2020
Walong Katotohanan mula sa Unang Pangitain
Pebrero 2020


WalongKatotohananmula sa Unang Pangitain

illustration of the First Vision

Mga paglalarawan ni christopher wormell

Isang maaliwalas na umaga noong tagsibol dalawang daang taon na ang nakararaan sa isang mabukid na lugar sa hilagang bahagi ng New York, sa isang tahimik na mapunong kakahuyan, ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagpakita sa batang si Joseph Smith. Winakasan ng mahimalang pangyayaring ito ang maraming siglo ng kawalang-katiyakan at haka-haka tungkol sa likas na katangian ng Diyos, sa pangangailangan ng patuloy na paghahayag, at sa iba pang walang hanggang katotohanan na matagal nang nakalimutan o nakubli ng espirituwal na kamangmangan.

Si Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na inilarawan ang Unang Pangitain bilang “marahil ay siyang pinakamahalagang pangyayari na naganap simula noong Pagkabuhay na Mag-uli,” ay naglahad ng walong katotohanang naipanumbalik sa mundo sa pamamagitan ng kagila-gilalas na pangyayaring ito.1 Sa paggunita natin ng ika-200 anibersaryo ng Unang Pangitain, isipin ang mga katotohanang ito at ang mga patotoo ng mga makabagong propeta na nagpapatotoo hindi lamang sa katotohanan ng Unang Pangitain kundi maging sa mga katotohanang inihahayag nito.

1. Ang Diyos na ating Ama ay isang katauhan, at ang mga lalaki at babae ay nilikha sa Kanyang wangis.

“Mas marami pang natutuhan si Joseph Smith sa mga sandaling iyon [ng Unang Pangitain], gaano man kahaba o kaikli, tungkol sa likas na katangian ng Diyos kaysa sa lahat ng natutuhan ng mga teologo sa buong kasaysayan ng mundo.”—Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008)2

“Ang ating Diyos Ama ay may mga tainga para marinig ang ating mga dalangin. Mayroon siyang mga mata para makita ang ating mga kilos. Mayroon siyang bibig para makapangusap sa atin. Mayroon siyang puso para makadama ng habag at pagmamahal. Siya ay tunay. Siya ay buhay. Tayo ay kanyang mga anak na nilikha sa kanyang wangis o larawan.” —Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018)3

2. Si Jesus ay isang personahe, hiwalay at bukod sa Ama.

“Sa kanyang Unang Pangitain, nakakita si Joseph Smith ng dalawang magkaibang katauhan, dalawang nilalang, na nagpapatunay na ang laganap na paniniwala noon tungkolsa Diyos at sa Panguluhang Diyos ay hindi totoo.

“Taliwas sa paniniwala na ang Diyos ay hindi maarok at mahiwaga, naniniwala tayo na ang katotohanan tungkol sa likas na katangian ng Diyos at ang ating kaugnayan sa Kanya ay maaaring mabatid at mahalaga sa lahat ng iba pa sa ating doktrina.” —Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan4

First Vision

3: Ipinahayag ng Ama na si Jesucristo ay Anak Niya.

“Nagpapatotoo kami, bilang kanyang marapat na inordenan na mga Apostol—na si Jesus ang Buhay na Cristo, ang walang kamatayang Anak ng Diyos. Siya ang dakilang Haring Emmanuel, na ngayon ay nakatayo sa kanang kamay ng Kanyang Ama. Siya ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo. Siya ang daan na naghahatid sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.” —“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol”5

4. Si Jesus ang tagapaghatid ng paghahayag tulad ng itinuro sa Biblia.

“Lahat ng paghahayag mula noong pagkahulog ay dumating sa pamamagitan ni Jesucristo, na siyang Jehova ng Lumang Tipan. … Ang Ama [si Elohim] ay hindi kailanman nakipag-ugnayan nang tuwiran at personal sa tao mula noong pagkahulog, at hindi kailanman nagpakita maliban kung ipapakilala at patototohanan Niya ang Kanyang Anak” —Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972)6

