Digital Lamang: Mga Young Adult
Pinalitan ang Aking mga “Bakit” ng “Paano”
Sa isa sa mga pinakamahihirap kong pagsubok, lumakas ang aking pananampalataya nang baguhin ko ang aking pananaw.
Pagkaraan ng mahihirap na ilang linggo bilang baguhang missionary sa Australia, unti-unti kong naiisip na hindi para sa akin ang pagiging missionary at na kailangan kong umuwi. Sinabi ko ang aking pagkabalisa sa mission president ko, at pagkatapos ng masusing pag-iisip at panalangin, inilipat niya ako sa isang bagong lugar na may kasamang bagong kompanyon. Nagkasundo kami kaagad ng kompanyon ko, at unti-unting naglaho ang pagkabalisa at depresyon ko noon. Ngunit noong apat na buwan na lang ako sa misyon, pakiramdam ko pa rin ay mas mahihirapan ako hanggang matapos ko ito.
Isang araw, sa pagtatapos ng isang district meeting, nasorpresa kami sa pagdalaw ng aming mission president. Iniabot niya sa akin ang kanyang cell phone at nanay ko raw ang tumatawag. Bigla akong kinabahan at alam kong may problema. Napuno ng luha ang aking mga mata bago pa niya nasabi sa akin na nasuring may kanser ang nakababata kong kapatid na si Elliot. Bigla akong nakadama ng matinding kalungkutan, at sa sandaling iyon, wala akong ibang ginusto kundi ang makapiling ang pamilya ko. Ngunit nang panatagin ako ng nanay ko, sinabi niya sa akin na mas magiging epektibo ang pananampalataya at mga dalangin ko sa Australia kaysa sa bahay namin.
Nakausap ko si Elliot at ipinaalam ko sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Naroon palagi si Elliot para sa akin sa buong buhay ko, at lubos kong hinangad na naroon sana ako sa tabi niya. Tinapos ko ang aming pag-uusap sa pagdarasal para sa kanya sa wikang Samoan at nangako ako na ituturo ko sa kanya ang katutubong wika ng aming pamilya sa pag-uwi ko.
Kalaunan nang gabing iyon habang nagdarasal ako, nagsumamo ako sa Ama sa Langit. Isa lang ang itinanong ko: “Bakit po?” “Bakit si Elliot?” “Bakit ang pamilya namin—ulit?” Nakita at nadama na namin ang sakit na dulot ng kanser at ang nakapanlulumong epekto ng chemotherapy, at napuno ang aking isipan ng mga alaala ng matagal na pakikipaglaban noon ng tatay ko sa kanser at ang sakit na pinagdaanan niya. “Bakit naulit ito?” Gusto kong malaman. Naharap ako sa mga tanong na palagi ring itinatanong ng mga tao sa akin bilang isang missionary, ngunit kahit ang mga sagot ng ebanghelyo na palaging ibinibigay ko sa kanila ay hindi sapat para sa akin.
Habang nakaluhod ako at nananalangin nang may kirot at ligalig sa aking puso, nakaramdam ako ng kapanatagan. Nagpasiya akong manalangin muli. Sa pagkakataong ito tinanong ko ang Ama sa Langit ng, “Paano?” sa halip na “Bakit?” “Paano ako mapapalakas at ang aking pananampalataya ng pagsubok na ito?” “Paano maaapektuhan ng pagsubok na ito si Elliot at ang buong pamilya ko?” “Paano ako matutulungan ng pagsubok na ito na maging mas mahusay at mas epektibong missionary?” “Paano ko magagamit ang mahirap na panahong ito para makapaghatid ng kapayapaan sa mga taong hindi pa nalalaman ang tungkol sa ebanghelyo o sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo?”
Ang pagtutuon sa tanong na “Paano?” sa halip na sa tanong na “Bakit?” ay tumulong sa akin na maunawaan ang mga bagay-bagay nang may pananampalataya. Ang pagbabagong ito ng pokus ay nagpabago rin sa pagpapahalaga ko sa mga simpleng sagot ng ebanghelyo, na tunay na mga walang-hanggang katotohanan. Tunay na mahal tayo ng Ama sa Langit. Ang mga pagsubok, pasakit, at kanser ay hindi parusa. Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Itangi ang inyong mga espirituwal [at pisikal] na pasanin dahil mangungusap ang Diyos sa inyo sa pamamagitan nito at gagamitin kayo upang magawa ang Kanyang gawain kung papasanin ninyo itong mabuti” (“The Inconvenient Messiah,” Ensign, Feb. 1984, 70).
Nakadama ako ng labis na kapayapaan at kapanatagan kay Jesucristo sa mahirap na panahong iyon. Alam ko na nadama na Niya ang labis na kalungkutang nadama ko, pati na ang lahat ng mararamdaman at paghihirap ni Elliot sa mga buwang darating. Nakadama rin ako ng malaking kapanatagan mula sa mga banal na kasulatan, mga mensahe sa kumperensya, at sa aking mabait na mission president at mga kompanyon. Hindi ko tiyak kung paano ko tatanggapin ang balitang iyon nang hindi nalalaman ang plano ng kaligtasan at walang-hanggang plano ng Ama sa Langit para sa aming pamilya.
Kung minsa’y parang mas madaling magtanong ng “bakit?” at sisihin ang Ama sa Langit sa mga pagsubok na dumarating sa ating buhay. Ngunit sa pamamagitan ng karanasang ito at ng iba pang sumunod, alam ko na lagi tayong pagpapalain at susuportahan sa ating mga pagsubok kung magtitiwala tayo sa Kanyang matibay na pagmamahal at walang-hanggang karunungan (tingnan sa Alma 36:3).
Matapos ang mga buwan ng chemotherapy para kay Elliot at matagal na akong nakauwi mula sa aking misyon, iniisip ko pa rin ang karanasang ito sa tuwing dumarating ang mga pagsubok sa buhay ko. Marahil ay hindi ko malalaman kailanman kung bakit kinailangang danasin ng kapatid ko ang pagsubok na iyon, ngunit alam ko na balang-araw ay masasagot ang lahat ng tanong natin. Alam ko na noong sandaling iyon nang magtanong ako ng “paano?” sa Ama sa Langit sa halip na “bakit?” natutuhan kong magtiwala kay Jesucristo at tulutan ang pagsubok na ito na tulungan ako na maging higit na katulad Niya.