Ano ang nasa Kahon?
Hindi mapakali si Ava sa upuan niya. Narinig niyang nagsasalita ang kanyang guro sa Primary. Pero hindi makapagpokus si Ava. Ang tanging nasa isip niya ay ang kahon sa ilalim ng upuan ni Sister Obi.
Nakabalot ito sa makintab na papel na kulay asul. May kulay gintong laso ito sa ibabaw. Ano kaya iyon? Iniyukod ni Ava ang kanyang ulo nang sobrang baba. Tinitigan niya ang kahon. Inisip niya na sana masilip niya ang loob kahit nakabalot ito sa makintab na papel. Hindi na siya makapaghintay na malaman kung ano ang nasa loob.
Sa wakas, kinuha na ni Sister Obi ang kahon. Ipinatong niya ito sa kanyang mga hita.
“Nasa loob ng kahon na ito ang isa sa pinakamagandang nilikha ng Ama sa Langit,” sabi ni Sister Obi. “Silipin ninyo ang loob. Pagkatapos ay ipasa ang kahon nang walang sinasabi.” Ipinasa niya ang kahon kay Noah.
Dahan-dahang inangat ni Noah ang takip. Sinilip niya ang loob ng kahon. Ngumiti siya. Pagkatapos ay ipinasa niya ang kahon kay June.
Pinanood ni Ava ang pagpasa ng kahon sa bawat isa. Isa-isang binuksan ng kanyang mga kaibigan ang kahon. Sinilip nila ang loob nito. Ngumiti sila.
Ano kaya ang napakahalaga sa Ama sa Langit? At paano kaya nagkasya ang ganoon kahalagang bagay sa isang napakaliit na kahon?
Sa wakas, pagkakataon na ni Ava na sumilip. Inangat niya ang makintab na takip at sinilip niya ang loob. Isa itong salamin! Tumingin si Ava sa salamin sa loob ng kahon. Nakita niya ang sarili niyang mukha na nakatingin sa kanya.
Nakita ni Ava na nanlaki ang mga mata niya. Isa ba siya sa pinakamagandang nilikha ng Ama sa Langit? Ganoon ba siya kamahal ng Ama sa Langit?
Ngumiti si Ava. Nakadama siya ng sigla at saya. Para siyang niyakap nang mahigpit. Isang yakap na mahigpit mula sa Ama sa Langit. Talagang mahal Niya siya! Isa siya sa Kanyang pinakamagandang nilikha. ●