Mula sa Unang Panguluhan
Humayo at Gumawa
Hango sa “Magtiwala sa Diyos, Pagkatapos ay Humayo at Gumawa,” Liahona, Nob. 2010, 70–73.
Noong lumalaki ako, maraming tao ang walang trabaho at tirahan. Ang Relief Society president sa maliit na branch namin ay isang matandang babae mula sa Norway. Alam niya na gusto ng Diyos na pangalagaan niya ang mga nangangailangan. Kaya nanghingi siya ng mga lumang damit sa kanyang mga kapitbahay. Nilabhan at pinlantsa niya ang mga damit. Pagkatapos ay inilagay niya ang mga ito sa mga kartong nasa balkonahe sa likod ng kanyang bahay. Kapag may nangangailangan ng damit, sasabihin ng kanyang mga kapitbahay, “Pumunta ka sa bahay sa gawing unahan ng kalye. May babae roon na magbibigay sa iyo ng kailangan mo.”
Nalaman ng babaeng ito kung ano ang nais ng Diyos na ipagawa sa kanya, at ginawa niya ito! Natulungan niya ang daan-daang mga anak ng Ama sa Langit na nangangailangan.
Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Nephi sa atin na sundin ang mga kautusan ng Diyos, gaano man kahirap ang mga ito sa ating paningin. Sinabi niya “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon” (1 Nephi 3:7).
Ipinapakita mo ang iyong tiwala sa Diyos kapag nakikinig ka sa Kanya at pagkatapos ay humahayo at ginagawa kung anuman ang hinihiling Niya. ●