May Sasakyang-dagat Ako na Dapat Gawin
Ang karanasan ni Nephi ay nakatulong sa akin na makita kung paano harapin ang mga hamon sa buhay ko.
Nang sabihin ko sa aking mga magulang na gusto kong magmisyon, hindi sila natuwa. Kami lamang ng nakatatanda kong kapatid na si Ivan ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa aming pamilya. Sumapi ako noong 18 taong gulang ako, at ngayon, pagkalipas ng isang taon, nagpasiya akong magmisyon. Kahit pumayag din sa bandang huli ang aking mga magulang, binalaan ako ng tatay ko na hindi niya maipapangakong itutuloy niya ang pagbabayad ng matrikula ko sa kolehiyo pagbalik ko.
Gayunman, alam ko na kung maglilingkod ako, tutulungan ako ng Panginoon.
Sa buong misyon ko, ikinagalak kong makita na tinatanggap ng mga tao ang ebanghelyo ni Jesucristo at umuunlad sila tungo sa kaligtasan. Nang makauwi ako, bumalik ako sa pag-aaral. Pero hindi nagtagal ay sinabi ng tatay ko, tulad ng babala niya noon, “Hindi ko na mababayaran ang matrikula mo.”
Paano ito nangyari? Nagtaka ako. Nagmisyon ako. Ginawa ko kung ano ang nais ng Panginoon na gawin ko. Bakit nagkaganito?
Pag-aaral at Trabaho
Pagkatapos ay naalala ko ang nabasa ko sa Aklat ni Mormon. Si Nephi, na sumunod sa lahat ng kautusan, ay inutusan na gumawa ng sasakyang-dagat, isang bagay na hindi pa niya nagawa noon (tingnan sa 1 Nephi 17:8, 49–51). Pakiramdam ko ay may “sasakyang-dagat” ako na dapat gawin. Malaking problema iyon na hindi ko alam kung paano lutasin, kaya nanalangin ako na bigyan ako ng inspirasyon.
Hindi nagtagal ay kinausap ako ni Ivan. “Juan Pablo, narinig ko na hindi na babayaran ng tatay natin ang matrikula mo,” sabi niya.
“Totoo iyon,” sagot ko. “Sa palagay ko ay tapos na ang lahat para sa akin!”
Simple lang ang sagot ni Ivan, ngunit nagbigay ito ng inspirasyon sa akin. “Alam mo ba na puwede mong pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho?” sabi niya. “Sa paraang iyon, mababayaran mo ang iyong matrikula.” Noon ko lang naisip na puwede kong pagsabayin ang mga iyon! Kalaunan ay nakahanap ako ng part-time na trabaho na nakatulong sa akin para maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral.
Naisip kong muli si Nephi at ang sasakyang-dagat: “Ngayon ako, si Nephi, ay hindi … binuo ang sasakyang-dagat alinsunod sa pamamaraan ng tao; kundi binuo ko ito alinsunod sa pamamaraang ipinakita ng Panginoon sa akin” (1 Nephi 18:2).
Kung nakinig ako sa aking sarili, baka sinukuan ko na ang aking pag-aaral. Pero binigyan ako ng inspirasyon ng Panginoon, sa pamamagitan ng mga salita ng aking kapatid, na magpatuloy. Kung minsan kapag may mga hamon sa buhay natin, iniisip natin na hindi tayo pinagpapala ng Panginoon. Pero ngayon, nakikita ko nang malinaw kung paano Niya ako biniyayaan ng pagkakataon na sumulong at umunlad.
Huwag Sumuko!
Habang nag-aaral pa, nag-asawa na rin ako. Noong malapit ko nang matapos ang kursong kinukuha ko, napagtanto ko na hindi ko pala gusto ang pinag-aaralan ko. Gusto ko nang sumuko. Pero sabi ng asawa ko, “Hindi ka dapat sumuko. Hindi mo alam kung ano ang inihanda ng Panginoon para sa iyo, kaya dapat makatapos ka.”
Naisip kong muli si Nephi. Kahit pinagmamalupitan ng kanyang mga nakatatandang kapatid, hindi siya sumuko. Sa halip, bumaling si Nephi sa Diyos at pinapurihan Siya. “Hindi ako bumulung-bulong laban sa Panginoon dahil sa aking mga paghihirap,” sabi niya. Sa huli ay napalaya siya, at “ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ang umugit sa sasakyang-dagat, na kami ay naglayag na muli patungo sa lupang pangako.
“At ito ay nangyari na, na makaraang kami ay makapaglayag sa loob ng maraming araw kami ay sumapit sa lupang pangako” (1 Nephi 18:16, 22–23).
Dahil nakinig ako sa payo ng aking asawa, natapos ko ang kurso ko. Pero sinimulan kong magtrabaho sa ibang larangan.
Pagkaraan ng ilang taon, nagkaroon ako ng malakas na impresyon na kailangan ko pang mag-aral, at nadama kong dapat akong pumasok sa graduate school. Nang simulan ko na ang pag-aaplay, isa sa mga unang bagay na itinanong sa akin ay kung may bachelor’s degree ako. Sa sandaling iyon, biglang pumasok sa isip ko ang mga sinabi ng aking asawa: “Hindi mo alam kung ano ang inihanda ng Panginoon para sa iyo, kaya dapat makatapos ka.” Kung hindi ko natapos ang aking bachelor’s degree, hindi ko makukuha ang aking master’s degree.
Ginagabayan Tayo ng mga Propeta
Tuwing binabasa ko ang Aklat ni Mormon, itinatanong ko sa aking sarili, Ano ang gusto ng propetang ito, na nabuhay libu-libong taon na ang nakararaan, na malaman ko at magamit ko sa aking buhay at sa buhay ng aking pamilya? Halimbawa, itinuro sa akin ni Nephi na kailangan nating maging handa kapag tinawag tayo ng Panginoon, magtiwala sa Kanya, at maglingkod sa Kanya nang tapat.
Alam ko nang walang anumang pag-aalinlangan na kapag tinawag ka ng Panginoon, maghahanda Siya ng paraan, tulad ng ginawa Niya para kay Nephi (tingnan sa 1 Nephi 3:7).