2020
Ang Pagpapala ng Panunumbalik para sa Iyo
Pebrero 2020


Ang Pagpapala ng Panunumbalik para sa Iyo

Dahil sa ipinanumbalik na ebanghelyo, malalaman mo kung sino ka talaga at kung ano ang inaasahan ng Diyos na gawin mo.

Joseph Smith praying

Paglalarawan ni Robert Barrett

Sa musikal na Fiddler on the Roof, naglarawan ang pangunahing tauhan na si Tevye ng isang kapakinabangan ng mga tradisyon ng kanyang komunidad, at nagsabing, “At dahil sa aming mga tradisyon, alam ng bawat isa sa amin kung sino siya, at kung ano ang inaasahan ng Diyos na gawin niya.”1 Hindi mo kailangang umasa sa mga tradisyon para sa kaalamang ito. Dahil sa Panunumbalik, malalaman mo kung sino ka at kung ano ang inaasahan ng Diyos na gawin mo. Kung hindi ka pa sigurado, may karapatan at obligasyon ka na matamo ang kaalamang iyan.

Dalawang daang taon na ang nakararaan mula nang matanggap ng 14 na taong gulang na si Joseph Smith ang unang pangitain mula sa langit na nagpasimula sa Panunumbalik. Pumunta si Joseph sa kakahuyang iyon na malapit sa kanyang tahanan sa isang mabukid na lugar sa hilagang bahagi ng New York, USA, dahil nag-aalala siya tungkol sa kanyang espirituwalidad at kaugnayan sa Diyos at nais niyang malaman kung aling simbahan ang sasapian. Gusto niyang malaman kung sino siya at kung ano ang inaasahan ng Diyos sa kanya. Natanggap niya ang mga sagot na hinangad niya, at napakarami niyang natutuhan noong araw na iyon at nang sumunod na 24 na taon. Dahil sa ipinanumbalik na katotohanan, hindi mo lang malalaman kung bakit ka nilikha ng Diyos, kundi malalaman mo rin kung ano ang kahihinatnan mo. Tulad ni Joseph Smith, maaari mo itong alamin sa iyong sarili.

Sino Ka?

Ikaw ay anak ng Diyos, na kilala Niya at minamahal Niya. Nalaman ito ni Joseph nang magpakita sa kanya ang Diyos Ama at si Jesucristo noong 1820. Itinala ni Joseph, “Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17).

Kilala ng Diyos si Joseph. Gayundin ikaw. Kilala ka ng Diyos. Matagal ka na Niyang kilala at minamahal. Alam Niya ang iyong dakilang potensyal na umunlad at magtamo ng kadakilaan sa piling Niya. Nangangahulugan ito na may potensyal ka na maging katulad Niya.2

Inilahad sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ang ipinanumbalik na katotohanang ito: “Lahat ng tao … ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.”3 Maaaring malinaw na ang katotohanang ito sa mga matagal nang miyembro ng Simbahan. Ngunit hindi ito malinaw sa maraming kilalang Kristiyanong teologo na nagpapahayag na ang iyong pangunahing layunin ay sambahin, mahalin, at parangalan ang Diyos at na ang tanging dahilan ng Diyos sa paglikha sa iyo ay upang papurihan, sambahin, at parangalan mo Siya.

Sa pamamagitan ni Joseph Smith, inihayag ng Diyos na ang Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian ay ang luwalhatiin ka, ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.4 Bagama’t ang pagluwalhati sa iyo ay nagpapaluwalhati sa Kanya, ang mithiin at layunin ng Diyos ay lumikha ng kalagayan na magtutulot sa iyo na umunlad. Ang iyong pag-unlad ay maaaring magdulot ng walang hanggang kagalakan. Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao na “Isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” (Mosias 2:41).

Nais ng Diyos ang pinakamainam para sa iyo. Siya ay mabait at mapagmahal. Alam Niya na para umunlad ka, kailangan mong pumarito sa lupa, tumanggap ng katawan, at malaman ang tama at mali sa pamamagitan ng iyong sariling karanasan. Ayaw Niyang manatili ka na lang na isang bata o tinedyer magpakailanman, o gawin kang isang tao na sunod lang nang sunod kahit walang naiintindihan o natututuhan sa ipinagagawa sa iyo. Ang nais Niya ay piliin mo na sumunod sa Kanya at magkaroon ka ng hustong kaisipan sa pamamagitan ng iyong mga karanasan upang umunlad at maging tagapagmana ng lahat ng mayroon Siya.5 Ito ang iyong banal na tadhana.

Sinusuportahan ng mga katotohanang ito ang ipinanumbalik na doktrina na nagsimula sa simpleng panalanging sinambit ni Joseph Smith.

girl praying

Ano ang Inaasahan ng Diyos sa Iyo?

May dalawang mahahalagang inaasahan ang Diyos sa iyo. Una, inaasahan Niya na matututuhan at susundin mo ang Kanyang plano. Pangalawa, inaasahan Niya na tutulungan mo ang iba na matutuhan at sundin ang Kanyang plano.

Itinuro sa iyo ang plano ng kaligtasan ng Diyos sa premortal na daigdig at tinanggap mo ito. Maaaring hindi naging madali ang pagpiling ito. Hindi tinanggap ng ikatlong bahagi ng mga anak ng Ama sa Langit ang plano. Ngunit ninais mo na pumarito sa lupa, tumanggap ng katawan, at gamitin ang iyong kalayaan para piliing sundin ang plano. Alam ng Diyos, at alam mo rin, na kapag narito ka na sa mundo ay magkakamali at magkakasala ka. Dahil sa mga kasalanang ito ay hindi ka maaaring mamuhay sa kinororoonan ng Diyos maliban kung matutubos ka mula sa iyong mga kasalanan. Kabilang sa plano ng Diyos na maging Manunubos mo si Jesucristo. Nagbayad-sala si Jesucristo para sa iyong mga kasalanan at pagkakamali upang maisakatuparan ang plano ng kaligtasan ng Diyos para sa iyo.6 Nagsakripisyo Siya upang Kanyang “angkinin sa Ama ang kanyang mga karapatan ng awa na mayroon” para sa iyo (Moroni 7:27).

