magtuon sa aming pamilya, mag-ukol ng mas maraming oras sa isa’t isa, at magkaroon pa ng mga anak. Huminto ako sa pag-aaral, nagbitiw sa aking trabaho, at nagsilbi bilang secretary ni Daniel sa kanyang negosyo.
Wala pang tatlong buwan pagkatapos ng unang pagbisita ng mga missionary, nabinyagan at nakumpirma na kami. Malaki ang ipinagbago ng buhay namin. Nagsimula na kaming magbayad ng ikapu. Nagsimula na kaming manalangin sa tahanan at sa trabaho kasama ang mga trabahador ni Daniel. Nagsimula na kaming maglingkod sa Simbahan. Lumago ang negosyo ni Daniel, at kinailangan niyang kumuha ng mas maraming trabahador.
Isang taon pagkatapos kaming mabinyagan, nagpunta kami sa templo para mabuklod. Ilang araw pagkatapos kaming mabuklod, nalaman kong buntis ako.
Hindi naging madali para sa amin ang mga araw ng Linggo. Maagang umaalis si Daniel para sa mga pulong ng high council. Mag-isa kong inihahanda ang aming tatlong anak para sa pagsisimba. Pero nagkakasama kami nang maraming oras sa buong linggo. Kaya kahit magkakahiwalay kami kung minsan sa araw ng Linggo habang pinaglilingkuran namin ang Panginoon, alam namin na pinagpapala kami.
Nagkaroon kami ng patotoo na kapag ginawa natin ang ating tungkulin, tutulungan tayo ng Panginoon, at darating ang mga pagpapala. Mas marami pa ang natanggap namin kaysa sa inaasahan naming matangap mula sa sarili naming plano. Mas maganda ang inilaan ng Panginoon para sa amin.