Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Aklat ni Mormon
Kilalanin ang Apat na Jose sa 2 Nephi 3
Alam mo ba na binanggit ng isang propeta na nagngangalang Jose ang tungkol kay Joseph Smith halos 4,000 taon na ang nakararaan?
Tingnan kung matutukoy mo ang lahat ng Jose na binanggit sa 2 Nephi 3: nagkuwento si Lehi sa kanyang anak na si Jose tungkol sa ilan sa mga propesiya ni Jose ng Egipto hinggil kay Joseph Smith, na ipinangalan sa kanyang amang si Joseph.
Tingnan ang time line sa ibaba para mas maunawaan kung sino ang mga Jose na iyon at kung kailan sila nabuhay.
Mga 1700 BC
Si Jose, anak ni Jacob (na pinalitan ang pangalan ng Israel), ay nanirahan sa Egipto. Siya ay nagkaroon ng dalawang anak, sina Ephraim at Manases.
Mga 600 BC
Si Lehi, na inapo ni Manases, ay lumisan sa Jerusalem at naglakbay sa ilang sa loob ng maraming taon. Siya at ang kanyang asawang si Saria ay nagkaroon ng isang anak na lalaki na nagngangalang Jose.
AD 1771
Si Joseph Smith Sr. ay isinilang sa Massachusetts.
AD 1805
Si Joseph Smith Jr. ay isinilang noong Disyembre 23, 1805, sa Vermont. Sa Unang Pangitain noong 1820, nakita niya ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Isinalin at inilathala niya ang Aklat ni Mormon pagkaraan ng ilang taon, tulad ng sinabi ni Jose ng Egipto na gagawin niya (tingnan sa 2 Nephi 3:11).
Ano ang Sinabi ni Jose ng Egipto tungkol kay Joseph Smith?
Binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Jose ng Egipto na makita ang mga mangyayari sa susunod na ilang daang taon. Ibinahagi niya ang mga sumusunod na katotohanan tungkol kay Joseph Smith:
-
“Isang tagakita ang ibabangon ng Panginoon kong Diyos, na magiging piling tagakita sa bunga ng aking balakang [mga inapo]” (talata 6).
-
“Siya ay magiging dakilang katulad ni Moises, na sinabi kong ibabangon ko sa inyo, upang palayain ang aking mga tao” (talata 9).
-
“Sa kanya ay ipagkakaloob ko ang kapangyarihang isiwalat ang aking salita sa mga binhi ng iyong balakang—at hindi lamang sa pagdadala ng salita ko, wika ng Panginoon, kundi upang mapapaniwala sila sa aking salita, na napasakanila na [tulad ng Biblia]” (talata 11).
-
“Mula sa kahinaan siya ay gagawing malakas, sa araw na yaon kung kailan ang aking gawain ay magsisimula sa lahat ng aking mga tao, tungo sa pagpapanumbalik sa iyo, O sambahayan ni Israel, ang wika ng Panginoon” (talata 13).
-
“Ang tagakitang yaon ay pagpapalain ng Panginoon; at sila na nagnanais na siya ay pinsalain ay malilito” (talata 14).
-
“Ang kanyang pangalan ay tatawagin sa pangalan ko; at ito ay isusunod sa pangalan ng kanyang ama” (talata 15).
Paano naging katulad ni Joseph Smith si Jose ng Egipto?
Si Jose ng Egipto ay hinirang ni Faraon na pangasiwaan ang pag-iimbak ng pagkain bilang paghahanda sa taggutom. Nang dumating ang taggutom, ang mga tao sa Egipto at sa iba pang mga lugar ay nagpunta kay Jose upang bumili ng pagkain. Maging ang kanyang mga kapatid ay dumating sa Egipto mula sa Banal na Lupain para sa pagkain. Pumayag si Faraon na bigyan ng pagkain at patirahin sa Egipto ang mga kapatid at ama ni Jose. Ito ang nagligtas sa kanila mula sa pagkagutom.
Noong panahon ni Joseph Smith, dumanas ang mga tao ng “pagkagutom” sa salita ng Diyos; sila ay nagugutom sa totoong ebanghelyo ni Jesucristo. Si Joseph Smith ang propetang tinawag ng Panginoon upang iligtas tayo mula sa pagkagutom na iyon—sa pamamagitan ng pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo at priesthood upang matanggap natin ang mga ordenansang kailangan para sa ating espirituwal na kaligtasan.