Kabilang din sa plano ng Diyos na pagkalooban ka ng kalayaan upang malaman mo ang “mabuti sa masama” (2 Nephi 2:5). Ikaw ay isang “kinatawan” sa iyong sarili (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:28), na may kakayahang magpasiya para sa iyong sarili. Ngunit kapag nakagawa ka ng mga kasalanan o pagkakamali, inaasahan ng Diyos na gagamitin mo ang iyong kalayaan upang magsisi. Ang pagsisisi ay naging posible sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at kinakailangan upang maging malinis ka sa harapan ng Diyos.7

Nagsisisi ka kapag bumabaling ka sa Diyos at nananampalataya kay Jesucristo. Kung ikaw ay magsisisi, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay magtutulot sa iyo na mapatawad mula sa kaparusahang matatanggap mo kung hindi ka magsisisi. Ipinapakita mo na nagsisi ka na sa pamamagitan ng pagiging masunurin sa mga batas at mga ordenansa ng ebanghelyo. At, kapag nagsisi ka, ikaw ay magiging dalisay, malinis, at banal.

Tulad ng ipinahayag ng Diyos kay Adan, “Ito ang plano ng kaligtasan sa lahat ng tao, sa pamamagitan ng dugo ng aking Bugtong na Anak” (Moises 6:62). Dahil sa ating pananampalataya kay Cristo at sa plano ng Ama sa Langit, tayo ay maaaring “magtamasa ng mga salita ng buhay na walang hanggan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating, maging ang walang kamatayang kaluwalhatian” (Moises 6:59).

Ang pangalawang mahalagang bagay na inaasahan ng Diyos sa iyo ay tulungan ang iba na matutuhan ang kanyang plano at tulungan silang sundin ito. Kapag naunawaan mo na mahal ka ng Diyos at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, magiging likas na sa iyo ang pagnanais na ibahagi ang katotohanang ito sa iba. Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo ay tinatawag ding “pagtitipon ng Israel.” Pinagtibay ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Mga mahal kong mahuhusay na kabataan, ipinadala kayo sa mundo sa panahong ito, sa pinakamahalagang bahagi ng kasaysayan ng mundo, upang tumulong na tipunin ang Israel. Wala nang ibang nangyayari sa daigdig na ito ngayon mismo na mas mahalaga pa kaysa riyan. Wala nang ibang mas mahalaga ang bunga. Wala talaga.

“Ang pagtitipon na ito ay dapat maging napakahalaga sa inyo. Ito ang misyon ninyo dito sa lupa.”8

Ang pagtupad sa obligasyong ito sa tipan ay magdudulot sa iyo ng kagalakan9 at makakatulong sa iyong personal na kaligtasan.10

Dahil ipinanumbalik na sa lupa ang ebanghelyo ni Jesucristo, malalaman mo kung sino ka at kung ano ang inaasahan ng Diyos sa iyo. Ipinagdiriwang natin ang Panunumbalik na nagsimula sa kakahuyan malapit sa sakahan ng mga Smith sa isang mabukid na lugar sa hilagang bahagi ng New York, 200 taon na ang nakararaan dahil may mahalagang impluwensya ito sa buhay mo. Ang taimtim na panalangin ni Joseph ay nagbigay-daan sa napakaraming paghahayag na nagpapatuloy hanggang ngayon sa pamamagitan ng Kanyang mga Apostol at mga propeta. Pinamamahalaan ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan at ang Kanyang gawain sa lupa upang maabot mo ang iyong banal na potensyal na mamuhay muli kasama ng iyong Ama sa Langit.

Mga Tala

  1. Joseph Stein, Jerry Bock, Sheldon Harnick, Fiddler on the Roof (1964), 3.

  2. “Ang Diyos mismo, nang makitang naliligiran siya ng mga espiritu at kaluwalhatian, at dahil Siya ay mas matalino, ay nakita na wastong magtatag ng mga batas na nagbibigay sa iba ng pribilehiyong umunlad na katulad niya … upang sila ay mapadakilang kasama niya” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 244).

  3. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Mayo 2017, 145.

  4. Tingnan sa Moises 1:39.

  5. Tingnan sa Dale G. Renlund, “Piliin Ninyo sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2018, 104.

  6. Tingnan sa Isaias 53:3–12. Binanggit ni Isaias nang 10 beses ang pagdurusa ni Cristo para sa mga kasalanan.

  7. Sinabi ng Diyos, “[Kayo] ay kinakailangang magsisi, o [kayo] sa anumang paraan ay hindi makamamana ng kaharian ng Diyos, sapagkat walang maruming bagay ang makatatahan doon.” Kaya kayo ay “kinakailangang isilang na muli sa kaharian ng langit, sa tubig, at sa Espiritu, at malinisan sa pamamagitan ng dugo, maging ng dugo ng [Bugtong na Anak ng Diyos]; upang kayo ay mapabanal mula sa lahat ng kasalanan” (Moises 6:57, 59).

  8. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org.

  9. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:15–16.

  10. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 4:2, 4; 31:5; 36:1; 60:7; 62:3; at 84:61.