5. Ang pangako ni Santiago na humingi ng karunungan sa Diyos ay natupad.

“Nagbigay si Propetang Joseph Smith ng huwaran na susundan natin sa paglutas ng ating mga tanong. Dahil nahikayat sa pangako ni Santiago na kung tayo ay nagkukulang ng karunungan ay tanungin natin ang Diyos, tinanong mismo ng batang si Joseph ang Ama sa Langit. …

“Sa gayon ding paraan, ano ang mabubuksan sa inyo ng inyong paghahanap? Anong karunungan ang kulang sa inyo? Ano sa palagay ninyo ang kailangan ninyong malaman o maunawaan kaagad? Tularan ang halimbawa ni Propetang Joseph. Humanap ng tahimik na lugar na palagi ninyong mapupuntahan. Magpakumbaba sa harapan ng Diyos. Ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit. Humiling sa Kanya ng kasagutan at kapanatagan.” —Pangulong Russell M. Nelson7

bible

6. Nalaman ni Joseph na totoong may nilalang mula sa isang mundong hindi nakikita na sinubukang wasakin siya.

“Si Satanas, o Lucifer, o ang ama ng kasinungalingan—anuman ang itawag ninyo sa kanya—ay tunay, siya mismo ang kumakatawan sa kasamaan. Masama ang kanyang mga motibo sa lahat ng pagkakataon, at nanginginig siya sa pagsulpot ng mapagtubos na liwanag, sa mismong pag-iisip ng katotohanan. … Palagi siyang salungat sa pag-ibig ng Diyos, sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at sa gawain ng kapayapaan at kaligtasan. Kakalabanin niya ang mga ito kahit kailan at kahit saan.” —Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol8

7. Nagkaroon ng pagtalikod sa Simbahang itinatag ni Jesucristo—sinabihan si Joseph na huwag sumapi sa alinman sa mga sekta, sapagkat mga doktrina ng tao ang itinuturo ng mga ito.

“Ang Lubusang Pagtalikod sa Katotohanan, o pag-alis sa orihinal na Simbahan na itinatag ng Panginoon, … ay ipinropesiya ng mga taong tumulong na maitatag ang Simbahan. Ipinabatid ni Pablo sa mga Kristiyanong Taga-Tesalonica na sabik na hinihintay ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas na ‘ito’y hindi darating, maliban nang dumating muna ang pagtaliwakas’ (2 Tes. 2:3).” —Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol9

8. Si Joseph Smith ay naging saksi para sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

“Nagpatotoo si Joseph Smith na si Jesus ay buhay, ‘sapagkat siya ay [kanyang] nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at [kanyang] narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama’ (D at T 76:23; tingnan din sa talata 22). Sumasamo ako sa lahat ng nakikinig o bumabasa sa mensaheng ito na hangarin sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang patotoo ring iyon ukol sa banal na pagkatao, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.” —Elder D. Todd Christofferson10

Mga Tala

  1. James E. Faust, “The Magnificent Vision Near Palmyra,” Ensign, Mayo 1984, 67.

  2. Gordon B. Hinckley, “Inspirational Thoughts,” Ensign, Ago. 1997, 3.

  3. Thomas S. Monson, “I Know That My Redeemer Lives,” sa Conference Report, Abr. 1966, 63.

  4. Dallin H. Oaks, “Ang Panguluhang Diyos at ang Plano ng Kaligtasan,” Liahona, Mayo 2017, 100.

  5. “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Liahona, Mayo 2017, sa loob ng pabalat sa harap.

  6. Joseph Fielding Smith, Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie (1955), 1:27.

  7. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 95.

  8. Jeffrey R. Holland, “Tayong Lahat ay Kabilang,” Liahona, Nob. 2011, 44.

  9. M. Russell Ballard, “How Is It with Us?” Liahona, Hulyo 2000, 39.

  10. D. Todd Christofferson, “Ang Doktrina ni Cristo,” Liahona, Mayo 2012, 89.