2020
Paano Ko Dapat Kausapin ang mga Anak Ko tungkol sa Kalusugang Pangkaisipan?
Pebrero 2020


Paano Ko Dapat Kausapin ang mga Anak Ko tungkol saKalusugang Pangkaisipan?

image of child with storm clouds in their mind

Mga paglalarawan ni David Green

5 Paraan para Masimulan ang Pag-uusap

  • Ang hindi magagandang pakiramdam ay bahagi ng buhay. Ayos lang na magalit, malungkot, o mag-alala paminsan-minsan. Hindi ibig sabihin na kapag naramdaman mo ang mga ito ay may ginawa kang mali.

  • Hindi ba’t matutulungan ka ng mga doktor kapag nabalian ka ng binti? May mga tao rin na makakatulong sa iyo kapag nababalisa ang isipan at damdamin mo. Dapat humingi tayo ng tulong kapag kailangan natin ito.

  • Ang mga pagkakamali ay bahagi ng pagkatuto at pag-unlad natin dito sa mundo. Walang perpektong tao! Mahal tayo ng Ama sa Langit, kahit nagkakamali tayo. Nais Niya na patuloy tayong lahat na magsikap.

  • Ang ilang aktibidad—tulad ng paghinga nang malalim, pakikipag-usap sa isang tao, paglalaro ng mga isport, o pagdodrowing—ay makakatulong para gumaan ang pakiramdam mo kapag nababalisa ka. Hindi tayo dapat gumawa ng mga bagay na nakakasakit sa ating sarili, sa ibang tao, o sa mga hayop.

  • Kung minsan, hindi kaagad nawawala ang galit o pagkabalisa ng mga tao. May ilang tao na may iba pang mga problema sa pag-iisip nila. Hindi nila kasalanan iyon. Dapat maging mabait at matulungin tayo sa lahat at tratuhin natin sila kung paano sila tatratuhin ni Jesucristo.

Mga Payo sa Pakikipag-usap

  • Mahalagang tanungin ang iyong mga anak tungkol sa kanilang naiisip at nararamdaman, at pagkatapos ay makinig nang maigi. Maaaring kabilang sa mga tanong ang: Ano ang mga naiisip mo nitong mga nakaraang araw? Anong mga pagbabago ang nangyayari sa buhay mo? May napansin ka ba na bago sa mga nararamdaman mo? May mga tanong ka ba na matagal mo nang gustong itanong sa isang tao?

  • Mahalaga ang mga tanong ng iyong mga anak. Matutulungan ka ng mga ito na malaman kung ano ang mga bagay na handang malaman ng iyong mga anak. Sa halip na ibigay nang isang bagsakan sa iyong mga anak ang lahat ng alam mo tungkol sa isang paksa, sagutin ang tanong gamit ang pangunahing impormasyon. Pagkatapos ay hikayatin silang tumugon. Kung wala na silang karagdagang tanong, marahil ay sapat na sa ngayon ang pangunahing impormasyon. Kung may mga tanong pa sila, baka handa na sila para sa mga karagdagang detalye.

  • Iwasang makipagtalo sa iyong mga anak tungkol sa mga ibinahagi nila, kahit na hindi tugma ang mga iyon sa pananaw mo sa sitwasyon.

  • Kung minsan, mas madaling magsulat kaysa magsalita. Kung hindi na maganda ang takbo ng pag-uusap ninyo, subukang hikayatin ang iyong mga anak na isulat o idrowing ang nararamdaman nila.

Mga Ideya para sa Aktibidad

  • Para sa maliliit na bata, magdro-wing ng mga mukha na sumasagisag sa iba’t ibang pakiramdam at tulungan ang iyong mga anak na pangalanan ang mga ito.

  • Pag-usapan ninyo ng iyong mga anak kung anong mga aktibidad ang maaari nilang subukang gawin kapag nababalisa sila.

  • Mag-isip ng isang taong malungkot o nahihirapan sa anumang paraan. Ano ang magagawa ng inyong pamilya para magpakita ng pagmamahal sa kanya?

  • Magbasa at mag-usap tungkol sa mga kuwento mula sa Liahona kung saan hinarap ng mga miyembro ng Simbahan ang mga pagsubok nang may pananampalataya sa Diyos.

Kailangan Ko ng Tulong!

Kung sa palagay mo ay hindi na kayang kontrolin ang emosyon at pag-uugali ng iyong mga anak, o nanganganib na ang kanilang kalusugang pangkaisipan, makipag-ugnayan sa isang propesyonal tungkol dito. (May artikulo sa ibaba na naglalaman ng mga payo tungkol sa prosesong iyon.) Matutulungan ka ng bishop mo na makipag-ugnayan sa Family Services o sa iba pang mahihingan ng payo sa inyong lugar. Gayon din, may listahan ng mga maaaring tawagan sa panahon ng krisis at ng iba pang resources sa mentalhealth.ChurchofJesusChrist.org. May nagmamahal sa iyo, at hindi ka nag-iisa!